Panagutin ang rehimeng US-Duterte sa kapabayaan sa pagharap sa nCoV
Mahigpit na nakikiisa ang MSP-Bikol at MAKIBAKA-Bikol sa panawagan ng mamamayan para sa libre at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Ang kawalang-aksyon ng rehimeng US-Duterte sa kinakaharap na paglala ng kumakalat na novel Corona Virus (2019-nCoV) ay isang patunay na walang maaasahang pagbabago o makamasang hakbang mula sa pasistang rehimen. Ilang araw pa matapos ibalita ang pagkalat ng 2019-nCoV sa ibang bansa nagkaroon ng mga hakbang ang reaksyunaryong gubyerno upang iwasan ito. Ngunit maging ang mga hakbang na ito ay kapos at sadyang walang makabuluhang naitutulong sa masa upang labanan ang sakit.
Sa halip na mga kagyat na hakbangin upang iwasan ang pagkalat ng 2019-nCoV sa bansa, nauna pang maabala ang rehimen na ihambog ang hungkag na Duterte Legacy. Tulad ng matagal nang batid ng masang anakpawis, ito ay walang iba kung hindi legasiya ng pagpapakatuta sa mga imperyalistang bansa at pagiging sunud-sunuran sa mga neoliberal na patakarang naaayon sa kagustuhan ng kanyang mga amo. Ito rin ay legasiya ng papatinding karahasan sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran.
Ano pa nga ba ang maaasahan sa rehimeng wala lamang naging proyekto para sa kalusugan at nagwawaldas lamang ng pera para sa mga kontramamamayang gera? Sa Pilipinas, pinakabulnerableng tamaan ng bayrus na ito ang mga komunidad sa kalunsuran at mga rural eryang hindi naaabot ng serbisyong pangkalusugan at walang nakukuhang impormasyon hinggil dito. Higit madaling matamaan ang mahihirap na walang kakayahang pumunta sa mga klinika at mga ospital upang bumili ng gamot o magpatingin man lang ng kanilang karamdaman. Sa Kabikulan, iilan lamang ang mga pampublikong ospital at lahat ng ito ay matatagpuan lamang sa mga syudad. Karaniwan ding kapos ang kagamitan o tauhan ng mga klinika sa mga baryong hindi rin nagbubukas araw-araw.
Matagal nang binitiwan ng rehimeng US-Duterte ang tungkulin nitong ibigay ang serbisyong pangkalusugan, isang batayang serbisyo, para sa mamamayan. Nararapat na panagutin at singilin ang papet na rehimen sa pag-abandona sa tungkulin nito sa mamamayan. Dapat mabigyan ng sapat na atensyong medikal ang mamamayang Pilipino, laluna ang mga nasa liblib na lugar sa kanayunan, sa mga laylayan at sa mga maralitang lungsod. Nananawagan ang MSP-Bikol at MAKIBAKA-Bikol sa lahat ng mamamayang Bikolano laluna sa mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na magtulungan upang maabot ang mga komunidad sa kanayunan.
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte! Mamamayan, magkaisa at lumaban!