Panibagong ECQ, Panibagong Pahirap sa Bayan!
Sa ikatlong pagkakataon, ipaiilalim ang Metro-Manila, na mayroong 14 milyong populasyon, sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang Agosto 20, 2021. Siguradong susuungin na naman ng taumbayan ang panibagong dagdag na pahirap, gutom at paniniil sa kanilang mga demokratikong karapatan sa ilalim ng panibagong mahigpit na lockdown na ipatutupad ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Daan-daan libong mga manggagawang arawan ang mawawalan ng ikabubuhay sa panahong ito ng lockdown. Isanlibo at maksimum na apat na libong piso kada pamilya ang ipinapangakong ayuda ng gubyernong Duterte. Sa loob ng dalawang linggo, ₱ 285.70 kada araw sa bawat pamilya (sa abereyds na limang ang myembro) ang pilit na pagkakasyahin para sa pagkain at iba pang gastusin tulad sa bayad sa tubig, kuryente at pambili ng panggatong (gaas, gasul, uling at kahoy). Dito rin kukuhanin ang pambayad sakaling umuupa ng bahay ang pamilya.
Sabi ng Malacañang ay hindi pa nila alam kung saan kukunin ang pondo para sa ayuda ganundin kung mabibigyan ng ayuda ang lahat na maapektuhan ng ECQ. Ayon naman sa DILG ay malamang na sa susunod pang linggo maipatutupad nila ang pamamahagi ng pangakong ayuda ng gubyerno. Kakarampot na nga ang ayuda maaantala na naman ang pamamahagi nito. Sadyang malupit at wala ni katiting na malasakit ang gubyernong Duterte sa kapakanan ng mga mahihirap nating mga kababayan. Nais nitong pagapangin muna sa hirap ang taumbayan para mapanatiling namamalimos ng tulong sa gubyerno at sa gayon ay mapapasunod sa anumang idikta nito.
Unang ipinatupad ng rehimeng Duterte ang ECQ noong Marso 2020 at naulit noong Marso 2021 sa Metro-Manila at ilang mga karatig probinsya nito sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Ang ECQ ang pinakamahigpit na tipo ng militaristang lockdown na ipinatutupad ng gubyernong Duterte sa tuwing tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit sa Covid-19 sa alinmang bahagi ng bansa.
Kabilang din ang Laguna na isinailalim sa ECQ na magsisimula sa Agosto 6 at magtatapos naman sa Agosto 15, 2021. Ang Cavite, Rizal at Lucena City ay inilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) habang ang Batangas at Quezon (liban sa Lucena City) ay isinailalim naman sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa Agosto 6-15, 2021.
Paliwanag ng gubyerno na kailangang magpatupad muli ng ECQ sa Metro Manila at ilang probinsya sa bansa na napatunayang nagkaroon ng delta variant ng Covid-19 para mapigilan ang mabilis na pagsipa ng bilang ng mga nagkakasakit dito. Subalit kung tutuusin nakapasok sa bansa ang higit na mabagsik at mabilis na makahawang delta variant ng Covid-19 dahil na rin sa kabagalan, kawalan ng kahandaan at kainutilan ng gubyernong Duterte na magpatupad nang paghihigpit at kontrol sa pagpasok ng mga dayuhan na nanggaling sa bansang India na pinaniniwalaang pinanggalingan ng delta variant. Naulit na naman ang pangyayari noong nakaraang taon na labis na nahuli ang gubyernong Duterte sa pagpapatupad ng paghihigpit na makapasok sa bansa ang mga dayuhang Tsino at iba pang nanggaling sa bansang China, lalo na sa Wuhan Province na pinagmulan ng nakamamatay na Covid-19. Isa na namang patunay na lagi na lang naghahabol ang gubyerno at hindi kaylanman naging pro-active sa pagharap at paglaban sa Covid-19. Kung babalikan, minaliit din ni Duterte ang pagpasok sa bansa ng Covid-19 at inihalintulad lang ito sa ordinaryong trangkaso na kusang naglalaho.
Sa ulat ng Department Of Health (DOH) noong Agosto 5, 2021, may bagong 116 kaso ng delta variant ang kanilang napag-alaman batay sa mga isinagawang genome sequencing. Ang genome sequencing ay paraan ng mga dalubhasa sa mga bayrus (virologist) at iba pang mga nakakahawang sakit (infectious diseases) para malaman ang uri o strain ng isang partikular na bayrus.
Sa nadagdag na 116 na nagpositibo sa delta variant, 83 dito ay nasa Metro Manila at 3 naman ang nadagdag sa Region IV-A (CALABARZON). Ayon sa DOH may kabuuang 331 ang nagkakasakit sa delta variant ng Covid-19 mula noong mapatunayan itong nakapasok na sa bansa. Subalit malaki ang paniniwala ng lahat na hindi talaga ito ang tunay na bilang ng mga nagkaroon ng delta variant ng Covid-19. Sa kawalan ng pondo, kulang at hindi sapat ang mga pasilidad, laboratoryo at tauhan ng DOH para isagawa ang maramihang genome sequencing at madertemina ang malapit sa katotohanang bilang ng mga nagkakaroon ng delta variant labas pa sa Alpha at Beta variants na nauna nang nakapasok sa bansa. Ayon sa University of the Philippines Genome Center, na inatasan ng DOH na magsagawa ng genome sequencing, nangangailangan sila ng karagdagang 100 milyong pondo para tugunan ang kakulangan nila sa tauhan, laboratoryo, genome sequencing kits at iba pang pasilidad. Sa kasalukuyan, kinakaya lang nila na makapagsuri ng 750 samples kada linggo o katumbas na 3,000 sample kada buwan. Sa ganitong kalagayan malayong makapagbigay sila ng makatotohanang larawan sa bilang ng mga kababayan nating nagkaroon ng delta variant. Bukod dito, wala pa ring ipinapatupad na libre at malawakang pagsusuri (mass testing) ang gubyerno para pagbatayan din ng mga isasagawang genome sequencing.
Tulad ng sinasabi ng mga dalubhasa sa medisina at syensya, hindi magiging epektibo ang pagharap sa nakamamatay na Covid 19 kung patuloy lang na aasa ang gubyerno sa pagpapatupad ng lockdown nang walang kaakibat na pagpapatupad ng libre at malawakang testing, agresibo at sistematikong contact tracing, pagtatayo ng maramihang pasilidad para magsilbing mga isolation centers and treatment, sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga pampublikong ospital sa pamamagitan ng mga karagdagang pasilidad, mga kagamitang medikal, karagdagang personnel at mga manggagawang pangkalusugan at ang pagpapalakas sa kabuuan ng sistemang pangkalusugan sa bansa.
Kaisa ng NDFP-ST ang taumbayan at mga dalubhasa sa syensya at medisina sa paniniwala na magiging paulit-ulit na lamang ang siklo ng pagdami ng bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19 kapag hindi nakabatay sa syensya at medisina ang estratehiya ng gubyernong Duterte sa paglaban sa dito. Kailangang patuloy nating kalampagin ang gubyernong Duterte na agarang ipatupad ang mga nabanggit sa itaas na mga hakbangin sa paglaban sa Covid-19 na nakabase sa syensya at medisina at hindi lamang sa pamamagitan ng militaristang lockdown.
