Panibagong kasinungalingan ng Western Command, laban sa NPA Palawan!
Mariing kinokondena ng Bienvenido Vallever Command ang paghahasik ng terorismo sa hanay ng mga katutubong Batak at Tagbanwa sa Barangay Concepcion sa bayan ng Puerto Princesa City. Sa pinakadesperadong hakbang nito, naglubid ito ng isang senaryo at malaking kasinungalingan na diumano ay may naganap na labanan sa pagitan ng 3rd MBLT at diumano mga NPA.
Isang kasinugalingan, walang katotohanan ito! Hindi yunit ng NPA ang kanilang nakasagupa at walang yunit ng NPA sa pinangyarihan. Wala talagang nagkasagupaan kundi isang gawa-gawang labanan lamang ng 3rd MBLT at WESCOM. Kung kaya’t nagkakabuhol-buhol na ang dila ni Lt. Stephen Penetrante upang pagtakpan ang terorismong kanilang inihahasik. Sa kanilang mga pahayag diumano sila ay naambus, nagka-engkwentro. Kakatwa dahil apat na putok at isang pagsabog na ayon sa kanila ay umabot ng 10 minuto, pagkatapos naging 30 minuto na ang nangyaring labanan.
Sa pag-iimbestiga ng BVC, ang napatay ay isang dating NPA (Jericho), matagal nang bumaba sa NPA at naghahanapbuhay na lamang bilang isang magbabagtik. Kayat tiyak ang BVC na hindi ito armado at ang sinasabing nakumpiskang KG9 ay bahagi pa rin ng kasingungalingan at inimbentong kwento.
Matagal nang nag-iinteres ang 3rd Marine Brigade na magkaroon ng kampo sa Brgy. Concepcion at lunsaran ito ng mga focus military operation (FMO) at Retooled Community Support Program. Kaya kailangan ng 3rd Marine Brigade na mag-imbento ng labanan upang gawing sangkalan para makapagkampo sa Brgy. Concepcion at maghasik ng takot sa mga katutubong Batak at Tagbanwa. Matatandaan noong 2018 ay penetisyon ng mga katutubo ang pananatili ng mga sundalo rito bunga ng pambabastos sa mga kababaihan, paglalasing at saka walang habas na magpapaputok at gagawa ng kaguluhan kapag lango na sa alak.
Ipinapanawagan ng BVC na itigil ng 3rd Marine Brigade ang paghahasik ng terorismo sa hanay ng mga katutubong Batak at Tagbanwa.
Samantalang nais naming ipaabot sa masang Palaweño na hindi kailanman ihihinto ng NPA-Palawan ang hangarin nito para sa kapakanan ng bayang inaapi at pinagsasamantalahan ng bulok na sistemang pinaiiral ng mga gahaman sa ating lipunan tulad ng pangkating Duterte-Alvarez sa Palawan. Magpapatuloy ito sa kanyang pakikipaglaban sukdulang ibuwis ang buhay para sa bayan!
Mabuhay ang tunay na hukbo ng sambayanan, ang NPA!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!