Panindigan at isulong ang rebolusyong agraryo sa Ilocos! Pangibabawan ang mga krisis sa ilalim ng kontra-magsasaka at pasistang rehimeng Duterte!
Patuloy na nahaharap sa panganib ng Covid-19 at hindi makaalpas sa nagsasalimbayang krisis ang karamihang masang magsasaka ng Ilocos. Lalo pa silang inaapi sa mas marahas na pang-aatake ng rehimeng Duterte sa kanilang karapatan.
Bago pa ang pandemya, umabot na sa 40 porsyento ang tantos ng pag-iral ng kahirapan o poverty incidence sa rehiyon, na kalakhan ay sa hanay ng magsasaka. Tulak ito ng bumibigat na pagpataw ng rehimen Duterte sa mga neoliberal na patakaran sa agrikultura na nagtatanggal sa kontrol sa importasyon at pumapatay sa lokal na produksyon. Ito ay habang nagpapatuloy ang batayang suliranin sa kawalan ng sariling lupa ng karamihang magsasaka sa Ilocos, na pinag-uugatan ng lahat ng anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanila sa mataas na upa sa lupa, usura, bagsak na presyo ng produkto, mataas na gastos sa produksyon at nananatiling atrasadong sistema Sa pagsasaka kagaya ng kawalan ng maayos na patubig.
Lalo pang lumala ang pagbagsak sa kabuhayan ng magsasaka sa pagsalanta ng pandemyang Covid-19, epidemya ng African Swine Fever (ASF), mga kalamidad, hindi maawat na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, patuloy na pagsirit ng gastos sa produksyon at pagdausdos ng presyo ng produktong agrikultural.
Dito sa rehiyon Ilocos, epekto ng Rice Import Liberalization Law, ang presyo ng palay ay bumagsak hanggang P5/kilo na nagbawas sa kita ng magbubukid sa mahigit 70%. Ang bawang at sibuyas na kabilang sa mga pangunahing produkto dito sa rehiyon ay kabilang sa mga produkto sa buong bansa na pangunahing naapektuhan ng liberalisasyon sa importasyon. Samantala, nagpapatuloy ang pambabarat ng mga kumpanya at ng National Tobacco Administration (NTA) sa presyo ng tabako na nakapako sa abereyds na P70-P90 kada kilo, sa kabila ng dalawang dekada nang karangian ng magsasaka na P128/kilo at pagtanggal sa mga klasipikasyon nito.
Mula simula ng lockdown, malaki na ang nawala sa kitang magsasaka dahil sa mga restriksyon at napakaraming checkpoint na umaantala sa pagbibiyahe sa mga produkto, gayundin ang pagsasara ng mga establisimiento na bumibili ng gulay.
Mula unang kwarto ng 2021 hanggang ngayong Oktubre, hindi na nakabawi ang magbubukid ng llocos dahil sa tagtuyot, pagbuhos ng malalakas na ulan at nitong huli ng bagyong Maring na parehas na nakasira hanggang sa 90% ng produktong tabako, palay, gulay, mais gayundin ng mga alagang hayop at piskerya. Sa bagyong Maring lamang, 75% ng mga magsasaka sa Ilocos ay nasiraan ng kabuhayan. Malaki ding kawalan sa kita ng mga nag-aalaga’t nagbebenta ng babaoy ang pagkalat ng ASF.
Kulang na kulang at lalo pang mapang-api ang selektibong sistema sa pagbibigay ng ayudang DA sa magsasaka gaya ng sistemang Registry System for Basic Sectors of Agriculture (RSBSA) na nagbibigay lamang ng ayuda sa mga magsasakang nakapagrehistro ng sinasakang bukid, gayong marami sa mga magsasaka dito sa rehiyon ay walang direktang sinasaka at mga manggagawang- bukid lamang. Ang ayuda naman ng NTA ay para lamang sa mga nakapaloob sa contract-growing, gayong karamihang magsasaka at manggagawang-bukid dito sa Ilocos ay hindi kwalipikado sa contact-growing sa tabako dahil sa kawalan at kaliitan ng sinasaka nilang lupa. Samantala, ang pondo para sa RA7171 ay patuloy na iniipit at pinag-aagawan ng mga naghahari sa gobyerno sa rehiyon, imbes na ibigay na ayuda sa magsasaka.
Lalo pang pinasama ng importasyon, ng pandemya at mga sunod-sunod na sakuna ang dati nang atrasado at mapagsamantalang sistema ng agrikultural na produksyon sa Ilocos. Ang usura ay lumala sa pagpapatupad ng Rice Import Liberalization Law at ang pagdating ng Covid-19 na pandemya. Lalong humirap ang pagpapatubig at lalo pang tumaas ang gastos sa produksyon sa dalawang buwan nang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, lalo na’t kalakhang bukirin dito sa Ilocos ay nananatiling un-irrigated sa kabila ng pagpapatupad ng batas sa libreng irigasyon, kung kaya’t umaasa sa tubig-ulan at gumagamit ng water pump na magastos sa krudo. Samantala, walang pinagbago ang dating mabigat na sistema sa upa sa lupa na humuhuthot sa pinakamalaking bahagi sa ani ng magsasaka.
Ang lumalakas na pagdaing at paglaban ng magsasaka ay sinasagot ng rehimeng Duterte ng digmang represyon. Dito sa Ilocos, todo-todo na naipapatupad ang kontra-insurhensyang programa ng rehimen sa pamamagitan ng NTF-ELCAC. Tinatabingan ito ng “kontra-terorismong kampanya” na ang malinaw na layunin ay upang mahawan ang daan para sa mga mapanirang proyektong pang- enerhiya at pagmimina ng mga kumpanyang kapitalista. Noong nakaraang taon, idineklara ng AFP at RTF-ELCAC na “malaya na sa insurhensiya ang Ilocos, ” at matutuloy na lahat ng mga mapanirang proyekto na tinututulan ng mamamayan.
Sa ilalim ng kontra-insurhensyang programa ng NTF-ELCAC, naisasailalim ang mga demokratikong samahan ng magbubukid sa maigting na surbeylans, harasment, pwersadong pagpapasuko sa kanilang mga lider bilang “mga kasapi ng CPP-NPA” at paghahabla sa kanila ng mga gawa-gawang kaso. Pilit na winawasak ang kanilang mga samahan sa mga mapanliniang na community support and development program at ECLIP.
Sa harap ng nag-aalimpuyong pagnanais ng mga magsasaka para sa tunay na pagbabago, layong manatili pasa poder ang mga pulitikal na dinastiyang Ortega sa La Union, ng Singson sa Ilocos Sur at ng Marcos sa Ilocos Norte na kapal-mukha pang naghahangad na makabalik sa tuktok ng kapangyarihan sa bansa.
Sa huling pagtutuos, ang lumalalang paghihikahos ng magsasaka ay nauugat sa atrasado at pyudal na agrikultural na produksyon, kung saan ang lupa ay monopolyo ng iilang panginoong maylupa at ang bentahan ay kontrolado ng mga lokal at dayuhang malalaking komersyante na itinataguyod ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng neoliberal na patakaran sa agrikultura.
Sa ganitong kalagayan, tanging rebolusyong agraryo ang paraan upang mapatid ang tanikala ng pyudalismo na bumibihag sa mga magsasaka. Ang rebolusyong agraryo ang pangunahing sangkap ng demokratikong rebolusyon ng bayan upang mapalaya ang karamihang mamamayang Pilipino na binubuo ng magsasaka. Layunin ng rebolusyong agraryo na kamtin ang tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng pakikibaka ng magsasaka upang maibaba at mapawi ang upa salupa at usura, makamit ang makatwirang presyo sa produkto at karampatang serbisyo sa agrikultura at mapagaan ang gastos sa produksyon.
Ang rebolusyong agraryo ay maipagtatagumpay lamang sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at pagtatayo ng mga organo ng pampulitikang kapangyarihan ng mga magsasaka sa kanayunan na bubuwag at hahalili sa pulitikal na dinastiyang mga panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador.
Ngayong pandemya at kailanman na nagpapatuloy ang krisis, ang tanging pamamaraan upang mapagpasyang makaalpas ang mga magsasaka ay tahakin ang landas ng armadong rebolusyon. Dapat na buwagin ang paghahari ng AFP-PNP at NTF-ELCAC sa mga rebolusyonaryong base sa pamamagitan ng pagsampa at pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan. Kasabay nito, dapat nalalo pang palawakin at palakasin ang PKM sa Ilocos na magsisilbing ubod ng kilusan ng magsasaka na magsusulong sa agraryong rebolusyon upang pangibabawan ang kahirapan na idinudulot ng pandemya at ng mga sakuna.#