Panunupil ang pumupukaw sa kamalayan ng mga kabataang intelektwal para sa armadong pakikibaka
Matagal nang napupukaw pabor sa armadong pakikibaka ang kamalayan ng mga kabataan at intelektwal sa kalunsuran, lalo na sa ilalim ng lantarang panunupil ng rehimeng Duterte. Hindi ito mapupuksa ni Secretary Lorenzana sa pagbabasura ng kasunduang UP-DND. Sa katunayan, ang hakbanging ito na mapaniil sa kalayaang pang-akademiko ay lalo lamang umuupuat sa intelektwal na interes ng mga mag-aaral at kabataan para sa BHB at armadong rebolusyon.
Habang ang mga kritiko ng rehimen, mga aktibista at oposisyon ay binibiktima ng paniniktik at pagmamanman, pag-aaresto, pagkukulong at pagpaslang, lalong nagiging usapin para sa mga kabataan at mamamayan ang kawastuhan ng paglulunsad ng armadong pakikibaka bilang paraan ng paglaban at pagtatanggol, at lalo silang natutulak na sumuporta o sumapi sa BHB.
Gusto ni Defense Secratary Lorenzana at mga katulad niyang pasista sa AFP na supilin ang isip ng mga kabataan. Makaisang-panig na niyang ibinasura ang kasunduang UP-DND ng 1989 para pagbantaan ang kalayaang pang-akademiko at pigilan sa paggamit ng kanilang mga utak para pagtalakayan ang katanungan hinggil sa rebolusyon at armadong paglaban.
Sa tabing ng “pagliligtas sa kabataan,” ang tunay na nais ni Lorenzana ay supilin ang kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga kabataan. Nais niyang ang mga kabataan ay mag-isip tulad ng militar na bulag na pagsunod sa mga atas, pagtanggap sa umiiral na kalagayan, at pagtakwil sa lahat ng kaisipan para sa pagbabagong radikal.
Nais niyang itatag ang mapanakot na armadong presensya ng militar sa UP at ibang pamantasan para maghasik ng takot sa mga mag-aaral at pigilan silang kritikal na mag-isip at kumilos laban sa korapsyon, kasinungalingan, pagtataksil at tiraniya ng naghaharing rehimeng Duterte. Nais niyang pigilan ang mga mag-aaral na mag-isip tungkol sa armadong pakikibaka, pigilan silang alamin ang katotohanan sa mga paninindigan ng BHB, at pigilan silang magtanong kung bakit patuloy na nakatatamasa ang BHB ng lumalawak na suporta mula sa mamamayan.
Ipinagtatanggol ng mga mag-aaral at intelektwal ang kalayaang pang-akademiko dahil binibigyan sila nito ng pagkakataon na magdesisyon para sa kanilang mga sarili at hindi lang basta sumunod sa turo o utos ng militar. Sa ilalim ng liberal na kapaligiran ng kalayaang pang-akademiko, nagsasagawa ng pananaliksik ang mga mag-aaral at intelektwal at matalinong inoobserbahan ang lipunan, mga suliranin nito at solusyon.
Taglay ang kalayaang ito, maraming intelektwal ang nakabubuo ng matalas na obserbasyon na bigo ang gubyernong Duterte sa paggamit ng syensya at demokrasya higit sa militarismo at korapsyon sa pagtugon sa pandmeyang Covid-19; na ang mayorya ng mamamayang Pilipino, higit lalo ang mga manggagawa at magsasaka, ay lubhang nagdurusa sa ilalim ng matinding krisis sa ekonomya, pandemya at kalamidad; at iba pang katotohanang inililibing ng mga upisyal na kasinungalingan at kampanya ng disimpormasyon ng rehimen.
Matalas din nilang natutukoy kung paanong ginagamit ang Anti-Terror Law ni Duterte para pagbantaan ang mamamayan; kung paanong tinatakot, pinatatahimik at sinusupil ang mamamayan ng militar at pulis sa mga teroristang hakbangin ng estado; kung paanong sila ay hinahadlangang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan sa mapayapang pamamaraan.
Nakikita mismo ng maraming mag-aaral, guro at ibang intelektwal kung paanong walang ibang mapagsulingan ang mamamayan kundi ang sumapi sa BHB. Tunay na mula sa kanilang hanay ay mayroong mga nagdesisyon at nanindigang sumapi sa armadong paglaban ng mamamayan. Hindi sila mga biktima ng panlilinlang. Sila ay mga lingkod ng bayang naliwanagan ng katapatang intelektwal.
Sa paggunita ng mamamayang Pilipino ngayon sa pagsisimula ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at ng ika-50 taong anibersaryo ng Diliman Commune, suportahan natin ang pakikibaka ng kabataan at mag-aaral, guro at intelektwal para ipaglaban ang kalayaang pang-akademiko laban sa panghihimasok ng militar sa mga pamantasan. Dapat pagtibayin ng mga kabataan at estudyante ang kanilang determinasyon na ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan. Dapat nilang isulong ang adhikain ng paglilingkod sa masang api at pinagsasamantalahan at pagsanib ng kanilang kilusan sa pambansang pagpapalaya at katarungang panlipunan.