Panaigin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng terorismo ng di-makatwirang gera ni Duterte!
Read in: English
Ang malapyudal at malakolonyal na lipunang ito ay buntis sa krisis at walang kapugtuang pang-aapi at pagsasamantala. Ilinuluwal nito ang mga rebolusyonaryo at ang diwang lumaban. Araw-araw, hinaharap ng dinudustang mamamayan ang dalawang pagpipilian – sumuko o lumaban. Araw-araw din nilang pinipili ang paglaban at pagsulong. At kapag ang isa ay itinumba ng bala ng mga berdugo, hindi lang nito pinababangon ang isa, ngunit libu-libong iba pa – upang patuloy na kumilos, lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Hindi nawalan ng saysay ang pagkamatay nina Jemar Palero at Marlon Naperi. Nagdala sila ng pag-asa at inspirasyon para sa mga nais piliin ang landas ng paglaban. Sa kanilang pagkamatay, naliwanagan ang libu-libong iba pang hindi dapat magyumukyok sa takot ni isuko ang kanilang dignidad at paninindigan. Higit nilang pinaigting ang kilusang masa — bumuhos ang sanlaksang mamamayan sa mga lansangan, ilinabas nila ang kanilang mga hinaing sa social media, nanawagan sa mga pulitikong natutulog sa kangkungan na kumilos para sa mga pinagmamalupitan nilang mamamayan, naglunsad ng mga pampulitikang talakayan, inaral ang kalagayang panlipunan at kumilos para sa makabuluhang pagbabago. Higit sa lahat, puu-puo silang lumahok sa digmang bayan. Sila ang nagdugtong sa mga nawawalang letra sa hindi natapos na panawagang ipinintura nina Jemar at Marlon – Duterte Ibagsak! Sila ang nagpapatuloy ng laban!
Lumaban sila, hindi nanlaban.
Lumalaban, dahil alam nilang sa sariling lakas at makauring pagkakaisa lamang ng mamamayan makaaasang makamit ang katarungan para sa lahat ng biktima ng walang katuturang gera ni Duterte.
Lumalaban, dahil alam nilang wasto ang magrebolusyon. Ipinakita nang pagkamatay nina Jemar, Marlon at ng halos 200 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang at masaker sa Bikol na bagamat makatwiran ang kanilang ipinaglalaban, lagi’t laging dahas ang itutugon ng reaksyunaryong gubyerno. Walang ibang dapat gawin kundi ang lumaban, mag-armas at tutulan ang pagkakalibing sa imbing karalitaan.
Marapat lamang na lalo pang palawakin ang kilusang masa, paramihin ang namumulat, naoorganisa at napakikilos hanggang sa umabot sa milyon-milyong raragasa sa Malacanang, magtatakwil sa mamamatay tao at massacre king na si Duterte at magpapanagot sa kanyang hindi mabilang-bilang na mga krimen laban sa masa at sangkatauhan.
Padaluyungin ang kilusang masa at pag-isahin ito sa rebolusyonaryong kilusan. Sa makauri nilang lakas at tatag, madudurog ang estado ng mga naghaharing-uri at ang mga tigreng papel na gaya ni Duterte, kanyang mga kroni at mersenaryo maging ang kanilang imperyalistang amo. Kamtin ang tunay na hustisya para kina Jemar, Marlon at marami pang iba. Sa landas lamang ng rebolusyon makakamit ang tunay na kalayaan, kapayapaan at kaunlaran para sa bayan.