Panagutin ang 76th IB at 203rd Bde sa pagpaslang kay Kapitan Dante Yumanaw ng Sityo Tiabong, Ligaya, Sablayan!
Kinokondena ng LdGC-NPA-Mindoro ang pagpaslang ng 76th IBPA kay Kapitan Dante Yumanaw noong ika-15 ng Hulyo, bandang alas-8:00 ng umaga sa sityo Tiabong, Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro. Bukod dito, walang habas na pinagbabaril din ang kasama ni Kapitan Dante at gumawa ng marahas na aksyon laban sa Batangan-Mangyan ng sityo Tiabong, maging sa hanay ng mga mamamayan ng Brgy. Ligaya, Sablayan. Dapat na gawin ang buong makakaya upang panagutin ang 76th IBPA at 203rd Bde sa krimen na ito laban kay Kapitan Dante, sa kanyang pamilya at sa Mangyan-Batangan.
Pinasisinungalingan ng LdGC-NPA-Mindoro ang muli na namang pinakalat na fake news ng 203rd Bde at 76th IBPA na ang NPA ang gumawa ng pamamaslang kay Kapitan Dante at pandarahas sa mamamayan ng Tiabong at Bgy. Ligaya. Ang totoo, nagkaroon ng engkwentro nang magkasalubong sa daan ang mga Pulang mandirigma ng LdGC-NPA-Mindoro at ang isang kolum ng nag-ooperasyong teroristang 76th IB sa sityo Tiabong. Nasaksihan mismo ng mga Pulang mandirigma ang walang-awang pamamaril ng mga berdugong tropa ng 76th IBPA kay G. Dante Yumanaw at sa kanyang kasama na mas nauna pang nakasalubong sa daan ng mga pasista.
Pinapaabot ng LdGC-NPA-Mindoro ang tauspusong pakikiramay sa kapamilya’t kaanak at sa komunidad ng sityo Tiabong sa pagkamatay ni Kapitan Dante. Suko hanggang langit ang pagkamuhi ng NPA sa ginawang pagpaslang kay Kapitan Dante at pandarahas sa komunidad ng Mangyan-Batangan sa Tiabong ng mga pasistang pwersa ng 76th IBPA.
Krimen ang pamamaril at pagpaslang kay G. Yumanaw, sa kanyang kasama at sa kanilang komunidad na mga sibilyan, mga hindi kalahok at hindi din kabilang man lamang sa armadong pwersa ng NPA. Saligang nilalaman ng Internasyunal na Makataong Batas na hindi dapat gawing target ang mga sibilyan, ang mga sibilyang pasilidad at maging ang kanilang kabuhayan sa mga labanan at operasyong militar na ginagawa ng alinman sa magkatunggaling armadong pwersa.
Sa buwan lamang ng Hulyo, pangalawa na ito sa naitalang kaso ng arbitraryong pamamaril sa mga sibilyan sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Una na rito ang insidente ng pamamaril ng mersenaryong SAF-PNP at 4th IBPA sa kabahayan ni G. Inyab, isang Mangyan-Buhid na residente ng Sitio Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Hulyo 3. Nagresulta ito sa pagkamatay ng isang menor-de-edad. Upang maabswelto sa krimen na ito, nagpakalat din ang mga pasista ng pekeng labanan at pinalabas na ang nasawi ay isang Pulang mandirigma ng LDGC-NPA-Mindoro.
Pilit na binabaliktad ng pasistang 76th IB ang istorya upang makaalpas sa panibagong kaso nito laban sa mamamayang Mindoreño. Pakitang-tao lamang ang malasakit nito sa pagmamayabang nitong isinakay pa ang biniktima nilang sibilyan sa isang Blackhawk helicopter para mabigyan ng paunang lunas. Gaano man nila pabanguhin ang kanilang pangalan, umaalingasaw na ang baho ng kanilang madudugong kamay dahil sa serye ng mga krimen na inihasik sa mga mamamayan.
Hindi na magpapaloko ang mga mamamayan sa mga buladas at fake news na ipinapakalat ng AFP-PNP at ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Kailangan itong ilantad at labanan. Gaano man ang katusuhan at kasinungalingan ng mga palalong kaaway na takutin at linlangin ang taumbayan, malalantad sa mamamayan ang katotohanan.
Tinatawagan namin ang mamamayan sa Sablayan at buong Occidental Mindoro na ilantad, labanan at panagutin ang krimen laban kay Kapitan Dante at sa katutubong Mangyan-Batangan ng mga pwersa ng 76th IBPA. Hindi dapat ito palampasin.
Asahan ng mamamayan at mga biktima ang paggawad ng LDGC-NPA-Mindoro ng rebolusyonaryong hustisya para sa dumaraming krimen ng 76th IB at iba pang reaksyunaryong armadong pwersa ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Hindi maglulubay ang mga Pulang mandirigma sa pagtatanggol sa mga aping mamamayan bilang bahagi ng pagtupad nito sa kanyang sinumpaang tungkulin. Mananagot ang berdugong tropa ng mamamatay-taong rehimeng US-Marcos II sa kasalanan nito sa mamamayang Mindoreño!
Hustisya para sa mga biktima ng krimen ng teroristang rehimeng US-Marcos II!
Panagutin ang 76th IB sa kanilang kriminal na pananagutan kay Kapitan Dante!
Digmang bayan, sagot sa terorismo ng estado!###