Pandarahas sa sibilyan at korupsyon ang nasa likod ng maruming saywar ng 83rd IBPA
Walang sindumi ang gera ni Duterte! Ang panibagong palabas na labanan sa Sagnay kung saan pinatay at pinalabas na NPA ang mga magsasakang sina Louie Austria at Benjamin Delos Santos ay kabilang sa mga serye ng pekeng engkwentrong inorkestra ng 9th IDPA sa Camarines Sur. Layunin nitong bigyang-matwid ang mas matinding militarisasyon sa ngalan ng korupsyon at pagpasok ng malalaking kontra-mamamayang proyekto habang hangal na pinalalabas na humihina na ang rebolusyonaryong kilusan.
Pamamaslang at pang-aabuso sa masa ang nasa likod ng maruming saywar at disimpormasyon ng 83rd IBPA. Mula 2017 hanggang kasalukuyan, kalakhan ng mga naitalang paglabag ng 83rd IBPA sa karapatang-tao ay naganap sa panahon ng mga pekeng operasyon at engkwentro. Sa inisyal na talaan ng EOC-BHB Camarines Sur, umaabot sa 20 pekeng operasyon ang inorkestra ng 83rd IBPA na nagdulot ng pagkakapaslang ng 25 sibilyan, aerial bombing na nagresulta sa sapilitang paglikas ng 1,150 residente, pwersahang pagsuko ng daan-daan at iba pang kaso ng paglabag sa karapatan sa prubinsya.
Desperado ring naghahabol ang mga upisyal ng 83rd IBPA at 9th IDPA ng pondong makukurakot mula sa Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at iba pang pondo para sa pasismo. Gaya nang dati, nag-oorkestra sila ng mga pekeng labanan at nagpaparada ng mga pekeng sumuko upang maambunan ng kurakot mula sa naturang mga pondo.
Sa tindi ng pagkagahaman ng mga upisyal-militar sa rehiyon, sukdulang ipahamak nila ang kanilang sariling mga kawal sa mga hindi tiyak at gasgasang operasyong nagreresulta ng mga misengkwentro sa pagitan ng kanilang mga yunit. Ito ang nangyari misengkwentrong naganap sa Brgy. Payak, Bato, Camarines Sur noong Hulyo 16, 2019 kung saan dalawang pulis at kanilang informant ang napatay matapos magkapalitan ng putok ang PNP at mga elemento ng 83rd IBPA.
Subalit tumindi man sa dalas at lawak, walang pinagkaiba ang maruming gera ni Duterte sa dati nang mga bulok at nabigong estilo ng pandarahas, panlilinlang at pasipikasyon ng reaksyunaryong estado. Panahon pa ni Marcos, may mga peke nang pinasusuko sa prubinsya at sa rehiyon! Subalit nagsipaglipas na lamang ang lahat ng rehimen, narito’t higit pang matatag at sumsulong ang rebolusyonaryong kilusan. Sakdal itong pagpapatunay na bigo ang bawat rehimen, laluna ang maruming gera ni Duterte, na padapain ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at sa buong bansa.
Sa halip, higit na nag-aalab ang rebolusyonaryong kapasyahan at morale ng masa at Hukbo upang magkatuwang na kamtin ang hustisya para sa libu-libong masang Bikolanong biktima ng maruming gera ng rehimeng Duterte. Handa nilang harapin at pangibabawan ang lahat ng limitasyon at sakripisyo upang taos-pusong pagsilbihan, ipagtanggol at samahan ang masang anakpawis.
Nananawagan ang EOC-BHB Camarines Sur sa lahat ng masang Bikolanong na pagtibayin ang rebolusyonaryong diwa at pagkakaisa sa harap ng tumitinding desperasyon ni Duterte na supilin at buwagin ito. Huwag maglubay sa paglantad at pagpapanagot sa mga pang-aabuso’t kasinungalingang ipinakakalat ng mga alagad ng pasistang rehimen. Higit sa lahat, lumahok sa makatarungan at makatwirang digma ng mamamayan.