Panghawakan ang Armas ng Pakikibaka laban sa Whole-of-Nation na Desperasyon ng Rehimeng Duterte na Makapanatili sa Poder
Inuulan ngayon ng batikos ang rehimeng US-Duterte sa pagsangkalan nito ng kampanyang kontrainsurhensya upang desperadong bigyang-matwid ang pakanang pag-aarmas sa mga sibilyan. Partikular na pinalitaw ng hindi nag-iisip na si DILG Sec. Eduardo Año ang posibilidad na gawing mala-CAFGU ang mga upisyal at tanod ng barangay bilang dagdag pasistang pwersa laban sa rebolusyonaryong kilusan at demokratikong kilusang masa.
Mahigpit itong tinututulan ng publiko kabilang ang mga lokal na yunit ng gubyerno. Hindi nila masikmurang lumahok sa marahas na pasistang kulturang sila mismo ang binibiktima. Hindi sila papayag na maging armadong galamay na magsisilbi lamang sa desperadong pananatili ng tirano sa kapangyarihan. Alam nilang daragdagan lamang ng whole-of-nation na pasismo ni Duterte ang kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan
Lalo lamang ilinalantad ng naturang pakana ang papabigong gera kontra-mamamayan at pangungunyapit ni Duterte sa poder. Dahil bigo siyang madurog kapwa ang demokratiko at rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan, sukdulan na lamang na tangkaing gawing mga bulag na instrumento ng pasismo at terorismo ng estado ang buong sibilyang populasyon..
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan ng rehiyon at ng buong bansa na sa harap ng sumasahol pang mga kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala, panghawakan ang pagkakaisa at paglaban bilang kanilang natatanging armas. At walang ibang dapat tutukan nito kundi ang rehimeng US-Duterte. Dapat singilin ang rehimen sa ibayo nitong pagbaon sa mamamayan sa kumunoy ng krisis. Dapat itong panagutin sa patung-patong nitong pasista at mga teroristang krimen. Dapat itong pabagsakin.