Pambansa-demokratikong rebolusyon ang sagot sa tumitinding kagutuman at kahirapang nararanasan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino! Wakasan na ang rehimeng US-Duterte!

Kasama ng buong hanay ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan, ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDFP-ST), ay nagpapaabot ng Pulang Saludo at taas kamaong pagbati sa ika-48 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at sa libu-libong kasapian ng mga lihim na organisasyong masa. Binabati din natin ang mga kinatawan ng organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika (OKP) na nakatayo sa mga larangan at baseng gerilya sa kanayunan at sa mga komite ng Partido na nakatayo sa mga kalunsuran.

Ipinagdiriwang natin ang anibersaryo ng NDFP sa gitna ng napakatinding kahirapang nararanasan ng mamamayang Pilipino dulot ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo at kronikong krisis ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino na lalong pinalala ng pananalasa ng pandemyang COVID-19. Idinulot nito ang walang kaparis na malawakang kagutuman, kahirapan at pagbagsak ng kabuhayan ng mayorya ng mamamayan. Humantong na sa pormal na resesyon ang ekonomiya ng bansa sanhi ng walang humpay na pagpapatupad ng anti-mamamayan at neoliberal na patakarang lalong nagpapasahol sa kronikong krisis sa bansa.

Humangga na sa walang katulad na krisis ang kawalan ng trabaho sa bansa, umabot na 5 milyong manggagawang Pilipino ang walang trabaho, labas pa ito sa ilang milyong manggagawa na nasa kategorya na kulang sa trabaho at hanapbuhay. Hindi na rin naka-usad ang sahod ng mga manggagawa sa rehiyong Timog Katagalugan, habang pinatutupad ang iba’t ibang batas sa pasahod at ang malawakang sistemang kontraktwalisasyon. Sa kabilang banda, patuloy sa pagsirit pataas ang presyo ng mga batayang pangangailangan ng mamamayan at mga bayaring yutilidad na lalong naglugmok sa abang kalagayan ng mga manggagawa at pamilya nito.

Malubha ang kawalan ng serbisyong panlipunan katulad ng pabahay, kalusugan at edukasyon. Marubdob na hinahangad ng mamamayan ang hustisyang panlipunan: lupa, trabaho at pagkain! Magiting na nagtatanggol at nakikibaka ang masang magsasaka laban sa malawakang pagpapalayas at pangangamkam sa mga lupaing agrikultural na pinagyayaman nila. Isinusulong ng mga katutubo ang karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya. Nakikibaka ang masang manggagawa sa nakabubuhay na sahod, karapatang mag-unyon at seguridad sa trabaho. Ipinaglalaban ng mga maralita sa kalunsuran ang karapatan sa paninirikan, pabahay, disenteng hanapbuhay at panlipunang serbisyo.

Samantala, ipinagyayabang ni Duterte at ng kanyang militaristang gabinete na “hindi sila nagkulang” sa pagtugon sa pandemya — ngunit ang kanilang huling ayudang P1,000 ay katumbas lamang ng 2 kilong karneng baboy. Dahil dito, nagsulputan na parang kabute at dinumog ng mamamayan ang mga “Community Pantry” na bagong nadagdag sa humahabang listahan ng mga biktima ng sistematikong red tagging ng NTF-ELCAC at ng mga alipores ni Duterte dahil nailalantad nito ang pagkamanhid ni Duterte sa agarang pagresolba sa kagutuman at kahirapan.

Mga buwitreng walang kabusugan at masibà ang pangkatin ni Duterte sa Malakanyang. Malawakan ang pandarambong nila sa kabang yaman ng bansa, ang bilyon-bilyong pondo na para sana sa pagsugpo ng pandemyang COVID-19 ay pinag-aagawan ng kanyang mga heneral at mga kaalyado sa pulitika. Pinagpipyestahan ng mga militar ang P19.5 bilyong pondo ng NTF-ELCAC at kurakot sa bilyon-bilyong pondo para sa modernisasyon ng AFP na ginagamit laban sa mamamayan at hindi para depensahan ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas mula sa pang-aagaw ng Tsina. Hinahayaan ni Duterte ang pandarambong upang mabili nya ang katapatan ng mga militar at mga alyado dahil sa maitim na balaking makapanatili pa sya sa poder ng kapangyarihang pampulitika lagpas sakanyang termino sa 2022.

