Panagutin si Bello at Duterte sa malawakang kawalan ng trabaho at huwad na mga programang pangkabuhayan
Nararapat lamang na panagutin ng mamamayang Pilipino sina Rodrigo Duterte at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III sa malawakang kawalan ng trabaho sa bansa, pagpapailalim sa mga manggagawa sa higit na mapang-aping kaayusan sa paggawa at malakihang pagkaltas ng sahod. Sa halip na isalba ang mamamayan mula sa pagkabaldado ng kabuhayan, mga mapanlinlang at huwad na programang pangkabuhayan ang ipinantatapal dito ng rehimen.
Sa isang Labor Force Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority Region 2 noong nakaraang Enero, umabot sa 95,000 ang nawalan ng trabaho sa buong Cagayan Valley. Tantyang bumubuo ito sa 6.2% ng kabuuang pwersa ng paggawa sa rehiyon. Samantalang humigit-kumulang 260,000 naman ang sinasabing underemployed na bumubuo sa 17% ng kabuuang pwersa ng paggawa sa rehiyon.
Dagdag ito sa binanggit ng tagapagsalita ng DOLE region 2 noong nakaraang buwan na 500 manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa permanenteng pagsasara at pagbabawas ng mga manggagawa ng 30 establisiyimento sa rehiyon. 6,804 na manggagawa naman ang apektado ng pleksibleng kaayusan sa paggawa sa sektor ng transportasyon, konstruksiyon, agrikultura at iba pa mula sa 280 na establisiyemento. At ang pag-ikli ng oras nila sa pagtatrabaho ay ang malaking kaltas din sa kanilang sahod.
Napakababang pagtataya pa ito at paniguradong daan-daang libo pa ang sinadyang hindi ibilang ng DOLE region 2 batay sa tantos ng implasyon ng rehiyon na siyang pinakamataas sa buong bansa at ang kabuuang 12 milyong Pilipinong walang trabaho sa kasalukuyan. Patuloy pa itong madaragdagan sa walang-sawang pagpataw at makaisang panig na pagsandig ng mga LGUs at pambansang gubyerno sa mapangsakal na restriksyon ng mga community quarantines, sa halip na paghusayin ang sistema sa mass testing at tracing at laanan ng malaking pondo ang pampublikong kalusugan.
Piling iilampu hanggang iilangdaan lang naman ang nagiging benepisyaryo sa mga ipinagmamalaking pangkabuhayang programa ng DOLE sa rehiyon dos. Kung tutuusin ay wala pa sa sampung porsyento ng kabuuang bilang ng hukbo ng paggawa ang nabibigyan ng limos ng pambansang gubyerno.
Sa ipinagyayabang ni Bello at ng buong rehimeng Duterte na ilang milyong pisong halagang ipinamahagi at pinaghahati-hatian ng iilandaang sinasabing benepisyaryo sa rehiyon, kakarampot na P4860 hanggang P5,530 ang natatanggap ng bawat isa – na siya namang gagastusin para sa kani-kaniyang pamilya at pagkakasyahin sa buong panahon ng pandemya!
Napakalaking insulto rin sa lahat ng mamamayang nagdurusa sa panahon ng pandemya na ang ilang pinipiling benepisyaryo ay mga may kasanayan katulad ng paggugupit, manikyur, paggawa ng tinapay, paggawa ng damit at pananahi, welding, pagmamason at pagkakarpintero. Gayunman, halos lahat ng mga kasanayang ito ay kabilang rin sa mga sektor na prayoridad ng mga LGUs na patigilin sa pag-oopereyt sa bawat pagkakataong maisipan nilang ipataw ang mas mahigpit na community quarantine.
Walang kabuluhang pakulo pa ng DOLE ang tinatawag nitong NegoKart (Snack Vending Project ) o pagpapamigay ng kariton sa mga walang hanapbuhay. Mistula’y nais ipamukha ni Bello na sa lahat ng walang trabahong Pilipino, pagnenegosyo sa kariton ang magsasalba sa kanila mula sa tumitinding krisis sa bansa. Walang kasiguruhan ang paglago ng negosyo sa kariton hangga’t nananatiling mapanupil ang mga pambansang polisiya sa ekonomiya na ipinapataw ng rehimen. Katiting lamang na kabuhayan ito kung ikukumpara sa patuloy na nagmamahalang mga pangunahing bilihin, gastusin sa pagpapaaral sa mga anak at pagpapa-ospital sakaling may myembro ng pamilya na maiimpeksyon ng Covid-19 o iba pang sakit.
Kasabay rin ng pagiging benepisyaryo ang pagtuturnilyo sa isipan nila na makuntento at matuwa na sa ganitong kakarampot na limos mula sa gubyerno – sa pagdadahilang sila ay ‘mapapalad’ na napabilang sa iilang benepisyaryo sa buong rehiyon. Sapilitan rin silang isinasailalim sa kalakarang pagbibigay ng ‘serbisyo sa komunidad’ sa anyo ng trabahong kleriko, pagtatanim ng kahoy sa gilid ng Cagayan river, pagkukumpuni sa mga pampublikong imprastraktura at kung anu-ano pang trabahong manwal na maaaring iutos ng LGU sa munisipalidad nila.
Pinapaikot lamang ng rehimeng Duterte ang sambayanang Pilipinong biktima ng masahol na pagpapabaya ng estado. Tunay na walang maasahan ang mamamayan sa mga huwad na pangkabuhayang programa ng rehimen. Walang ibang maaasahan kundi ang pagkakaisa ng mamamayan. Igiit ang karapatan sa nakabubuhay na sahod, maayos na kondisyon sa pagawaan at makabuluhang kabuhayan. Kasabay nito’y ibagsak ang paghahari ng kurakot, mapanlinlang, mapanupil, at inutil na rehimeng Duterte. ###