Panagutin ang SOLCOM, 203rd Brigade at 4th IBPA sa Marahas na Pagdukot sa anak ng bilanggong pulitikal sa Occidental Mindoro
Mariing kinukundena ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army-Mindoro (LDGC-NPA-Mindoro) ang marahas na pagdukot sa 4-taong gulang na batang si MJ, anak ng bilanggong pulitikal na si Emilia Marquez noong ika-12 ng Mayo, bandang alas-7 ng gabi sa Rizal, Occidental Mindoro. Isa itong makahayop na krimen na dapat pagbayaran nang mahal ng rehimeng Duterte.
Lulan ng isang SUV na pick-up truck, ginalugad ng humigit-kumulang 10 tropa ng 203rd Brigade at 4IB na nasa direktang kumand ng SOLCOM ang mga bahayan sa So. Ambuyan sa Brgy. Pitogo at pinapatay ang mga ilaw dito, bago nila salakayin ang bahay na kinaroroonan ng batang si MJ. Nagpanggap ang mga pasista bilang NPA at tinakot ang taumbaryo.
Pwersahan nilang pinasok ang bahay habang naghahapunan ang mag-asawang nagsilbing legal guardians kay MJ na sina G. Jojo at Gng. Juvy Fernandez kasalo ang kanilang apat na anak na pulos menor-de-edad. Tinutukan sila ng baril, pinagbantaan ang buhay saka sapilitang kinuha si MJ habang walang tigil ang pagtangis ng bata.
Ayon sa mga saksi, nakipag-agawan ang mag-asawang Fernandez sa mga sundalo upang bawiin si MJ. Halos sagasaan ng mga pasista ang mag-asawa hanggang sa maitaboy sila at humarurot na ang sasakyan palayo sa pinangyarihan.
Nagsilbing legal guardians ang mag-asawa mula nang mawalay si MJ sa kanyang magulang dahil sa terorismo ng estado ng rehimeng Duterte. Noong 2017, inaresto at ikinulong muli ang health worker at dating Morong 43 na si Marquez habang pinapagamot ang noo’y isang buwang gulang na sanggol na si MJ sa sakit na meningitis. Dinakip siya ng PNP-Mimaropa at 203rd Brigade sa mismong ospital sa Calapan City sa bisa ng mga gawa-gawang kasong kriminal. Ang ama naman ni MJ ay sinampahan din ng gawa-gawang kaso at tinugis dahilan upang magpasya itong ipaalaga sa legal guardians ang kanilang anak at mailayo ang bata sa kapahamakan.
Apat na taong iligal na ikinulong ng rehimeng Duterte si Marquez kayat nagkahiwalay ang mag-ina. Upang pagsilbihin sa operasyong saywar at kampanya ng pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan, isinagawa ng 203rd Brigade at 4IB ang marahas na pagdukot sa bata upang diumano’y ibalik ito sa kanyang ina. Isang iskema ng malinaw na kabuktutan at kasinungalingan. Nais nitong baliktarin ang katotohanan. Malinaw pa sa sikat ng araw na walang ibang naging dahilan para mapawalay si MJ sa kanyang ina sa loob ng 4 na taong nakalipas kundi ang mga pasistang sundalo at pulis ng tiranikong rehimeng Duterte.
Mariing kinukundena ng LDGC ang nakakagalit na teroristang atakeng ito ng mga pasistang sundalo sa karapatan ni MJ at ng pamilyang kanyang tagapangalaga. Walanghiya pang ginamit ng mga impostor ang sagradong pangalan ng NPA para isakatuparan ang krimen na ito. Grabe ang epektong teror kay MJ at sa mga anak ng tagapagangalaga. Muli nitong pinapatunayan na mismong ang pasistang AFP-PNP ang lansakang lumalapastangan sa mga karapatan ng mga bata. Mismong mga pasistang sundalo ang nagdudulot ng trauma sa kanila at sa mamamayan.
Isa itong karumal-dumal na krimen na dapat ilantad, itakwil at labanan ng mamamayan. Nakahanda ang LDGC-NPA-Mindoro bilang tunay na Hukbo ng sambayanang Pilipino na gawin ang buong makakaya upang kamtin ang katarungan para sa lahat ng biktima ng terorismo ng estado. Kaugnay nito, patuloy na itataguyod at ipagtatanggol ng LDGC-NPA-Mindoro ang karapatan at kagalingan ng mga bata alinsunod sa Convention on the Protection of the Rights of the Child na pinirmahan ng National Democratic Front of the Philippines. Sa tagumpay ng armadong pakikibaka ng mamamayan maitatatag ang isang lipunang malaya, masagana at makatarungan kung saan masayang nakapaglalaro ang mga bata, natatamasa ang kanilang mga pangangailangan, nakapag-aaral at umuunlad bilang mabubuting mga anak ng bayan.
Tinatawagan namin ang lahat ng mamamayang nagtataguyod sa mga bata at karapatan ng mga bata na tulungan si MJ, ang kanyang inang si Emilia Marquez pati ang mga tagapangalaga ni MJ. Dapat na pigilan ang bergudong AFP-PNP na gamitin ang mga bata sa kanilang marumi at teroristang gyera laban sa CPP-NPA-NDF at mamamayang Pilipino.
Nararapat na isakdal at panagutin sa kanilang krimen laban kay MJ at iba pang biktima ng terorismo ng estado sina Lt. Gen. Antonio Parlade, Hepe ng Solcom at Col. Augusto Villareal ang kasalukuyang CO ng 203rd Brigade.
Pagbayarin ang 203rd Brigade at 4IBPA — ang mga tunay na tagalabag ng karapatan ng mga bata at mamamayan!
Isulong ang rebolusyon hanggang tagumpay!