Pamibi ng Masang Bikolano sa Mahal na Birhen ng Penafrancia para sa Katarungan at Pangmatagalang Kapayapaan
Mahal na Ina, Patrona ng Kabikulan,
Pagpalain mo kami ng inyong proteksyon mula sa tiranikong nagpapahirap, nanggigipit at umaalipin sa sambayanan.
Sa bawat sulok ng rehiyon, tumatangis ang sambayanan dahil sa sumisidhing krisis. Ipinapaubaya ng tirano sa kanyang mga alipures ang malalawak na lupaing linikha ng Amang Diyos at matagal nang ipinaglalaban at linilinang ng taumbayan. Gaano man katinding pagpapagal, patuloy na dumarami ang kumakalam na tiyan. Silang mga kasapakat ng tirano at mapagsamantalang kapitalista at malalaking panginoong maylupa na walang araw na nagbilad sa gitna ng kabukiran ang masibang nakikinabang mula sa aming lakas-paggawa at likas-yaman ng bayan.
Mahal na Ina, bigyan mo ng kami ng lakas para sa aming mga tunguhin. Sa bawat araw na lumilipas, pinapaslang, tinutugis at dinudusta ng mga ahente ng estado yaong walang hiningi kundi ang kanilang mga batayang karapatan.
Mahal na Ina, bigyan mo kami ng katatagan para sa aming paninindigan. Ipinapangako naming walang tunay na anak ng Diyos – anak ng bayan – ang makikipagsabwatan kay Duterte at kanyang pangkatin.
Mahal na Ina, bigyan mo ng liwanag ang aming mga kapatid na sundalo at pulis upang mabuksan ang kanilang isipan sa tamang landas ng pagsisilbi sa bayan. Nawa’y maunawaan nilang hindi tunay na sakripisyo at pagmamalasakit sa kapwa ang pagiging tuta ng mga naghaharing-uri. Ibukas mo ang kanilang mga isipan tungo sa landas ng kanilang mga tunay na kapanalig. Sila’y aming kapatid at kababayan at tulad din naming dinukha at inalipusta ng lipunan.
Mahal na Ina, dinggin mo ang aming paglaban. Dinggin mo ang mga sigaw sa lansangan at ang dagundong ng kanayunan. Nakakuyom ang aming kamao’t namamanatang ipaglalaban ang bayan at masa para matamasa ang tunay na kalayaan, katarungan at kaunlaran.
Ikaw, Mahal na Ina, ang aming huwaran sa pagmamalasakit sa kapwa at walang pag-iimbot na pagmamahal. Ikaw din ay lumisan sa iyong tahanan at tumawid ng mga bayan upang ipagtanggol ang anak ng Diyos laban sa mga tirano. Sa ngalan ng Ama at ng anak at ng Espiritu Santo, pagpalain mo po ng katatagan ang Sambayanang Pilipino. Amen.