Pandarahas ng JVH Real Property and Leasing sa mga residente ng Avatex sa Rodriguez, kinukondena ng NPA-Rizal
Kinukondena ng NAAC ang ginawang pamamaril at pagpapaulan ng bala ng mga gwardiya ng JMV Security Services sa mga residente ng Sityo Avatex, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal noong Pebrero 16, 2022, 9:30 ng umaga. Malubhang nasugatan sa insidente ang isang residente dahil sa pamumutok.
Instrumento ang mga gwardiyang ito sa pagpapalayas sa mga residente sa 148 ektaryang lupain na inaangkin ng JVH Real Property and Leasing.
Sa paniniwala ng mga residente na matutulungan sila ng PNP-Rodriguez, kaagad na nagpasaklolo ang mga ito sa pulisya. Ngunit nadismaya sila sa paimbabaw na pagresponde ng mga ito sa nagaganap na pamamaril. Kinumpiska lamang ng mga pulis ang dalawang armas ng security at kaagad ding umalis kahit na nagpapatuloy pa ang tensyon at muling pagpapaulan ng mga bala. Sa kabila ng kanilang pinaiiral na total gun ban ngayong eleksyon, hinayaan lamang ng pulisya na magpatuloy ang pamamaril.
Taong 2019 nang simulang okupahin ng mga tao ang bahagi ng lupain na ito. Mga dati silang nakatira sa Batasan at Southville at biktima ng sapilitang pagpapalayas, hindi maayos na serbisyong pabahay ng gobyerno, dahilan upang humanap sila ng maayos na matitirahan. Sa kasamaang palad, sa bago nilang tinitirhan ay nakaamba ang panibagong pagpapalayas sa kanila na muli na namang magdidiloka sa kanila at maglalayo sa kanilang buhay.
Hustisya ang hiling ng mga residente na biktima ng pamamaril at pananakot ng JVM Security sa utos ng JVH Real Property and Leasing.
Dapat ilantad ng mga Rizaleño ang ganitong mga karahasan at inhustisya sa kanilang lokalidad. Singilin ang mga responsable sa pamamaril, gayundin ang mga pulis sa kanilang kapabayaan. Malinaw sa naging aksyon ng PNP-Rodriguez ang tunay nilang pinaglilingkuran at pinoprotektahan—hindi ang mga mamamayang inaapi kundi ang malalaking negosyanteng nasa likod ng pagpapalayas sa mga residente. Sa harap ng karahasan, hindi dapat manahimik ang mamamayan!###