Pananagutan ni Duterte ang -8.4% Pagbagsak ng Ekonomya ng Bikol
Read in: English
Tiyak na lalong itatakwil at mariing kukundenahin ng masang Bikolano ang tigas-mukhang tangka ni Duterte na makapanatili sa poder sa harap ng napakatinding krisis na kanyang pinalubha at pinalasap sa masa. Walang ibang dapat panagutin sa -8.4% pagbagsak ng ekonomya ng Bikol kundi si Duterte sa kanyang talamak na pangungutang, pangungurakot ng pondo sa ayuda at pandemya at pagkukumpleto sa mga neoliberal na patakarang lalong sumabotahe sa ekonomya.
Ang matarik na pagbagsak ng ekonomya ng rehiyon ay patunay ng kapalpakan ng neoliberal na Bicol Regional Development Plan (BRDP) na inarkitekto ni Duterte. Walang ibang dapat asahan sa isang planong pang-ekonomyang nakabalangkas sa pagpapapasok ng iba’t ibang kontramamamayan at maka-dayuhang pamumuhunan at proyekto habang unti-unting pinapatay ang mga batayang pang-ekonomyang salik upang tunay na makabangon ang mamamayan mula sa krisis.
Kahit sa sariling estadistika ng reaksyunaryong gubyerno, malinaw ang mapangwasak na epekto ng BRDP sa agrikultura, trabaho at kabuhayan na pinasahol pa ng pagpapabaya ng rehimen sa pandemya at mga kalamidad na tumama sa rehiyon. Bumagsak ng 6% ang agrikultura sa rehiyon mula 2015. Humigit-kumulang 300,000 manggagawang Bikolano naman ang nawalan ng trabaho dulot ng lockdown. Bumaba rin sa 24% ang kabuuhang bilang ng pamilyang Bikolano ang nakakakain nang may sapat na nutrisyon. Isa rin ang Kabikulan sa mga rehiyong may pinakamataas na tantos ng implasyon dulot ng TRAIN Law. Lubhang limitado at halos limos lang ang ayudang natanggap ng masang Bikolano. Dahil sa mga naturang kundisyon, inaasahang umabot sa 2.6 milyong Bikolano ang maidagdag sa bilang ng mahihirap.
Higit sa mga estadistikang ito, pinatutunayan ng aktwal na pagdanas ng masang Bikolano ang kahungkagan ng neoliberal na disenyong kinukumpleto ni Duterte. Araw-araw silang nagdurusa sa napakataas na gastos ng produksyon at presyo ng bilihin, bumababang sahod at presyo ng produkto, napinsalang mga tanima’t pangisdaan, kawalan ng ayuda, patung-patong na pinagkakautangan at pang-aagaw ng lupa. Sinabayan pa ito ng laganap na militarisasyon at teroristang karahasan ng militar at pulis na lalong naglugmok sa masang Bikolano sa krisis.
Subalit sa kabila nito, tiyak pang ipagpapatuloy ni Duterte at ng kanyang mga neoliberal na alagad sa rehiyon ang pagpapatupad ng BRDP. Nangangahulugan ito ng higit pang pagdurusa para sa masang Bikolano.
Sa gitna ng tumitinding krisis, batid ng masang Bikolano na walang ibang solusyon sa kanilang pagkasadlak kundi ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Batid nilang isa sa mga saligang programa ng rebolusyon ang pagsasakatuparan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang tunay na salalayan ng ekonomya. Upang maisakatuparan ito, ilinulunsad nila ang digmang bayan at doo’y araw-araw hinuhubog ang kanilang proletaryadong lakas, sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka at pagpupundar ng mga organo ng kanilang kapangyarihang pampulitika. Bahagi nito ay ang kanilang matapang na pagkakaisa upang singilin, panagutin at tuluyang pabagsakin ang pasista, korap, taksil at mamamatay-taong rehimeng US-Duterte.