Papaigting ang Rebolusyon sa panahon ng “new normal”

Sa panahon ng ‘new normal, nananatiling tumpak at makatarungan ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap nitong tagumpay.

Sa tabing ng pandemyang CoViD-19, nakakita ang RUS-Duterte nang gintong pagkakataon upang lalong pagsamantalahan at pagkakitaan ang mamamayang Pilipino. Kumikinang ang mata, sinagpang ng hayok sa utang na presidente ang kasalukuyang krisis pangkalusugan. Sa tabing ng pandemyang COVID-19, trilyong piso ang inutang nito, hindi upang solusyonan ang nakamamatay na sakit kundi upang itarak sa mamamayan ang nakamamatay na reseta ng gera laban sa terorismo.

Sa halip na gamot at ayuda ang ibigay sa mamamayan, ipinakat nito ang mersenaryong tropa ng AFP-PNP sa kalunsuran at sa kanayunan upang ipatupad ang lockdown at mga community quarantines. Nagmistulang bilangguan ang mga baryo sa sistematikong pagkontrol ng militar sa ekonomya’t kabuhayan, at aktibidad ng mamamayan. Buu-buong ipinataw ang kapangyarihang militar sa buong bansa. Sa pamamagitan ng kanilang Bayanihan Act, krimen ang hindi pagsunod sa mga health protocols tulad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shield.

Tuluyang pinatahimik ang mamamayan at pinilit na lunukin ang militaristang reseta ng RUSD. Inaaresto at ikinukulong ang bawat mamamayan na lalabag sa protocol, samantalang wala namang ibinibigay na malinaw na solusyon kung paano mabubuhay ang mamamayan kaakibat ng ipinatutupad na health protocol. Iisa ang laging bukambibig ng mamamayan na hindi sa COVID-19 mamamatay ang mamamayan kundi sa matinding kagutuman.
Upang pagmukhaing makatwiran ang militaristang solusyon ng gobyerno sa pandemyang COVID, tatatakan niya ito ng ‘new normal’. ‘New normal’ na dapat kasanayan ng mamamayan. Tuloy ang ekonomya kahit may pandemya sa pamamagitan ng pagtutuloy ng mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang ‘Build, Build, Build’ ng rehimen, tulad ng pagtatayo ng mapaminsalang Kaliwa Dam. Naglalaway ang rehimen sa pagtutuloy nito upang kanilang madambong at mapaghati-hatian ang P 12.2 B pondong inutang sa amo nitong imperyalistang Tsina, upang bigyang daan ang kapakanan ng kapwa naghaharing uri, habang walang malinaw na programa para sa milyun-milyong manggagawa at OFWs na pawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Ipinilit din nito na magsimula ang klase ngayong Oktubre sa anyo ng blended learning. Sa pamamagitan ng modular learning (paggamit ng mga printed modules) at ng pagsasagawa ng online classes na lalong nagpahirap sa kalagayan ng maralita. Sa Hilagang Quezon pa lamang, nagrereklamo na ang mga magulang sa napakagulong sistema na ipinatupad ng Department of Education. Halos walang matutunan ang mga estudyante kung kaya’t ang ipinagpaliban na muna ng mga estudyante mula sa kanayunan ang kanilang pagpasok dahil sa walang maayos at malakas na internet connection. Pinoproblema din ng mga magulang ang mga module na inilalabas ng DepEd kung saan kahit sila ay hirap din na unawain. Lalo pang ipinagkait sa mga kabataang Dumagat ang karapatang makapag-aral dahil na rin sa kawalan ng access sa mga learning materials at mga magagamit na gadget. Samantala, ipinasa ng gobyerno sa mga kaguruan ang buong responsibilidad sa pagkatuto ng mga estudyante, gayong hindi naman nito itinataas ang sahod ng mga guro.

