Pampulitikang tokhang sa pay-out ng 4Ps sa Mindoro, panibagong krimen ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA
Mariing kinukondena ng LDGC-NPA-Mindoro at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa isla ang dalawang insidente ng pampulitikang tokhang sa mga benepisyaryo ng 4Ps at GIDA na naganap sa panahon ng pay-out ng nasabing mga programa.
Pinaslang si Salvador “Badoy” Dela Cruz noong Hulyo 29, alas-2 ng hapon sa So. Kawit, Brgy. Poblacion, Magsaysay, Occidental Mindoro ng mga elemento ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA. Lulan ng motor si Dela Cruz at ang isa niya pang kasama galing sa payout ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps nang harangan sila ng mga nakabonet na armadong kalalakihan. Pinababa ang dalawa sa kanilang motor at pinatakbo ang kasama ni Badoy para ‘hindi na madamay’. Ilang segundo lamang ay pinagbabaril ng mga berdugo si Badoy na kaagad niyang ikinamatay.
Si Badoy, taga-So. Pugo, Brgy. Gapasan, ay kilalang lider magsasaka sa nasabing bayan. Madalas siyang dinudulugan ng problema sa lupa ng kapwa niya magsasaka. Kasama siya ng maraming magsasaka sa mga pagkilos para isulong ang kanilang karaingan at interes. Dahil dito tinarget at biktima siya ng paulit-ulit na redtagging ng pasistang sundalo’t pulis. Bago siya paslangin, ilang ulit siyang binantaan ng mga operatiba ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA. Pilit nilang ipinaamin kay Dela Cruz ang pagkakasangkot umano sa ambus na inilunsad ng NPA noong Mayo 28 sa So. Banban, Brgy. Nicolas.
Dahil malinaw kay Badoy na wala siyang nilalabag sa batas ay nanatili siya sa kanyang lugar kahit nagkampo na sa gitna ng kanilang sityo ang mga elemento ng 4th IB mula Hulyo 2021. Noong Hulyo 24, nagpaalam pa siya sa mga sundalo upang sumahod sa 4Ps. Sa araw ng pagsahod, nakita ng kanyang pamilya na sinundan na ang kanyang sinasakyang motor ng mga sundalo.
Kaparehong insidente ang naganap kay Lukmay De Jesus, isang katutubong Buhid mula sa So. Rimas, Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro noong Hulyo 30. Habang pauwi rin mula sa pay-out ng GIDA (Geographically Isolated Depressed Area), hinarang siya ng mga elemento ng 203rd Bde. Dinala siya sa isang di matukoy na safe house at doon iligal na ininteroga. Pilit siyang pinaaamin na tagabili ng suplay ng mga NPA at ipinatutuga ang kanyang mga kasamahan diumano sa ganitong mga gawain. Dahil walang maamin at maituga, binugbog at tinortyur siya ng mga berdugo. Pinakawalan lamang siya dahil hinanap at hinabol siya ng kanyang kapamilya at mga kasityo sa kamay ng mga awtoridad. Matinding sikolohikal na trauma at mga bali sa tadyang ang idinulot sa biktima ng nasabing insidente.
Ang walang patumanggang pamamaslang, pambubugbog, panggigipit at marami pang paglabag sa karapatang-tao ng mga inosenteng sibilyan ang hatid ng pampulitikang Tokhang ng berdugong mga utusan ng rehimeng US-Duterte sa balangkas ng kampanyang kontra-insurhensya sa ilalim ng NTF-ELCAC at JCP Kapanatagan.
Sadya nilang ginagawa ang mga paglabag na ito upang likhain ang klima ng terror sa buong bansa at sindakin ang mamamayan upang supilin ang kanilang pagkilos para sa kanilang karapatan at demokratikong kahilingan. Itinutulak pa ng rehimen ang mga karumal-dumal na pampulitikang Tokhang sa kanyang utos na “patayin ang mga komunista” kagaya ng Bloody Sunday sa CALABARZON at implementasyon ng SEMPO sa Negros, kakumbina ng matinding karahasang militar kagaya ng aerial strafing, pambobomba at sapilitang pagpapalikas sa buu-buong mga komunidad. Bahagi rin nito ang militaristang lockdown na ipinatutupad sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Kailangang pagbayarin nang mahal ang 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA sa kanilang mga karumal-dumal na krimen.
Lalong namumulat ang mamamayan sa nararanasan nilang kaapihan at pagsasamantala sa ilaim ng rehimeng US-Duterte. Itinutulak nito ang mamamayan na lumaban at mag-armas. Higit kailanman, kailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng mamamayang Mindoreño upang labanan at biguin ang terorismo ng rehimeng Duterte.
Nanawagan ang LDGC sa mga Mindoreño na suportahan ang kanilang Hukbo upang maparusahan ang lahat ng may utang na dugo sa mga Mindoreño. Paiigtingin natin ang armadong pakikibaka upang maibagsak ang paghahari ng pasista, tiwali at makadayuhang rehimeng Duterte. ###