Pang-aatake ng rehimeng-US Duterte sa social media, bahagi ng huling pagtutulak ng bigong kampanyang kontrainsurhensya
Mariing tinutuligsa ng National Democratic Front-Bikol ang koordinadong cyber-attacks ng imperyalistang US sa pamamagitan ng Google kasabwat sina Duterte at ang Armed Forces of the Philippines sa iba’t ibang social media accounts ng rebolusyonaryong kilusan. Liban sa lahat ng email account ng CPP Information Bureau, partikular ding biniktima ang Facebook, YouTube at email ng NDF-Bikol at NPA-Sorsogon sa Bikol. Nangyari ang mga pangsi-censor bago ang nalalapit na ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Motibo ng naturang pang-aatake sa social media ang pagkaitan ang mamamayan ng daluyan upang ipagbunyi ang kanilang napipintong pagbigo sa gera kontra mamamayan ng rehimeng US-Duterte sa tabing ng kontrainsurhensya. Nangangamba rin sila sa umuugong na anti-imperyalistang pagtuligsa sa Pilipinas na ginatungan ng tumitinding proxy war ng US at Russia sa Ukraine.
Sa kabila nito, nakakatiyak ang rebolusyonaryong kilusan na hindi lubusang malilimitahan ang kanilang boses. Ito ay dahil hindi mapipigilan ng rehimeng US-Duterte ang mamamayan na paalingawngawin ang kanilang kapasyahang isulong ang demokratikong rebolusyon upang tuluyang maibagsak ang pasistang rehimen.
Kaugnay nito, hinihikayat ng NDF-Bikol ang mga kaibigan sa hanay ng midya na makiisa sa pagbatikos sa pasistang hakbanging ito ng rehimen at iehersisyo ang kanilang propesyunalismo sa pagbubukas ng kanilang mga daluyan sa mga paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan.#