Hindi mapapasubalian na nanatiling wasto ang linya at pakikibaka ng NDFP! Isa ito sa mga mayor na pwersang layon na pagkaisahin ang lahat ng patriotiko, progresibong uri, sektor at pwersa para makamtan ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya sa kamay ng naghaharing uri na kinakatawan sa ngayon ng rehimeng US-Duterte.

Ipinamalas na ng NDFP ang kanyang kakayanan at kawastuhan, para sa pagbubuo at pagpapaunlad ng pagkakaisa, kooperasyon at koordinasyon ng alyadong mga organisasyon nito, nang naaayon sa makauring rebolusyonaryong linya sa nagkakaisang prente. Binibigyang-buhay nito at pinalalakas ang pamumuno ng uring manggagawa, ang batayang alyansa ng manggagawa’t magsasaka, at ang batayang mga pwersa ng rebolusyon (ang mga manggagawa, magsasaka, at petiburgesyang lunsod) at iba pang positibong pwersa ng rebolusyon kabilang ang pambansang burgesya.

Dahil sa patuloy na pakikidigma para sa interes at kapakinabangan ng sambayanang Pilipino, kinilala ang NDFP bilang kumakatawan sa demokratikong gobyernong bayan at buong rebolusyonaryong pwersa at sambayanang Pilipino sa negosasyon sa kapayapaan sa reaksyunaryong gobyerno ng Pilipinas. Mayroon nang mga bansa, internasyunal na organisasyon at institusyon ang kasalukuyang kumikilala sa status of belligerency o sa katayuan ng NDFP bilang isang lehitimong pwersang nakikidigma na may sariling kapangyarihang pampulitika/paggogobyerno, hukbo at nasasakupang teritoryo.

Hinadlangan ni Duterte ang pagsulong pa ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na magsisilbing panuntunan sana upang malutas ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Nilalaman nito ang mga kongkretong hakbangin upang lutasin ang mga suliranin ng kahirapan, pagkaatrasado ng ekonomya, at kawalan ng hustisyang panlipunan na puno’t dulo ng armadong labanan.

Imbes na itakwil ang mga neoliberal na patakarang nagbibigay laya sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at lokal na naghaharing uri na dambungin ang likas na yaman at buong ekonomiya ng bansa, mas pinili ni Duterte na mapanatili ito sa pamamagitan ng Cha-cha at iba pang mga pagluluwag sa ekonomiya para umano umakit ng dayuhang pamumuhunan at pautang subalit nagpalala lamang sa kagutuman, kahirapan at sinabayan pa ng madugong panunupil ng estado sa mga manggagawa at sambayanang Pilipino.

Kailangang mahigpit na magkaisa ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang pinagsasamantalahan at aping uri’t sektor upang singilin ang isang gobyernong pabaya, kriminal, korap, pahirap, tuta ng mga imperyalistang kapangyarihan, at mamamatay tao! Pabagsakin na ang rehimeng US-Duterte na hindi naglilingkod sa kanyang sariling mamamayan!

Sa landas ng pakikipagkaisa, kinakailangang itaas ang pakikibaka ng mga manggagawa sa tuloy-tuloy na pagsusulong ng isang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang hinaharap, ito lamang ang tanging solusyon at hakbanging lulutas sa napakatinding kahirapan at panunupil.

MABUHAY ANG IKA-48 TAONG ANIBERSARYO NG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDFP!

Pambansa-demokratikong rebolusyon ang sagot sa tumitinding kagutuman at kahirapang nararanasan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino! Wakasan na ang rehimeng US-Duterte!