Walang balak si Duterte at ang mga kasapakat niya sa Kongreso at Senado na paunlarin ang buhay ng nagdarahop na mga Pilipino. Patunay ang alokasyon ng badyet na idinisenyo ng House of Representative sa niraratsada nitong General Appropriations Act of 2021. Sa kabila ng pagmamalaki ni Budget Secretary Wendell Avisado na inilaan ang P 4.5 T na pondo upang paunlarin ang karaniwang Pilipino sa gitna ng pandemya, taliwas naman ang aktwal na pagkakahati-hati ng 2021 budget. Inilaan ang 667.3 bilyong piso sa talamak-sa-katiwalian na Department of Public Works and Highways. Habang P 209.1 B naman ang inilaan para sa Department of National Defense. Higit na mataas ang pinagsamang badyet ng DPWH at DND nang 30.56% kaysa sa pinagsanib na pondo ng Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, at Department of Labor and Employment. Patunay na hindi nito prayoridad ang paghusayin ang kagalingan ng mamamayan na napinsala ng paglaganap ng COVID-19 at nagdaang sunud-sunod na bagyo.

Sa halip na ibalik sa mamamayan ang buwis ng mamamayan sa porma ng mga serbisyong panlipunan, pinili pang unahin ng pasistang rehimen ang AFP Modernization Program upang gamitin pambili ng mga bagong kagamitang military tulad ng 4 na Super Tucano na binili nila nitong taon na ito at iba pang armas sa kanyang gera laban sa Terorismo. Samantalang malaking pondo din ang inilaan nito para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)na P622.3 M at ngayo’y nais pang dagdagan tungong P19.1 B sa taong 2021.

Hindi na nga napapakinabangan ng mamamayan ang kanilang buwis,nagiging biktima pa sila malaking pondong inilagak sa walang katuturang programa ng NTF-ELCAC. Walang pakundangan ang mersenaryong tropa ng 1st at 80th IBPA sa paglabas-masok sa iba’t ibang bahagi ng Hilagang Quezon kahit na malaki ang posibilidad na maging carrier sila ng sakit. Tuluy-tuloy na inilulunsad ang focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO). Sa mga barangay ng Umiray at Canaway sa GNQ, pinagbabawalan ng mga militar na gumala ang mga katutubo sa kanilang mga kaingin, binobokeyo ang kanilang mga pagkain at tinatakot ang bawat mamamayang pinagsusupetsahan nila na supporter ng NPA. Ilang ulit na din nilang isinagawa ang panlilinlang sa mga katutubo sa pamamagitan ng kanilang sapilitang pagpapasuko, sa pamamagitan ng pamimigay ng relief at pamamahagi ng SAP.

Ang krisis pangkalusugan sa ngayon, na kumubabaw sa krisis pang ekonomya ay lalong nagpasidhi sa malaon ng panlipunang krisis. Malaki na ang disgusto ng mamamayan sa RUSD, hindi na mapigilan ang pag-aalburuto ng mamamayan dahil sa lumalakas na kalam ng kanilang tiyan at pagyurak sa kanilang mga karapatan.

Alam din ng rehimen na sa malao’t madali ay patatalsikin siya ng mamamayan. Upang makapanatili sa kapangyarihan, absolutong karahasan ang ganti nito sa mamamayan. Sa kanyang ‘new normal’ nais niyang ikintal sa isip ng mamamayan na normal na ang pagkawasak ng buhay at kabuhayan, panlilinlang, pagsupil, pandarahas, pananakot at terorismo ng estado.

Subalit, pinatunayan na ng kasaysayan na ang karahasan ay laging nagbubunsod ng paglaban. Lalong binibigyang katuturan ng RUSD ang katumpakan ng linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ang natatanging solusyon sa kahirapan. Tanging sa pagsusulong nito at ang pagtatagumpay ng sosyalistang rebolusyon ang magtitiyak ng tunay na pagbabago.

Sa panahon ng ‘new normal’, lalong paiigtingin ng AMC-NPA-NQ ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang bigyang katarungan ang lahat ng biktima ng RUSD.

ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN HANGGANG SA GANAP NA TAGUMPAY!

IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!

Papaigting ang Rebolusyon sa panahon ng "new normal"