Papanagutin ang AFP sa pagkamatay ni Darwin Dormitorio
Mariing kinukondena ng Melito Glor Command — New People’s Army Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18 sa isang hazing sa loob ng PMA. Ang AFP, bilang isang marahas at berdugong institusyon, ang dapat singilin sa naturang krimen.
Ang hazing na ginagawa sa mga kadete ng PMA ay bahagi ng marahas at pasistang kultura ng AFP at indoktrinasyon upang hulmahin ang kanilang mga rekrut bilang mga berdugong kawal ng mapang-api at mapang-aliping sistema. Bahagi ito ng kanilang pagsasanay bilang pasista at mersenaryong instrumento ng karahasan ng estado ng mga naghaharing-uri laban sa makatarungang at lehitimong pakikibaka ng mamamayan. Hinuhubog ng mersenaryong tradisyon ng AFP at PNP ang pagtatanggol sa baluktot na doktrina ng pambansang seguridad upang panatilihin sa kapangyarihan ang sinumang naghaharing pangkatin ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.
Dapat na itakwil ng mamamayan ang mersenaryong tradisyon ng karahasan ng AFP at PNP na pinatatampok ng hazing. Sapat na dahilan ito upang tutulan ng mga mag-aaral at mga magulang ang panukalang ibalik ang ROTC sa Senior High School na ang layunin ay hubugin ang mga kabataan sa pasistang ideolohiya na nagtatago sa bihis ng binaluktot na nasyonalismo at doktrina ng pambansang seguridad.
Hindi na maaasahan ang anumang patas na imbestigasyon sa kaganapan dahil sa kawalang pananagutan ng AFP sa kanilang mga krimen. Kagyat na naghugas-kamay na ang mga opisyal ng AFP sa pangyayari laluna’t ang ilan sa malalapit na kamag-anak ni Dormitorio ay mga berdugo at mersenaryong heneral tulad nina Delfin Lorenzana at Eduardo Año. Hindi unang kaso ang nangyari kay Dormitorio kundi isa lamang sa napakaraming kaso ng AFP sa pagmamalupit sa kanilang mga kadete at sariling tauhan. Higit pa, ang AFP at PNP ay may mahabang listahan na ng mga karumal-dumal na krimen sa mamamayan na malaon na nilang tinatabunan at itinatanggi. Ang mga ito ang dahilan kung bakit kinasusuklaman sila ng mamamayan at papaliit ang bilang ng boluntaryong sumasapi sa kanilang hanay.
Sa kabilang banda, ang NPA ay malaon nang nakaugat sa masang api at itinuturing na sarili nilang hukbo. Minamahal at sinusuportahan sila ng mamamayan dahil sa taos-puso nilang paglilingkod sa kanilang interes at kagalingan. Ipinagtatanggol nila ang mamamayan sa lahat ng anyo ng pang-aapi pagsasamantala, at pandarahas ng mga berdugong instrumento ng estado. Sa gayon, patuloy na dumarami ang bilang ng mga pinakamahuhusay na anak ng bayang kusa at buo ang loob na sumasapi bilang Pulang mandirigma.
Hinihikayat ng MGC-NPA ST ang mga naliliwanagang sundalo at pulis na umalis sa kanilang reaksyunaryo at pasistang institusyon at talikuran ang mersenaryong tradisyon ng AFP-PNP. Kung ninanais nilang maging mga sundalo ng mamamayan, bukas ang mga larangang gerilya upang tanggapin ang mga magpapanibagong-hubog na sundalo at pulis at gayundin ang mga kadete ng PMA na pipiliing maglingkod sa mamamayan sa landas ng makabayang tradisyong sinimulan ni Lt. Crispin Tagamolila. Samantala, nakikiramay ang MGC—NPA ST sa pamilya ni Dormitorio. Sa mga naliliwanagang kapamilya, maaari nilang ihapag ang kaso sa demokratikong gubyernong bayan upang malitis sa hukumang bayan at gawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang berdugong AFP-PNP. ###