Labis-labis din ang pagsalig ni Duterte sa bakuna ngunit wala namang kaakibat na hakbangin para matiyak ang sapat at tuloy tuloy na suplay nito sa bansa. Lubos na iniasa lamang ni Duterte ang suplay ng bakuna sa bansa mula sa mga donasyon ng ibang gubyerno at sa inisyatiba ng pribadong sektor at negosyo sa pagbili ng mga bakuna para sa kanilang mga empleyado. Sa kabilang banda, patuloy ang mabagal na takbo ng bakunahan sa bansa dahil sa samu’t saring mga kadahilanan tulad ng kawalan ng sistema, kakulangan ng mga pasilidad at personnel na magsasagawa ng pagbabakuna. Talamak din ang sistema ng palakasan kung saan nabibigyan ng pribilehiyo ang mga malalapit sa mga opisyal ng gubyerno habang nagtityaga sa mahahabang pila ang ordinaryong mamamayan. Sa kasalukuyan, umaabot pa lamang sa 11 milyong Pilipino ang lubusang nabakunahan ( 2 dosage). Malayo pa ito sa target na 70 milyong bakunado sa pagtatapos ng taon para marating ng bansa ang tinatawag na herd immunity.
Kakarampot ang isanlibo hanggang apat na libong ayuda kada pamilya na pangako ng gubyerno para sa mga mahihirap nating kababayan na higit na maaapektuhan ng militaristang lockdown sa loob ng 14 na araw. Marapat lamang na igiit ng taumbayan ang sapat na ayuda mula sa gubyerno tutal ay kasalanan mismo ng gubyerno kung bakit labis ang kahirapan at kagutuman sa bansa. Katunayan. ang kainutilan at kriminal na kapabayaan ng gubyernong Duterte sa paglaban sa Covid-19 ang pangunahing dahilan kung bakit umabot na naman sa yugto ng pagpapatupad ng panibagong mahigpit na ECQ. Ang panibagong ECQ ay panibagong pahirap sa bayan.
Malaki ang posibilidad na mapapalawig pa ang panahon ng ECQ sa Metro-Manila at maaari pang madagdagan ng ilang probinsya sa bansa lalo na sa erya ng CALABARZON. Sa ganitong kalagayan, nanawagan ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan na ibayong mag-ingat laban sa mabagsik at mas nakakahawang delta variant ng Covid-19. Mahigpit nating ipatupad ang mga inilabas na gabay o health protocols ng rebolusyonaryong kilusan na binalangkas ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MASAPA) at maging ng iba pang mga progresibo at grupong medikal sa bansa. Ipinapanawagan din namin ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng mga mamamayan laluna ang mga nasa bulnerableng sektor. Ang bakuna ay produkto ng syensya at pag-unlad ng medisina na kailangan natin bilang proteksyon laban sa nakamamatay na mga sakit tulad ng Covid-19.
Habang isinasagawa ang kaukulang pag-iingat sa Covid 19, dapat patuloy na ipaglaban at igiit ng taumbayan na gawing prayoridad ng gubyerno ang pagtugon sa hikahos na kabuhayan ng mamamayang Pilipino at paglaban sa Covid-19. Kondenahin si Duterte at ang kanyang mga alipures na mga pulitiko sa kawalan ng tunay na malasakit sa taumbayan. Nagawa pa ng mga itong unahin ang pamumulitika sa kabila ng katotohanang patuloy na dumarami ang nagkakaroon ng mabagsik at mas nakahahawang delta variant ng covid sa bansa. Hindi totoong walang pondo ang gubyerno para patuloy na suportahan ang malawakang pagbabakuna sa populasyon dahil sa katunayan malaking tipak ng pambansang budget ay inilaan para sa Office of the President, counter insurgency program ng AFP at PNP, ng NTF-ELCAC at sa kanyang mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng Build Build Build program. Dapat na patuloy na ipaglaban at igiit ng mamamayan sa gubyernong Duterte na gawing prioridad ang kalusugan at kagalingan ng mamamayan at dito ilagay ang malaking pondo para sa epektibong paglaban sa Covid-19. Patuloy na ipaglaban ang agarang pagpapatupad ng libre at malawakang testing, agresibo at sistematikong contact tracing, marami at laganap na pasilidad para sa isolation, pagpapagamot at pagpapagaling, mabilis at malawakang pagbabakuna at higit sa lahat ang pagpapalakas sa sistemang pangkalusugan sa bansa. ###