Pampulitikang Kumperensya ng KM-DATAKO, Matagumpay na Naisagawa sa Gitna ng Pandemya’t Pasismo
Walang makakapigil sa mga rebolusyonaryong kabataan kahit sa gitna ng mga limitasyong ipinataw ng militaristang lockdown dahil sa pandemya at ng panggigipit at pananakot ng rehimeng Duterte.
Ngayong buwan ng Nobyembre, matagumpay na nakapagsagawa ng isang pampulitikang kumperensya ang Kabataang Makabayan – Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera (KM-DATAKO) bilang paggunita sa ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Nakaangkop ang temang ‘Kabataan sa Kordilyera, Lansagin ang Pasistang Rehimen, Paigtingin ang Rebolusyon’ sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na palakasin ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Mahusay na nakapagpadalo ng mga representante ang karamihan sa bawat balangay ng KM-DATAKO sa pampulitikang kumperensya ito, habang nakapagpadalo rin ang mga kasama mula sa iba pang mga rebolusyonaryong organisasyong masa.
Sa pampulitikang kumperensyang ito, nagbigay pugay ang mga kabataan sa kadakilaan ng mga martir ng rebolusyon sa Kordilyera. Inisa-isang diniskusyon ang mga buhay ng mga martir na ipinangalan sa mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa Kordilyera at mga balangay ng KM-DATAKO. Nagbigay rin ng mga mahuhusay na pagtatanghal ang mga kasapi ng delegasyon, at nakalikha ng mga obra na naisama sa ispesyal na isyu ng ‘Risiris’ na inilabas din ngayong Nobyembre. Nagbigay din ng mensahe ang CPDF bilang panghahamon sa mga kabataan na makibaka sa ilalim ng pasistang rehimen ni Duterte.
Ayon sa kanilang mensahe, “Mahirap ang kalagayan sa panahon ng COVID-19 sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte…Napakatindi ang atake sa organisadong kabataan dahil alam ng kaaway na kayo ang tagapagpatuloy ng rebolusyong Pilipino. At para sa magigiting na anak ng bayan na nasisikipan sa limitadong pagkilos sa kalunsuran, naghihintay ang maaliwalas na bulubunduking Kordilyera para sa mga sasampa sa pangunahing anyo ng pakikibaka.”
Sa pamamagitan ng pampulitikang kumperensyang ito, muling pinagtibay ng mga kasapi ng KM-DATAKO ang pagtangan sa rebolusyonaryong paninindigan ng pagsisilbi sa mamamayan. Lalong pinagtibay ng pampulitikang kumperensya ang pangangailangan ng mga kabataan sa kanayunan na sasampa sa Bagong Hukbong Bayan.
Ayon kay Kidawa Dayawen, tagapagsalita ng KM-DATAKO, “Isang malaking tagumpay na naisagawa ng kasapian ng KM-DATAKO ang ganitong pagtitipon sa gitna ng kahirapan sa mga limitasyon ng militaristang lockdown at pananakot ng rehimeng Duterte. Dagdag ito sa mahabang listahan ng mga patunay na hinding-hindi naduduwag ang kabataang Pilipino sa kahit anong pandarahas ng estado, bagkus ay mas lumiliyab pa ang kanilang mga puso’t diwa na magsilbi para sa rebolusyon. Ngunit kailangan na mapagpasya pang igpawan ang mga kahinaa’t mga bagahe, at magpasampa sa Bagong Hukbong Bayan. Hinding-hindi natin mapapatalsik, o kahit man lang makakasugat sa mga mahihinang parte ng rehimeng Duterte, kung hindi tayo makakabira sa kanayunan. At para magawa ito, nangangailangan ng suportang tao sa ating Hukbo.”
Sa darating na buwan at susunod na taon, maaasahan ang paparaming mga aktibidad at mga pahayag ng KM-DATAKO bilang ambag sa paglalansag sa pasistang rehimen at pagpapalakas ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay.