Panawagan para sa kolektibong pagkilos laban sa Covid-19
Translation/s: English
Sa harap ng pandemyang coronavirus disease (Covid-19), at banta ng mabilis na pagkalat ng epidemya sa mamamayang Pilipino, nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino at lahat ng kanilang rebolusyonaryong pwersa na magpakilos, mag-organisa at kolektibong harapin ang umuusbong na pampublikong krisis sa kalusugan.
Ang pagtugon na ito ay kinakailangang organisahin at pamununan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na bumubuo sa demokratikong gubyernong bayan (DGB) na nakabase pangunahin sa mga rebolusyonaryong komite sa mga baryo at maka-masang organisasyon sa mga larangang gerilya, gayundin ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Dapat kapwa malawakan at komprehensibo ang kolektibong pagtugon ng mamamayan. Ang lahat ng posibleng rekurso ay dapat ilaan at itutok sa pagsuporta sa kolektibong tugon ng mamamayan sa banta ng Covid-19.
Nananawagan ang Partido sa lahat ng mga ahensya ng DGB at NDFP na paganahin at palakasin ang mga nakatindig na mga komiteng pangkalusugan sa mga baryo at itayo ang libong iba pa sa mga pagawaan at komunidad. Ang mga komiteng ito, na binubuo ng mga lokal na manggagawa sa kalusugan at mga boluntir ay dapat tumulong na organisahin ang kolektibong pagtugon ng mamamayan.
Dapat pangunahan ng mga komiteng pangkalusugan ang pag-aaral at pagtataas ng kaalaman tungkol sa Covid-19 para mahikayat ang kolektibong pagtugon ng sambayanan. Dapat silang magsikap na pakilusin ang malawak na hanay ng masa sa mga kampanya para pigilan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng mga kampanyang sanitasyon at paglilinis ng komunidad at paghikayat sa personal na kalinisan. Maaari nilang bigyang daan ang libreng pamamahagi ng mga face mask, alkohol, sabon at iba pang panlinis. Maaari nilang pakilusin ang mamamayan para gumawa ng mga face mask gamit ang ibang posibleng alternatibong materyal. Maaari silang tumulong sa pagpapalaganap ng halamang gamot para palakasin ang resistensya ng mamamayan laban sa katulad na tipo ng sakit na dulot ng coronavirus.
Dagdag pa, ang mga manggagawang pangkalusugan na nakabase sa mga pabrika ay dapat magtulak ng iba pang praktikal na hakbang pangkalusugan at pangkaligtasan tulad ng pagbibigay ng libreng gamit medikal at pangkalinisan sa mga manggagawa, at iba pang hakbang para paunlarin ang kundisyon sa paggawa at upang bawasan ang kanilang bulnerabilidad sa pagkahawa. Dapat itulak ng mga komiteng pangkalusugan ng sektor ng maralitang tagalunsod ang mas mahusay na pangungulekta ng basura, pagkakaroon ng malinis na tubig, at libreng pamimigay ng mga gamit medikal at sistema sa sanitasyon.
Nananawagan ang Partido para sa isang nagkakaisang prenteng humanitarian ng lahat ng demokratikong pwersa para tumulong sa pagpapakilos ng lahat ng posibleng rekurso para magbigay ng pinakamalawak na suporta sa pagtugon ng mamamayan laban sa banta ng Covid-19. Nananawagan ang Partido sa lahat ng mga negosyo, mula sa malalaking kapitalista hanggang sa maliliit na negosyante, gayundin sa mga internasyunal na ahensya at organisasyong humanitarian, na magbigay ng lahat ng porma ng suporta—kabilang na ang suplay ng face mask, alkohol at gamit pang-eksamin sa sakit, para tulungan ang mga komiteng pangkalusugan ng mamamayan at lokal na organisasyong masa na tiyakin ang tagumpay ng kolektibong pagtugon ng mamamayan.
Nananawagan ang Partido sa pagpapalakas ng mga demokratikong organisasyon ng mga nars at doktor, mga propesyunal sa sektor ng kalusugan, at mga manggagawang pangkalusugan para tiyakin ang kanilang kagalingan sa harap ng seryosong banta sa kanilang buhay habang sila ang nasa unahan ng paglaban sa COVID-19. Naghahangad sila ng dagdag na alokasyon para sa pampublikong kalusugan para tiyakin ang pondo para sa pagtataas ng kanilang sahod, at pagpapaunlad ng mga pasilidad medikal at siyentipikong pananaliksik. Dapat nilang labanan ang patakaran ng estado na suporta sa serbisyo-para-sa-ganansya at turismong medikal. Dapat nilang igiit ang pagpapalakas ng mga pampublikong ospital at itigil ang patakarang komersyalisasyon na sumesentro sa pagkamal ng tubo.
Nananawagan din ang Partido na higit na palakasin ang siyentipikong pananaliksik para magpaunlad ng mga kagamitang pang-eksamin, at bakuna at antiviral. Kasabay nito, dapat magkaroon ng mas malalim na pag-aaral at pag-unawa sa pagkakaugnay ng pagkakaroon ng Covid-19 at ibang mga bagong sakit at ang pamamaraan ng mga malalaking kapitalista sa agrikultura.
Inaatasan ng Partido ang lahat ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), mga upisyal pangkalusugan nito at Pulang mandirigma, na alalayan ang mamamayan at kanilang mga komite sa kalusugan sa kampanya para sa pagpapakilos ng masa laban sa Covid-19. Maaaring gabayan ng mga yunit ng BHB ang mga lokal na komite sa kalusugan sa pagbubuo ng plano sa kolektibong pagtugon. Maaaring tumulong ang mga Pulang mandirigma sa mga kampanyang pangkalinisan at paglilinis sa mga baryo sa mga eryang sinasaklaw ng operasyon ng mga yunit ng BHB.
Mga puna sa pagtugon ng rehimeng Duterte
Imbes na bumuo ng isang organisadong tugon sa banta ng Covid-19, pinili ng rehimeng Duterte na magpatupad ng isang buwang lockdown na nagdudulot ng mas matinding kahirapan sa kabuhayan ng mamamayan nang walang inilalaang suportang pinansyal sa loob ng panahong ito. Nagdulot ang hakbang na ito ng malawakang abala sa ekonomya at komersyal na mga aktibidad. Sa palagay ng marami, kung tatagal ang lockdown ng isang buwan ay mas maraming tao ang mamamatay dahil sa gutom kaysa sa sakit.
Nagmumukhang tanga ang mga tsekpoynt ng militar at pulis sa buong National Capital Region at ibang mga prubinsya na kumukuha ng temperatura ng mga tao at pumipigil sa kanila na pumunta sa kanilang mga trabaho o maghanap ng trabaho. Hindi lamang ito walang silbi, kundi nagdudulot ng kaguluhan at lumilikha ng kundisyon para sa madaling pagkakahawa ng sakit. Ang kailangan ng mamamamayan ay mga sentro ng pag-eksamin sa maysakit at hindi mga tsekypoynt.
Ang lockdown at mga tsekpoynt ay bahagi ng istandard na solusyon ng utak-batas militar na si Duterte. Pinagtatakpan nito ang kabiguan niyang tiyakin kahit ang mga batayang suplay ng face mask, alkohol at sapat na bilang ng mga gamit pang-eksamin. Dahil sa kalubhaan ng sakit, madali namang kumbinsihin ang mga Pilipino na sumailalim sa eksamin sa panahong makaranas ng mga sintomas. Pero nahuhumaling si Duterte na ipataw ang kanyang kagustuhan maging sa usapin ng pampublikong kalusugan kahit pa magdulot ito ng malawakang dislokasyon.
Pinagtatakpan din ng lockdown, kung paanong binawasan nang kalahati ang badyet ngayong 2020 para sa Epidemiology and Surveillance Program (mula P262.9 million tungong P115.5 million) na malubang nilimitahan ang kakayahan ng Department of Health para pangasiwaan ang paglaganap ng mga sakit. Pinagtatakpan nito ang malubhang kalagayan ng mga imprastruktura sa pampublikong kalusugan na kilala sa mga sira-sirang pasilidad at matinding kawalan ng subsidyo ng estado para sa mga pampublikong ospital. Ang kawalang-kakayahan ng rehimeng Duterte na magbigay ng tamang tugon sa papausbong na krisis sa pampublikong kalusugan (sa pamamagitan ng pagbibigay ng medikal at sosyal at hindi militarista at pampulis na hakbang) ay ganap na nagsisiwalat sa bulok na pundasyon ng naghaharing sistemang pang-ekonomiya ng Pilipinas.
Ang banta ng Covid-19 ay nakapagpapalala sa malubha nang mga kundisyon ng pampublikong kalusugan ng mamamayang Pilipino. Noong nakaraang taon, mayroong higit 150,000 kaso ng dengue kung saan 650 sa mga natamaan ang namatay. Nariyan din ang malubhang problema sa tuberkulosis at ibang kayang kontrolin at nagagamot na mga sakit. Ipinakikita nito ang kinahinatnan ng kalunus-lunos na kundisyong sosyal at pagpapabaya ng estado sa kalusugan ng mamamayan.