Pananagutan ni Duterte ang Kriminal na Kapabayaan at Kapalpakan sa Kagyat na Pagtiyak ng Suplay na Libreng Bakuna
Sa huli’y walang-saysay ang ipinagmamayabang ng rehimen at ng araw-araw nitong tagangawngaw sa media na solusyon ang bakuna sa pandemya dahil taksil nang binitawan ni Duterte at ng estado ang tungkuling tiyakin ang libre, sapat, pantay at ligtas na akses ng bakuna para sa mamamayan. Maihahanay na lamang ang pagbabakuna sa mass testing, masinsing contact tracing, libreng pagpapagamot at pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan bilang mga hakbanging pagkaligtasan at obligasyong tuluyang tinalikuran ng pabaya, kurakot at palpak na rehimeng Duterte.
Isang malaking modus ni Duterte ang sadyang pagkalantad ng iligal na pagpuslit ng hindi-rehistradong bakuna para tusong ipasa ng gubyerno sa mga lokal na yunit ng gubyerno at pribadong sektor ang responsibilidad sa pagbili, pag-angkat at distribusyon ng bakuna. Bilyong halaga ng komisyon at kikbak ang kikitain ng mga malaking burukrata sa pangunguna ni Duterte sa pagkontrol nito sa importasyon ng bakuna na siyang nasa likod ng determinasyon nitong makabili sa posturang tunay na tagaligtas ng mamamayan ang rehimen.
Hindi kahina-hinalang matapos ang anomalya sa smuggled na COVID-19 vaccines ay nakapagbuo agad ang NTF-COVID 19, mga LGU at pribadong sektor ng sistemang tripartite kung saan ibabalikat ng LGU at mga pribadong negosyo ang procurement at gastos at magsisilbi na lamang ang gubyerno bilang negosyador sa mga suplayer ng bakuna. Sa naturang kaayusan, obligado rin ang mga kumpanya na i-donate ang kalahati ng kanilang nabiling mga bakuna sa mga LGU. Matapos matiyak ang sistemang tripartite, tusong binabaan ni Duterte at ng NTF-COVID19 sa 20 milyong Pilipino na lamang ang target ng pambansang gubyerno na umano’y libreng mabakunahan.
Wala nang katuturan ang naunang vaccination roadmap at iskema ng prayoritisasyon ng rehimen dahil gastusin at pasanin pa rin ng taumbayan ang pagpapabakuna. Hindi lahat ng LGU ay may kapasidad para sa libreng pagpapabakuna. Malamang ding ibabawas sa sahod ng manggagawa ang bakunang “sagot” umano ng kanilang mga employer. Palabas lamang ang libreng bakuna mula sa pambansang gubyerno dahil tiyak na isisingil ang gastos nito sa Philhealth. Magreresulta lamang sa anarkiya ang kalalabasan ng distribusyon sa pag-uunahan ng taumbayan sa libreng bakuna. Saan mapupunta ang sinasabi niyang may pera na, may 326 milyong dolyar nang nautang, may budget na at ang lahat ay libreng mababakunahan kabilang pa mga NPA? Panibagong “big time” kurakot sa tabing ng panlilinlang.
Hindi mapagtatakpan ni Duterte ang pananagutan sa kataksilang ito na resulta ng kanya ring kriminal na kapabayaan at kapalpakan na kagyat na makakuha ng suplay ng bakuna at hangaring kurakutin pa ang pondo para rito. Ang totoo, hindi pinondohan mula sa 4.5T pambansang badyet ang libreng bakuna; inuna nitong laanan ng badyet ang malawakang korupsyon bilang paghahanda sa halalang 2022. Sa halip na gumawa ng mga kongkreto at seryosong hakbangin para tiyaking makakuha ng kagyat na suplay, walang inatupag si Duterte kundi magsagawa ng anti-komunistang panunugis gamit ang red-tagging, pag-aresto, ejk at ginamit ang pag-asa ng mamamayan sa bakuna bilang pangpakalma sa galit ng taong-bayan.
Ang kriminal na kapabayaan at kapalpakang ito ay magreresulta sa milyun-milyong masang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran na mapagkakaitan ng kagyat at libreng akses sa bakuna. Masahol, papasanin nila ang ilampung-bilyong inutang ng gubyerno para sa bakuna na hindi naman mapakikinabangan dahil sa mahika ng korupsyon.
Litaw din ang pagpapakatuta ni Duterte sa imperyalistang amo sa pilit nitong pagkapit sa mga bakunang likha ng Estados Unidos samantalang may ilan pang suplayer ng mura pang bakuna ang makokontrata ng bansa para sa kagyat na suplay. Sa sukdulang desperasyon, muling isinangkalan ni Duterte ang Visiting Forces Agreement para magmakaawang bigyan ng US ng kakarampot na doses ng bakuna mula Pfzer dahil ito ang ibebenta at pagkikitaan pa nila para sa mayayamang pamilya ng pangkatin at mga alipures nito.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na panagutin ang rehimeng Duterte sa patung-patong nitong mga kriminal na kapabayaan at kapalpakan sa pagharap sa pandemya na nagdudulot ng higit pang panganib sa sakit at pinsala sa buhay at kabuhayan. Dapat isulong ang iba-ibang anyo ng kilusang protesta upang ibagsak ang pasista, tirano, hari ng korupsyon at katiwalian, haring druglord, berdugo sa masang Pilipino subalit maamong tuta ng imperyalistang US at China.##