Panunupil at militarisasyon, pagbibigay-daan sa mapanirang proyekto ng BREDCO
Hindi na maitatanggi na ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa Mt. Province ay ang tagapaghawan ng daan para sa mabilisang pagtatayo at operasyon ng mga dambuhala at mapanirang proyekto, katulad ng 14-megawatt hydropower project ng BIMAKA Renewable Energy Development Corp. o BREDCO.
Kasama ang Dutch na kumpanyang Royal HaskoningDHV, ang BREDCO ay magtatayo ng apat na hydropower plant sa katubigan ng 10 sa 14 barangay ng Besao.
Sa mga nakalipas na taon, mabilisan at wala sa tamang proseso ang pagkuha sa “free, prior, and informed consent” o FPIC ng mamamayan na maaapektuhan ang lupang ninuno, sakahan at irigasyon, kuhanan ng tubig, at iba pa, ng proyektong hydropower.
Bukod sa panlilinlang ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ilan sa mga ehekutibo ng nasabing kumpanya na sangkot sa pananagasa sa karapatan ng mga taga-Besao ay sina Wellington Pooten, dating meyor ng Besao, at Rufino Bumas-ang, inhinyero at dating assistant secretary ng Department of Energy (DOE).
“Kapanatagan” ng BREDCO, hindi ng mamamayan
Kasabay ng mga barangay assembly kung saan inaasahang bubuuin ang mga kontra-insurhensyang barangay task force at ibababa ang pagpapatayo sa BREDCO hydropower project, tumindi ang militarisasyon sa iba’t ibang bahagi ng Besao at mga karatig na bayan.
Upang masiguro na matutuloy ang proyekto, pinakilos ng reaksyunaryong gubyerno ang mga tropa ng AFP sa ilalim ng 5th Infantry Division (50th at 54th Infantry Battalion, 51st at 52nd Division Reconnaissance Company) at 7th ID (24th IB at 81st IB), kasama ang Regional Mobile Force Battalion ng PNP.
Hindi maikakaila na ang mga ito ay nagsisilbing pwersang panseguridad ng BREDCO, at susupil sa anumang paglaban ng mamamayan.
Nitong Setyembre, kabi-kabila ang mga ulat ng pagkakampo ng militar sa loob ng mga komunidad, na lantarang paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Dagdag pa rito, nalilimitahan ang pagkilos ng mamamayan sa gawaing pangkabuhayan at sosyo-kultura:
– Hindi na makapunta ang mga magsasaka sa kanilang sakahan at uma, hindi na maasikaso ang mga alagang baka at kalabaw sa pastuhan, at hindi na rin makapamasyal upang mangaso at maghanap ng dagdag na pagkain, dahil sa takot na hulihin at paghinalaan ng mga nag-ooperasyong militar at pulis.
– Nagdulot ng takot ang pambobomba at pagpapaputok ng 50th IB sa kabundukan at ansestral na lupain ng tribung Pidlisan. Ito ay matapos ng pagkakampo nito sa Aguid, Sagada, at pagkabigo ng operasyon nito sa kamay ng NPA-Mt. Province noong Setyembre 26.
– Sa mga sumunod na linggo, sinundan ito ng walang-tigil na pagpapalipad sa mga drone at recon plane, at pag-iikot ng mga helicopter sa kalangitan at sasakyang pangmilitar sa mga kalsada.
– Noong Setyembre 27, kalahating araw na hinold ng mga militar ang dalawang magsasaka sa Lamag, Quirino, Ilocos Sur na galing sa pangangaso. Hanggang sa ngayon ay hindi pa maiproseso ng mga biktima ang nangyari.
– Naapektuhan ang taunang “linapet” ng tribung Agawa, nakaugaliang pagdiriwang na naghuhudyat ng panibagong taon.
– Sa huling bahagi ng Setyembre, ilang ulit na pinigilan ng mga nakakampong tropa ng militar ang mga kabataang estudyante mula sa Tamboan na tumawid patungo sa Panabungen National High School sa Laylaya. Ang dugtungang ito ng dalawang barangay ay sakahan na maaapektuhan ng mga kalsadang itatayo ng BREDCO.
Malinaw kung sino talaga ang pinagsisilbihan ng pulis at militar: hindi ang malawak na mamamayan kundi ang iilang naghaharing uri!
Dapat magpunyagi at makipagkaisa ang mamamayan ng Mt. Province sa iba pang pinagsasamantalahang mamamayan ng Cordillera at ng buong bansa na biguin ang pasista at kontra-mamamayang Oplan Kapanatagan at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sumandig tayo sa ating sama-samang pagkilos upang patalsikin ang rehimeng US-Duterte at labanan ang mga kinakatawan nitong malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.
Nananawagan ang Leonardo Pacsi Command (NPA-Mt. Province) sa mga kakailian sa Mt. Province, Cordillera, at buong bansa na ibaling sa rebolusyonaryong paglaban ang galit sa panlilinlang, pambubulabog, at pandarambong ng BREDCO, NCIP, at AFP-PNP.
Labanan ang pandarambong ng BREDCO sa Mt. Province!
Biguin ang Oplan Kapanatagan at NTF-ELCAC!
FETAD! Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!