Pangibabawan ang COVID-19! Igiit ang batayang karapatan at kagalingan ng mamamayan sa panahon ng pananalasa ng COVID-19! — NDF-Mindoro

Sa pagpasok ng Coronavirus Disease-19 sa bansa, tumambad sa taumbayan ang kawalan ng kakayahan ng Rehimeng US-Duterte na pamunuan ang bansa sa isang national emergency sa larangang pangkalusugan bunsod ng pandemic.
Unang ginawa niya ay minaliit ang epidemya sa anyo ng mga mapagmaliit na komentaryong “ihian ko yang virus na yan” at maluwag na pagtanggap sa mga Tsinong pumasok sa bansa kahit ang mga ito ay nagmula sa mga probinsya kung saan nananalasa na ang bayrus para pagbigyan ang kapritso ni Xi Jin Ping.
Nang kumalat ang virus at magkaroon ng biktima sa Pilipinas, kagyatang ipinatupad ang militaristang lockdown sa NCR at buong Luzon nang walang kaukulang paghahanda at pagpapaunawa sa mamamayang Pilipino laluna kung paano iibsan ang epekto nito sa kabuhayan at buhay ng mamamayan.

Pinakamatingkad na reaksyon ng rehimen ang labis na paggamit ng armadong tauhang militar at pulis. Naipataw niya ang balasik ng kanyang armadong galamay na mas higit pa sa Martial Law kahit walang pormal na deklarasyon kabilang na ang Mindoro. Naghudyat ito ng malawakang paglabag sa karapatang-pantao tulad ng bawal magtipon-tipon at asembliya, arbitraryong pag-aresto, interogasyon at pagbinbin sa napakasimpleng mga dahilan.

Kailangang ang pagkwarantina [enhanced community quarantine] bilang isang mahalagang hakbangin sa pag-iwas at pagkontrol sa paglaganap ng impeksyon ng bayrus. Ganun pa man, ang militaristang hakbangin na lockdown ay naging malaking perwisyo sa kabuhayan, karapatan at kagalingan ng mga mamamayang Mindoreño at ng buong sambayanang Pilipino.

Pinatalas at pinalala ng pamamaraan na ito ng rehimen ang dati nang malaking pugwang sa kabuhayan ng nakaririwasa at ng walang-wala sa bansa. Kung titingnan ngayon, ang arbitraryong mga hakbangin ng rehimeng Duterte ang mas nagbigay ng malaking perwisyo sa mga mamamayan na higit na dinamdam ng mga mahihirap na lalo ng nga mga Mindoreno.
Lalong napatunayan ang kainutilan at kawalang kakayahan ng rehimeng Duterte na iligtas ang bansa sa kagutuman, kahirapan lalo na ngayong nalikha ang malaking dislokasyon sa kabuhayan ng milyong Pilipino dulot ng COVID19.
Sa Mindoro, nagkaanyo ang lockdown ng bawal na ang paggamit ng sasakyang tricycle at hindi pwedeng umangkas sa motorsiklo. Isa lamang sa bawat pamilya ang pinapayagang lumabas ng bahay para bumili ng pangangailangan. Kontrolado din ang pagbili ng pagkain ng kada pamilya. Hindi pinapayagang magkasabay ang dalawa sa sasakyan at sa mga daan dahil sa social distancing.
Lahat ng bawnderi, kanto ng mga daan, sentrong ruta puntang kabayanan ay may checkpoints. Ganundin ang mga mayor na pasukan papunta sa mga hulong barangay. Lahat ng dumadaan sa mga tsekpoynt ay hinahanapan ng ID at kung walang maipakita ay hindi ito pinapapasok o pinapalabas. Ang lahat ng mga walang kaukulang dokumento o mga papel ay inaaresto. Ang gayak ng mga armadong yunit ay naka-full battle gear.
Ang pagpataw ng pasistang solusyon ay matagal nang hangarin ng rehimen. Naghahanap lamang ito ng dahilan at pagkakataon upang ipataw ito nang walang maririnig na pagtutol mula sa mamamayan. Nakuha niya ang dahilan at pagkakataon na ito sa anyo ng bayrus kaya ang mamamayang Mindoreno apektado ngayon ng pinaghalong sindak sa kamay na bakal ng rehimen at sa bayrus na hindi pa gaanong maunawaan kung paano pumapatay.
Samantala, ang kawalan ng hanapbuhay at kakapusan ng batayang pangangailangan ay isang bangungot na araw- araw na dinaranas ng mga

Mindoreno dahil sa arbitraryong lockdown. Aminado ang mga lokal na pamahalaan na kulang ang kanilang rekurso upang punuan ang kahit batayang pangangailangan ng mamamayan. Parami ang dumaraing na wala nang makain ang kani-kanilang mga pamilya, lalupa’t kalakhan sa kanila’y umaasa lang sa kakarampot na arawang sahod.

Ang kanilang ani noong nakaraang taon ay nasira ng bagyo at sinalasa ng napakababang presyo ng palay habang ang presyo ng bigas ay hindi nagbabago ang mataas na presyo. Walang pananggalang sa gutom at higit na walang proteksyon laban sa panganib na dala ng COVID-19. Ito ang kinakaharap ngayon ng mga Mindoreno. Walang suplay ng mga face mask, gamit pang sanitasyon, at kahit

mga pang emergency gamot. Walang testing facility para sa COVID-19, at kung magkasakit ang ambulansya ay hindi pa maghatid sa ospital kung walang bayad.

Sa ganitong kalagayan, kailangang pahigpitin ng mamamayang Mindoreno ang pagtutulungan, at lampasan ang balakid na likha ng lockdown upang magtuluy-tuloy ang ugnayan.
Buhayin at pasiglahin ang kilusang masa na naggigiit ng batayang karapatan at naglalaman ng batayang kahilingan tulad ng karagdagang pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan [libreng testing, kagamitan sa sanitasyon at pagpapagamot at iba pang serbisyong pangkalusugan],

pasilidad para sa kwarantina.

Tiyakin ang suporta at proteksyon sa mga frontliner na humaharap sa dagdag na panganib. At higit sa lahat tiyakin ng gobyerno ang batayang pangangailangan ng mga mamamayan na inoobligang magkwarantina sa bahay nila.
Dapat pagsikapan ng kilusang masa ng mga magsasaka, manggagawang bukid at iba pang maralita na palakasin ang kanilang gawaing alyansa upang makahamig ng suporta sa mga panggitnang pwersang nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang kababayan.
At higit sa lahat, ipagpatuloy ang laban para sa lupa, regular na trabaho, mataas na sahod, libreng serbisyong panlipunan at pagtatanggol sa karapatang pantao.
Serbisyong medikal, hindi aksyong militar! Check-up, hindi checkpoint!

Ayudang sosyo-ekonomiko, ngayon na! Iligtas ang bayan!
Suportang pangkabuhayan sa panahon ng Lockdown!
Alisin ang virus sa Malacañang!

Pangibabawan ang COVID-19! Igiit ang batayang karapatan at kagalingan ng mamamayan sa panahon ng pananalasa ng COVID-19! -- NDF-Mindoro