Papanagutin ang PNP-CIDG sa Bloody Sunday!
Naninindigan ang NDF-Rizal na dapat papanagutin ang 17 tauhan ng PNP-CIDG para sa masaker ng Bloody Sunday o COPLAN ASVAL noong Marso 7, 2021. Wasto lamang na humarap ang mga ito sa reklamo ng pamamaslang at na palalimin ang imbestigasyon sa isinagawang krimen ng AFP-PNP.
Patuloy na ipinagtatanggol ng PNP ang masaker noong Bloody Sunday bilang lehitimong operasyon laban sa illegal firearms sa kabila ng mga reklamo at ebidensya na pamamaslang ang ginawa sa siyam na aktibista sa madugong COPLAN ASVAL, at na walang batayan ang nasabing operasyon.
Sa Rizal, anim na aktibista at progresibo ang pinaslang.
Sina Mark Lee “Makmak” Bacasno at Michael “Greg” Dasigao ay mga kasapi ng SIKKAD-K3 sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal. Presidente ng organisasyon si Greg at nanguna sa pangangasiwa ng pagbibigay tulong sa mga pamilya sa SIKKAD.
Ang magkapatid na Abner at Edward Esto naman ay ipinatawag para kumuha ng ayuda ngunit pinaslang ng mga miyembro ng 80th IBPA. Tumutut ol ang magkapatid na Esto sa Wawa Dam ni Enrique Razon na itatayo sa Rodriguez at Antipolo, Rizal.
Samantala, parehong pinuntahan ng mga sundalo at pulis ang magpinsang Puroy at Randy dela Cruz. Pinalabas ang kanilang mga asawa sa mga bahay nila. Pagkaraan ng ilang sandali ay mga putok na lamang ng baril ang narinig ng kanilang mga asawa. Pagbalik sa kanilang mga tahanan, natagpuan nilang patay sina Puroy at Randy. Matagal nang lumalaban ang magpinsan para sa karapatan ng mga katutubong Dumagat at tumututol sa mapaminsalang Kaliwa Dam.
Hindi maikukubli ng AFP-PNP at ng rehimeng US-Duterte na ang Bloody Sunday ay isinagawa hindi para sa illegal firearms kundi bilang bahagi ng panunupil sa lumalabang mamamayan. Patuloy na ginagamit ang gasgas na linyang “nanlaban” upang bigyang katwiran ang extrajudicial killings at pagmukhaing mga kriminal at terorista ang mga biktima. Nais lamang ni Duterte na gawing pangkaraniwan ang pamamaslang at magpalaganap ng kultura ng takot at impyunidad.
Dapat patuloy na ipanawagan ng mamamayan ang hustisya para sa mga biktima ng Bloody Sunday. Dapat igiit ang mga reklamo at pagpapalalim ng imbestigasyon na inihahapag ng mga institusyon at indibidwal na nagtatanggol ng karapatang tao at hustisya.
Hindi man patawan ng kasong murder sa ilalim ng reaksyunaryong batas ang mga ito, hindi hahayaan ng demokratikong gubyernong bayan na mamayani ang kultura ng impyunidad. Sa ilalim nito, papananagutin ang mga berdugo sa likod ng Bloody Sunday at titiyakin na makakamit ng mamamayan ang tunay katarungan.