Pananalasa ng mga Duterte Death Squads (DDS) at Peace and Development Teams (PDT), Pag-iral ng Batas Militar sa Kabikulan


Katarungan ang ipinapanawagan ng NDF-Bikol para sa mga biktima ng sunud-sunod na pamamaslang ng mga Duterte Death Squads (DDS) ng teroristang AFP-PNP-CAFGU sa pagpasok ng taon. Sang-ayon sa mapang-udyok na deklarasyon ni Duterte na bubuuhin ang DDS at papatayin ang sinumang pinaghihinalaang bahagi o sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan, lantaran nang naghahasik ng takot at terorismo ang naturang mga death squad sa rehiyon. Matapos ang ‘high-profile’ na pamamaslang kay AKO BICOL Party-List Rep. Rodel Batocabe ng ‘special operation group’ ng militar, naitala ang limang magkakaugnay na kaso ng pamamaslang na isinagawa ng mga intelligence unit at ‘death squads’ ng AFP at PNP sa loob lamang ng isang linggo.

Ang mga death squads na ito ay mula sa mga intelligence at special operations unit ng AFP at PNP na binuo sa atas ni dating PNP Director Gen. Bato de la Rosa at ni DND Secretary Delfin Lorenzana at rumatsada ng mahigit 27,000 biktima ng ejk. Batay sa direktibang MO 32 at National Task Force to End Communist Insurgency (EO 70), higit na kailangan at malaki ang magiging papel ng mga DDS na ibabaling ang operasyon ng ejk sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang lumalaban para sa tunay na demokrasya at kalayaan. Pangunahing tinatarget ng naturang mga death squad ang mga sibilyan sa kalunsuran, kasapi at lider-masa ng mga progresibong organisasyon at mga indibidwal na mula sa oposisyon at tumutuligsa sa pasismo ng rehimeng US-Duterte.

Sang-ayon sa pahayag ng kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Delfin Lorenzana, ang mga death squads ay bahagi ng pinatinding intelligence operations ng AFP. Sa ilalim ng pamumuno ng isa sa pinakadalubhasang upisyal sa paniniktik at civil-military operations (CMO) na si Maj. Gen. Fernando Trinidad, pinatindi ng 9th IDPA at Task Force Bicolandia ang atake sa mga sibilyan. Si Trinidad ay dating Deputy Chief of Staff for Intelligence ng AFP at naging pinuno ng Civil-Military Office ng Philippine Army.

Sa Masbate, pinagbabaril sa ulo at dibdib hanggang sa mapatay ng pinagsanib na mga pwersa ng 96th Military Intelligence Company (MICO), Military Intelligence Battalion (MIB) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang 27-taong gulang na si Ranoy Sampaga Masanoc habang ipinapasada ang kanyang habal-habal noong ika-31 ng Disyembre 2018 sa Sityo Matungao, Brgy. Tugbo, Masbate. Dalawang sibilyan naman ang pinatay ng mga elemento ng DDS sa mga bayan ng Paracale at Bagong Silang sa Camarines Norte. Pinatay si Lope Elmar sa Brgy. Batobalane, Paracale samantalang natagpuan sa bayan ng Bagong Silang ang naaagnas nang bangkay ni alyas Erning na pinatay matapos pakuan sa ulo ng mga berdugong salarin.

Samantala sa Sorsogon, dalawang sibilyan din ang pinatay ng mga elemento ng 96th MICO noong ika-11 at ika-12 ng Enero. Ang mga biktima ay kinilalang sina Nicasio Ebio na pinatay sa Brgy. Bato, distrito ng Bacon at si Hermenegildo Domdom na pinaslang sa Brgy. San Ramon, bayan ng Prieto Diaz. Si Ebio, 37 taong gulang, isang kawani ng munisipyo at kasapi ng Anakpawis, isang organisasyon ng mga magsasaka, ay pinagbabaril sa ulo at katawan ng apat na armadong elementong lulan ng dalawang motorsiklo. Makalipas ang isang araw, tinambangan din sina Domdom, 32 taong gulang, at dalawa nitong kasamahan habang lulan ng isang motorsiklo. Pinababa sina Domdom sa kanilang sinasakyang motor, pinadapa at pinagbababaril. Namatay si Domdom habang ang mga kasamahan nito ay nakatakas. Tulad ng kaso ni Ebio, nakasakay sa motorsiklo ang mga salarin. Isang taon bago ang pamamaslang, nakaranas na si Domdom ng panggigipit ng militar nang pinahinto siya sa isang checkpoint ng PNP at sapilitang pinaaamin bilang kasapi ng NPA.
Ayon mismo sa mga ulat ng pulis, parehong umatras ang mga salarin ng magkasunod na insidente sa distrito ng Bacon. Sa kabila ng sinsin ng latag na mga checkpoint ng pulis at militar sa erya, kaduda-dudang hindi napahinto o nahuli ng awtoridad ang mga kriminal. Ganito rin ang nangyari sa kaso ng pagpaslang kay Rep. Batocabe kung saan bagamat umatras ang mga salarin sa isang PDT erya sa Albay ay nakalusot sila mula sa mga checkpoint.

Kasabay ng sumisidhing operasyon ng mga DDS sa kalunsuran, ibayong muling nananalasa ang mga operasyon ng mga Peace and Development Teams (PDT) at kampanyang pagpapasurender sa kanayunan. Sa Masbate, 217 sibilyan ang ipinarada sa publiko bilang mga pekeng surrenderees. Takot at malaganap na pagwasak sa kabuhayan ng mga komunidad at banta sa buhay ng mga residente ang idinudulot ng tumitinding militarisasyon sa mga bayan ng Libmanan, Camarines Sur at sa Labo, Camarines Norte. Noong Enero 13, nagpahayag si Lt. Col. Raymond Avella, kumander ng 9th Infantry Battalion (IBPA) na isasailalim ang Libmanan, Pasacao at mga karatig-bayan nito sa pinaigting na operasyong militar bilang paghahanda umano sa eleksyon. Nangangahulugan ito ng militarisayon at ibayong paglala ng mga abusong militar sa mga bayang sasaklawin ng kanilang teroristang operasyong kombat at paniktik ngayong panahon ng “malayang halalan”.

Nakabalangkas ang 9th IDPA at PNP sa rehiyon sa puspusang pagpapatupad ng pinatinding kampanyang durugin ang rebolusyonaryo at ligal-demokratikong kilusan upang tusong makamaniobra sa eleksyong 2019 at walang hadlang na maitayo ni Duterte ang kanyang ambisyong pasistang diktadura. Bigo ang rehimen na abutin ang itinakda nitong taning upang wakasan ang CPP-NPA-NDFP sa taong 2018. Matapos nito, pinahaba nila ang naturang taning hanggang kalagitnaan ng 2019. Pagpasok ng taong 2019, muli nilang pinalawig ang taning sa taong 2022. Nagkukumahog ang AFP-PNP na pagtakpan ang kanilang kabiguang durugin ang rebolusyonaryong kilusan at umiwas na maging katatawanan sa mata ng publiko sa pagtatakda ng mga imposibleng taning na lampas sa kapasidad ng kanilang banat at demoralisadong tropa.

Ang kampanyang pamamaslang, kasabay ng malaganap na militarisasyon at paglabag sa karapatang-tao ay malinaw na pagwasiwas ng militar ng absolutong kapangyarihan sa buong rehiyon. Nananawagan ang NDF-Bikol na ilantad at labanan kapwa ang mga operasyon ng DDS sa kalunsuran at ang pinatinding militarisasyon sa kanayunan. Ilantad ang tangkang pagkontrol ng militar sa LGU at mamamayan sa pamamagitan ng paghahasik ng pasismo at terorismo. Higit na kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa at mapangahas na pagtindig ng mga organisasyong masa, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, taong simbahan, propesyunal, kagawad ng midya, mga kawani at makabayang upisyal ng gubyerno laban sa pang-aatake sa karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan.

Pananalasa ng mga Duterte Death Squads (DDS) at Peace and Development Teams (PDT), Pag-iral ng Batas Militar sa Kabikulan