Panibagong bogus na pagpapasurender ng AFP sa Cagayan
Muling binobola ng Philippine Army ang sarili sa panibago nitong pag-anunsyo ng diumanong “pagsurender ng 35 kasapi” ng New People’s Army sa Zinundungan Valley sa Rizal, at sa ilan pa sa Amulong at Lallo sa lalawigan ng Cagayan. Sa 35 na diumanong sumurender sa Zinundungan Valley, tatlo lamang ang pinangalanan ni 501st Infantry Brigade commander Col. Steve Crespillo sa kanilang mga “alyas” (“Ka Ed”, “Ka Ruben”, “Ka Timbong”) pero hindi sa mga tunay nilang pangalan. Pero kahit tatatlong “alyas” lamang ang makayang sabihin, hindi pa totoo ang mga ito at likha lamang ng guni-guni ng mga mahilig magpasaya sa sarili at manggantso sa publiko!
Sa katunayan, taun-taon mula 2018 ay laging ipinaghahambog ng Armed Forces of the Philippines ang diumanong maramihang pagsurender, mula sa tig-ilampu hanggang mahigit 100 kasapi, ng mga regular na kawal at milisyang bayan ng New People’s Army sa Zinundungan Valley at iba pang mga lugar sa Cagayan . Matapos ipangalandakan ang “maramihang pagsurender” at “lubhang pagliit na” ng pwersa ng NPA, mag-aanunsyo uli ng isa na namang “maramihang pagsurender” at “lubhang pagliit na” ng mga NPA. Kung totoong napahina na nga ang NPA dahil sa naunang mga pagsurender, bakit may sinasabi uling panibagong bugso ng “maramihang pagsurender” sa 2021? Kung ganyan nga, disin sana’y nalipol na ang NPA sa kanlurang Cagayan noon pang 2018!
Hindi ipinagkakaila ng NPA na may sasandakot na sumurender na dating kasapi ng NPA sa rehimeng Duterte, kagaya ni IvyLyn Corpin na tumakas nang tanungin siya ng kinapaloobang yunit ng NPA kaugnay ng hindi niya maipaliwanag na paggastos sa pondo nito na nagkakahalaga ng mahigit Php 100,000. Pero ang higit na mas maraming opisyal at mandirigma ng NPA at mga kasapi ng milisyang bayan ay mga tapat, may mabubuting record at matitibay na rebolusyonaryong hukbo ng mga inaapi at pinagsasamantalahan. May maniningning silang record ng katapangan at sintigas ng bato sa tatag ng paninindigang isulong ang rebolusyon. Mabibilang lamang sa daliri ang katulad ni Corpin na para lamang magkapera ay gawin ang lahat ng ibulong sa kanya ng mga handler niyang militar, kabilang na ang pagtuturo sa libingan ng malaon nang nakahimlay na katawan ng isang rebolusyonaryong mandirigma.
Pero ang tunay na nasa likod ng paulit-ulit na pag-aanunsyo ng mga kumander ng AFP ng diumanong “maramihang pagsurender” — hindi lamang para lansihin ang mamamayan na nagwawagi ang AFP sa di-makatarungan, magastos at palso nitong kontra-rebolusyonaryong digma laban sa mamamayan, kundi para paulit-ulit din silang makapambulsa mula sa malaking pondong inilaan para sa mga malilinlang at masusuhulan nilang susurender sa rehimeng Duterte.
Ang mga garapal na kasinungalingang nilulubid ng AFP kaugnay ng mga huwad na pagsurender ay nakaugnay sa gayunding kagarapal na red-tagging ng matataas ng opisyal nito sa pambansang saklaw. Kagaya ng napabalita kamakaylan na huwad na listahan ng mga diumanong nagmula sa University of the Philippines na sumapi sa NPA at nasawi sa labanan o nabihag ng AFP. Bahagi ang mga ito ng mas masaklaw at systemic na paraan sa psy-war ng isang pasista at kontra-mamamayang hukbong katulad ng AFP at ng papet at pasistang rehimeng katulad ng kay Duterte. Pero hindi maitatago ng mga pasistang buladas at kasinungalingan ang katotohanan na di-magagaping hukbo ng mamamayan ang NPA at ang AFP naman ay patuloy na naaagnas dahil sa kabulukan.