Pangibabawan ang mga limitasyon! Palakasin ang Partido! Magpunyagi sa armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay!

,

Download here: PDF

Pahayag ng Komiteng Larangan ng Hilagang Kanluran Gitnang Luzon sa ika-52 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng PKP:

Pangibabawan ang mga limitasyon! Palakasin ang Partido! Magpunyagi sa armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay!

Singkwenta y dos taon ng maniningning na kasaysayan. Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay nagsimula sa halos wala nang muli itong itatag noong ika-26 ng Disyembre 1968. Sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM), ang PKP ay nagtamo ng maniningning na tagumpay.

Naitayo at absolutong pinamumunuan nito ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang pinakamatagal at pinakamatatag na hukbo ng sambayanan na sandigang lakas ng armadong paglaban ng mamamayan laban sa imperyalismo, burukratang kapitalismo at pyudalismo. Nakalatag sa buong bansa ang matatatag na baseng masa. Nakapagluwal ng mga kadre at aktibista na napanday sa pagharap sa mabangis na pananalasa ng mga papet at pasistang rehimen. Patuloy na umaani ng tagumpay ang pinamumunuan nitong mga pakikibakang agraryo laban sa iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa malawak na kanayunan ng bansa. Nagagawa na nitong libreng mamahagi ng lupa sa masang magsasaka sa mga eryang nakatayo ang lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Winawagayway nito ang bandila ng pulang kapangyarihan sa iba’t ibang antas sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Singkwenta y dos taon na lipos ng kabayanihan. Inspirasyon ng kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang dakilang pag-aambag ng buhay ng mga Kadre at kasapi ng Partido, mga pulang kumander at mandirigma ng BHB, at mga aktibistang masa.

Kataas-taasang pagpupugay sa buhay na inialay ni kasamang Fernando “ka Bo” Poblacio Jr, kadre ng Partido at BHB-Tarlac na dinukot at pinatay ng kaaway noong ika-3 ng Disyembre. (Basahin ang parangal sa kanyang kabayanihan.)

Pulang saludo kay Nicomedez “Ka Dagohoy” M. Ortiz, BHB-Nueva Ecija na pinaslang ng kaaway noong ika-4 ng Agosto.

Pagpupugay at pagdakila kay Agaton “ka Boy” Topacio at Eugenia “ka Milan” Magpantay. Sila ay walang kalaban-labang pinaslang ng kaaway noong ika-24 ng Nobyembre. Si ka Boy ay kadre ng Partido, dating Punong Kumander ng ROC-GL at kalihim ng Komiteng Rehiyon ng GL bago siya magretiro dahil sa katandaan. Si ka Milan ay dati ring nagkalihim sa Komiteng Rehiyon ng GL at kagawad ng Pambansang Kawanihan sa Edukasyon (PAKED) bago siya magretiro dahil sa katandaan.

Ang kamatayan nila ay kabayanihan. Ang kabayanihan nila ay walang kamatayan.

Hinding hindi masasayang ang buhay na kanilang ipinuhunan para sa kalayaan, kasarinlan at sosyalistang kinabukasan.

Singkwenta y dos taon ng ginintuang mga aral. Dalawang dakilang Kilusang Pagwawasto na ang nagluwal at nagpanday sa PKP. Ito ang namumukod tanging organisasyon na kritikal sa sariling kahinaan at hindi nangingiming iguhit ang tama sa mali. Matama nitong pinag-aaralan ang rebolusyonaryong praktika sa pamamagitan ng mga pagtatasa, paglalagom at pagpuna-at-pagpuna sa sarili. Puspusan itong nagwawasto at nag-aaral ng rebolusyonaryong teorya. Hindi ito nagdadalawang loob na maglunsad ng mga kilusang pagwawasto sa iba’t bang antas para mapabuti ang paggawa at estilo ng paggawa at bakahin ang maling tunguhin ng pag-iisip at gawi na nakapipinsala sa interes ng rebolusyon at ng mamamayan.

Singkwenta y dos taon ng puspusang pakikibaka. Napatunayan ng PKP sa rebolusyonaryong praktika ang kanyang busilak na hangaring paglingkuran ang sambayanan sa lahat ng sandali. Pinatutunayan ito ng kanyang pagpupunyagi na pamunuan ang pagsusulong ng digmang bayan sa harap man ng mga kahirapan, sakripisyo at kamatayan. Kung wala ang PKP, walang rebolusyonaryong kilusan na tunay na nagtataguyod sa demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.

Sa Gitnang Luzon, naharap sa matitinding hamon sa pagsulong ang mga kadre at kasapian ng PKP nitong nakalipas na mga taon. Ilang ulit na tinangkang durugin ng AFP ang BHB, ang pinakakonsentrado at pinaka-konsolidadong bag-as ng kasapian ng Partido sa kanayunan. Ilang bilyong piso ang nilustay ng estado sa magkakasunod na focused military operations (FMO), operasyong saywar at mga grandyosong seremonya para ipresenta ang mga pekeng surenderees. Gayunman, muli at muli itong binigo ng magiting na pakikipaglaban ng mga pulang mandirigma at masang magsasaka. Walang saysay ang ipinagmamayabang ng AFP na nakawasak ito ng larangang gerilya. Sapagkat saanman naroroon ang BHB ay may batayan para sa paglitaw ng mga bagong larangan at pag-usbong ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Ang mga tagumpay ng pakikibakang agraryo at pampulitikang edukasyon na magkasamang natutunan ng PKP, BHB at masa ay hindi na mabubura sa kamalayan ng masang naghahangad ng tunay na pagbabago. Higit sa lahat, hindi nila kailanman mapagtatagumpayang hamigin ang puso at damdamin ng masang magsasaka kung saan nakaukit na ang rebolusyonaryong kasaysayan ng buhay at kamatayang pakikibaka na nagbigkis sa kanila sa PKP at BHB.

Ang PKP ay hinding hindi malulupig ng AFP at ng amo nitong imperyalistang US. Hindi nga nagawang kitlin sa ubod ng pasistang diktadurang US-Marcos ang bagong tubo pa lamang na PKP noon. Ngayon pa kayang patuloy itong lumalawak, lumalaki at lumalakas. Nahihibang si Duterte na pangaraping matutuldukan ng kanyang rehimen ang armadong pakikibaka ng mamamayan na pinamumunuan ng PKP. Ang pamalagiang krisis ng lipunang malakolonyal-malapyudal at ang kalupitan ng naghaharing pangkating Duterte ang mismong kundisyon na gumagatong sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.

Singkwenta y dos taon o higit pa na patuloy na pagpupunyagi hanggang sa tagumpay. Naghuhuramentado ang rehimeng Duterte. Parang asong nauulol na mabangis na naninibasib sa sinumang balakid sa kanyang pangungunyapit sa estado poder. Naghahasik ng terorismo sa mamamayan. Maging kapwa niya burgesya kumprador at burukrata na umaalma sa kanyang kaswapangan sa kapangyarihan ay kanyang kinakagat at nilalapa. Buwang na gusto niyang kopohin ang pinaglalawayan ng mga burukrata na kaparte sa dambong na yaman ng imperyalistang US at Tsina. At gaya ng asong ulol na nasusukol ay higit pang bumabangis habang nasa bingit ng kanyang kamatayan.

Hindi pa ito ang kasukdulan ng kalupitan at karahasan ng naghaharing estado. Habang sumusulong ang pambansa demokratikong paglaban ng mamamayan, higit na natatambad ang marahas na mukha ng naghaharing estado at ng imperyalistang kapangyarihan na nagtataguyod rito. Kailangang paghandaan kung ganon ang mas mahigpit na sitwasyong militar at papatindi pang atake sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan.

Singkwenta y dos taon na mga aral para sa higit na pagsulong. Ang pagbubuo sa Partido, una sa lahat ay pagbubuo sa ideolohiya. Matapat at kusang loob na ipinaiilalim ng bawat kasapi ang sarili sa unibersal na katotohanan ng MLM at mapanlikhang inilalapat ito sa kongkretong kalagayan ng rebolusyong Pilipino.

Sa daang libong kaisipan sa daigdig, napatunayan ang superyoridad ng MLM sa siyentipiko at makamasang pagsusuri kaugnay sa hindi mapagkakasundong tunggalian sa pagitan ng naghahari at pinaghahariang uri; na malulutas lamang ito sa pamamagitan ng armadong rebolusyon; at sa pamumuno lamang ng uring proletaryado matitiyak ang tagumpay ng uring api. Susi at krusyal na usapin kung ganon ang mahigpit na pagtangan sa MLM sa pagpupunyagi ng Partido para pagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan at sumulong sa yugto ng rebolusyong sosyalista. Sa partikular, ang pagsasabuhay o ang mismong pagganap sa armadong pakikibaka ang pinaka-atay ng ideolohiyang MLM na siya ring buhay at kundisyon sa pamumuno ng PKP.

Ang paglahok at ubos kayang pag-aambag sa armadong pakikibaka ay tungkulin ng bawat Komunista. Kailangan ang ibayong determinasyon at kapasyahang isulong ito, anuman ang mga kahirapan at kagipitan. Sa pagtatagumpay ng armadong pakikibaka nakasalalay ang sosyalistang kinabukasan ng sambayanang Pilipino.

Mag-armas! Mag-armas! Mag-armas! Lumahok sa digmang bayan! Ito ang mabigat pero dakilang tungkulin na dapat isabalikat ng bawat Komunista.

Pangimbabawan ang mga limitasyon. Itinuturo ng Marxismo ang siyentipikong pag-unawa sa mundo para baguhin ito. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ang paraan ng pag-aaral ng Komunista.

Bakahin ang suhetibong paraan ng pag-aaral. Ang rebolusyon ay isang siyensyang nakabatay sa reyalidad. Kinakaharap nito ang walang humpay na pagsubok. Sa pamamagitan ng armadong pakikibaka ay napatunayan ang kawastuhan at katotohanan nito sa bawat ikid ng kasaysayan. Dapat taglayin ng Komunista ang pagiging obhetibo sa pag-aaral. Ibig sabihin, may mataas na pagpapahalaga sa datos, matiyaga sa pagsisiyasat at matatag na naninindigan sa MLM bilang instrumento sa pagsusuri.

Bakahin ang pagkampante sa pagtangan sa rebolusyonaryong tungkulin. Ang pagkampante ay kasingkahulugan ng hindi pagtangan ng mahigpit sa tungkulin. Maaaring resulta ito ng kababawan sa pagsapul sa tungkulin, pagtangging umako ng pananagutan, kapabayaan o ng simpleng katamaran. Buhay at kinabukasan ang nakataya sa labanang ito. Kaya maging puspusan sa pagganap.

Bakahin ang pesimismo. Ang pagdududa sa pagtatagumpay ng rebolusyon ay kumikiling sa pamamayani ng kasalukuyang estado poder. Ito ay humihele sa tunguhing magpasibo at atrasan ang mga hamon sa pagsulong. Ginagarantiyahan ng MLM na sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka mahahawan ang landas para sa sosyalistang kinabukasan. Magtiwala sa Partido. Aktibong sumangkot at maging bahagi ng solusyon. Ang kahit saglit na pagdadalawang loob na sumulong ay nagpapalawig sa daan taong pagdurusa ng masang anakpawis.

Mag-aral ng MLM. Mangahas sa praktika. Magtasa, maglagom at magpunahan. Lahat ng praktikal na problema ay may praktikal na solusyon. Kaya anumang limitasyon ay malulutas kapag buo ang kapasyahan na harapin at lutasin ito.

Higpitan ang tangan sa MLM. Huwag bigyan puwang ang pagdadalawang loob o ang pag-atras abante. Magmartsa pasulong sa landas ng armadong rebolusyon!

Palakasin ang pamumuno ng PKP. Matapos ilatag ang wastong linyang pampulitika at ang kabuuang programa, ang tumpak na paraan ng proletaryadong pamumuno ay esensyal na sangkap sa pagsulong. Isinasabuhay ito sa araw-araw na pag-iral ng demokratikong sentralismo. Ibig sabihin, isang Partido na konsolidado, una sa lahat sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Sa larangang pang-ideolohiya, bigyan pansin ang pagsisitimatisa ng pag-aaral ng Partido. Ipatupad ang Tatlong Antas ng Pag-aaral — Batayan, Intermedya at Abante — at puspusin ang kaakibat na kurikulum ng mga ito.

Iangat sa usaping pang-ideolohiya ang mga konsepto, pananaw at pamamaraan na pinagmumulan ng mga bara sa pagsusulong ng mga pampulitika at panlabang tungkulin.

Maging puspusan sa pagsasagawa ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri. Aktibong gamitin ito sa gawaing propaganda, ahitasyon, pampulitika at pag-aaral, pagsusulong ng mga kampanya at pagpapakilos sa masa.

Magsagawa ng napapanahong paglalagom sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain at maging sa rebolusyonaryong karanasan ng mga indibidwal na kasapi ng Partido. Sinopin at isa-dokumento ang mga ito para i-ambag sa kabang yaman ng rebolusyonaryong praktika ng Partido.

Magdaos ng napapanahong pagpuna at pagpuna-sa-sarili ang lahat ng organo ng Partido sa lahat ng antas. Tumbukin ang mga indibidwal na pananagutan kapwa positibo at negatibo batay sa resulta ng mga obhetibong pagtatasa. Bigyan pansin ang pagbaka sa mga maling tunguhin ng pag-iisip at gawi na tendensiya ng uring pinagmulan. Tiyakin ang mga karampatang resolusyon at hakbangin para sa puspusang pagpapanibagong hubog ng mga indibidwal na kasapi at ng buong organisasyon.

Sa larangan ng pulitika, ang kongkretong pagpapatupad at pagtaguyod ng masa sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan ay mahalagang sangkap sa pagpapalakas sa Partido. Nagkakaroon ito ng kongkretong anyo sa aktwal na mga rebolusyonaryong organisasyong masang naitayo, mga kampanyang agreb na naisulong at sa tuwirang paglahok ng masa sa armadong pakikibaka.

Kailangang tuwirang pamunuan ng Partido ang BHB, ang kanyang pangunahing instrumento sa pagsasakatuparan ng proletaryadong pamumuno, pagbubuo ng Partido sa kanayunan at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Kung walang BHB, imposibleng maisakatuparan ng PKP ang kanyang dakilang proletaryong misyon na pagtagumpayan ang dalawang yugto ng rebolusyon para malubos ang kalayaan, kasarinlan at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.

Kailangang ituon ng Partido ang ubos kayang pagsisikap para palakasin ang BHB at ang armadong pakikibaka. Kailangang pakilusin nito ang lahat ng naririyan at posibleng makinaryang pampulitika para mag-ambag at maglingkod sa armadong paglaban ng mamamayan. Kailangang biguin ng rebolusyonaryong kilusan ang whole of nation approach ng US Counter-Insurgency Guide na doktrina sa panunupil ng mga pasistang rehimen. Kailangan itong salagin at gupuin ng higanteng mobilisasyon ng masa para sa digmang bayan.

Kailangang magpunyagi ang Partido sa pagbubuo ng rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Bigyan pansin ang mga kongkretong kahilingan ng masa sa aspetong kabuhayan, paninirahan, serbisyong kalusugan at kaligtasan. Pasiglahin ang kampanyang edukasyon at propaganda na naglalaman ng pagsusuri ng PKP kaugnay sa pandemyang COVID-19 at iba pang isyu ng lipunan. Abutin ang pinakamalawak na masa at mapangahas na buuin sila sa mga rebolusyonaryong samahang angkop sa kanilang kahandaan sa pagkilos.

Buuin ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal. Padagundungin ang mga protestang bayan na nananawagan na wakasan na ang pahirap, malupit at taksil sa bayan na rehimeng Duterte.

Mag-opensa sa pulitika. Imartsa sa lansangan at ilantad sa pambansang entablado ang maruming gera ng rehimeng Duterte laban sa mamamayan, lalo na sa masang magsasaka sa kanayunan.

Itambol ang pagiging makatarungan ng digmang bayan. Dakilain ang mga martir ng rebolusyon saanman at kailanman posible. Higit na maging mapangahas sa panawagan ng pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan at sa paglahok sa armadong pakikibaka.

Sa larangan ng organisasyon, paghusayin ang sistemang komite ng Partido. Kamtin ang mahigpit na pagkakaisa sa pagsapul sa mga saligang prinsipyo ng organisasyon at sa pagpapatupad sa mga ito. Maging depinido sa mga suri at pasya. Maging detalyado sa aktwal na implementasyon ng plano.

Paunlarin ang kolektibong pamumuno habang mahigpit na tinatanganan ang mga indibidwal na responsibilidad at pananagutan. Pasiglahin ang kolektibong pamumuhay sa loob ng Partido habang minamatyagan ang burges-pyudal na pakikitunguhan na kundisyon sa tunguhing indibidwalismo o sa makitid na interes ng maliit na grupo. Paunlarin ang kolektibong pakikibaka na mulat na dumadakila sa kabayanihan ng masa at kumikilala sa ambag ng bawat indibidwal at organo ng Partido sa pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong tungkulin.

Puspusang itakwil ang burukratismo, ang tatak ng estilo ng pamumuno ng burgesya. Tiyakin ang pamumuno ng kinauukulang komite ng Partido sa lahat ng antas. Linawin ang pagkakasunod ng hanay ng pamunuan bilang paghahanda sa mga posibleng pinsala o dislokasyon sa organisasyon dulot ng marahas na katangian ng digma. Tiyakin na lahat ng namumunong kadre ay may batayang yunit ng Partido na kinapapalooban at lumulubog sa masang kasapian sa iba’t ibang anyo at kaparaanan. Bigyang halaga ang epektibo at ligtas na daloy ng komunikasyon at sistema ng ulatan sa pagitan ng nakatataas at nakabababang organo.

Ang PKP ay ang mga kadre at masang kasapian na bumubuo nito. Ang lakas nito ay ang akumalatibong pagganap ng lahat ng kasapian sa kanilang sinumpaan sa Partido at proletaryong dakilang misyon na pagtagumpayan ang armadong pakikibaka hanggang sa ganap na mapawi ang makauring pagsasamantala at pang-aapi.

Magpunyagi sa matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay. Hitik sa aral ang bawat rebolusyonaryong praktika. Hindi napapaso o nalilipasan ng panahon ang mga pagsusuri at tindig ng PKP sa samu’t saring usaping panlipunan. Hindi naluluma ang mga aral sa mga paglalagom at pagtatasa ng mga organo ng Partido sa iba’t ibang antas at kapanahunan. Kailangang balik-balikan ang mga ito at gamiting gabay ang unibersal na katotohanan ng MLM.

Hindi kumukupas ang kinang ng tagumpay ng digmang bayan ng mamamayang Tsino at Byetnames na tulad ng Pilipinas ay mga bayang malakolonyal-malapyudal din noon. Matamang pag-aralan ang kanilang rebolusyonaryong kasaysayan. Matuto sa kanilang karanasan kung paanong ang mahinang bansang lukob ng imperyalistang kapangyarihan ay tumindig, lumaban at nagtagumpay. Armas nila ang di magugupong sandata ng mamamayan, ang digmang bayan.

Digmang bayan din ang pamatay na dagok ng rebolusyong Pilipino sa kolonyalistang Espanyol at Hapones. Digmang bayan pa rin ang ating sandata ngayon laban sa moderno at mapamuksang arsenal ng naghaharing uri. Digmang bayan na nilalahukan ng laksa-laksang magsasaka, pinamumunuan ng Partido Komunista, kapit-bisig ang mga manggagawa, peti-burgesya at iba pang positibong pwersa. Makatarungan ang ating digma. Walang dahilan para hindi tayo magtagumpay.

Singkwenta y dos taon ng marubdob na pagmamahal sa bayan at sa uring anakpawis. Mag-armas! Mag-armas! Mag-armas! Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay! Ito ang mabigat pero dakilang tungkulin ng bawat Komunista.

Mabuhay ang ika-52 anibersaryo ng muli ng pagkatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Pangibabawan ang mga limitasyon! Palakasin ang Partido! Magpunyagi sa armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay!