Panagutin ang rehimeng US-Duterte sa lumulubhang krisis sa ekonomya at kabuhayan! Labanan ang rehimeng Marcos, Jr. sa tiyak pang pagpapasahol nito!
Walang ibang dapat managot sa lumulubhang krisis sa ekonomya kundi ang rehimeng US-Duterte. Ang walang humpay na pagtindi ng kahirapan, kagutuman at pagbagsak ng kabuhayan ay resulta ng anim-na-taong pagkukumpleto ng rehimen sa adyendang neoliberal. Manipestasyon ng sumasahol na kalagayang sosyo-ekonomiko ang nagbabadyang krisis sa pagkain na idinulot ng ganap na liberalisasyon sa agrikultura kasabay ng kainutilan ng rehimen sa tumitinding imperyalistang manipulasyon sa langis.
Pinakaapektado ng krisis na ito ay ang nilumpong lokal na produksyon ng masang magsasaka dulot ng walang habas na importasyon ng mga produktong agrikultural at abot-langit na gastos sa produksyon.
Sa pagtitiyak ng rehimeng Duterte na mailuklok sa poder ang kanyang mga piniling tagapagmana, titiyakin ng rehimeng Marcos Jr. na isagad ang pagdurusa ng sambayanan sa ngalan ng ibayong pandarambong at pagpapalawak ng paghahari ng kanilang pangkatin. Sa katunayan, ang inarkitekto ng papababang rehimeng Duterte na krisis sa pagkain ay hudyat para sa uupong rehimeng US-Marcos Jr. na ipagpatuloy ang patakarang liberalisasyon at iba pang adyendang neoliberal sa agrikultura. Tulad ng kanyang idolong si Duterte, gagamitin at pasisidhiin pa ni Marcos Jr. ang terorismo ng estado upang hadlangan ang pagsambulat ng mga pagkilos laban sa tumitinding krisis.
Sa yugtong ito, hindi na kailanman sasapat ang paghihintay sa ayuda at kanya-kanyang pagtitiis. Hinihingi ng kasalukuyang kalagayan ang pangangailangang palakasin at pataasin ang antas ng kolektibong pagkilos at paglaban. Pinakakagyat na tungkulin ng mamamayan ang paghadlang sa patuloy na pamamayagpag ng pasismo upang mabigyang puwang ang pangwawasak sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa ilalim ng imperyalistang neoliberal na kaayusan.
Bilang isa sa mga rehiyong pinakatinamaan ng atakeng neoliberal, higit ang batayan ng mamamayang Bikolano para lumahok at manguna sa mga pakikibaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan. Nananatili ang Kabikulan bilang isa sa mga rehiyong pinakamahirap, may pinakamababang sahod, pinakamaraming nawalan ng trabaho at pinakabulnerable sa walang prenong pagtaas ng presyo ng bilihin. Matatapos ang rehimeng US-Duterte at ang hatid nitong Bicol Regional Development Program 2017-2022 sa signipikanteng pagpahina ng agrikultura sa Kabikulan; magsisimula ang rehimeng Marcos Jr. sa layuning tuluyan itong padapain.
Hamon sa mamamayang Bikolano, higit sa masang magsasakang mayorya nito, na ipagpatuloy ang paglaban sa pamamayagpag ng pasistang pangkating Marcos-Duterte bilang gulugod ng kanilang pakikibakang sosyo-ekonomiko. Pinakawasto at pinakamabisa na mahaharap ng masang magsasaka at ng buong sambayanan ang sumasahol na krisis sa ekonomya at terorismo ng estado sa pagsalig sa rebolusyonaryong pakikibaka. Sa kanayunan ng Bikol, ang mga komunidad na may aktibong nakatayong mga rebolusyonaryong organisasyong masa tulad ng PKM-Bikol ang may pinakamatibay na pundasyon upang harapin at pangibabawan ang tumitinding pasista at neoliberal na atake.