Papanagutin ang rehimeng Duterte sa krimen laban sa mga pambansang minorya! Igalang at ipaglaban ang karapatan sa pagpapasya sa sarili ng mga pambansang minorya!
Noong Hulyo 30, dinakip ng mga sundalo ng 203rd Brigade si Lukmay de Jesus, isang Mangyan. Tinortyur si de Jesus at matinding hirap ang dinanas niya sa kamay ng mga sundalo. Bago ito, nito lamang Hulyo 29, walang-awang pinaslang naman ng mga ahente ng estado ang kilalang lider-Mangyan na si Salvador “Baduy” dela Cruz. Si dela Cruz ay pinagbabaril hanggang sa tuluyang mamatay. Noong Marso 7, kabilang ang mga Dumagat na sina Puroy at Randy “Pulong” dela Cruz sa pinaslang sa tinaguriang ‘Bloody Sunday’. Walang awa silang pinatay ng AFP-PNP sa kanilang mga tahanan sa harap mismo ng kanilang mga kapamilya at kaanak.
Ilan lamang sila sa libu-libong biktima ng extra-judicial killings at paglabag sa karapatang tao ng pasistang rehimeng Duterte. Bukod dito, kabilang sila sa paparaming bilang na pinapatay at pinahihirapan na mga pambansang minorya sa bansa dahil sa kanilang mga pampulitikang paninindigan at mga isinusulong na pakikibaka hindi lamang sa interes ng kanilang pinanggalingang mga etnolingwistikong grupo kundi pati sa kagalingan ng mamamayan.
Target ng madugong todo-gera ng rehimeng Duterte ang mga pambansang minorya. Noong 2017, matatandaang inilunsad ng rehimeng Duterte ang kanyang gera laban sa mamamayang Moro. Sinalakay ng rehimen ang Marawi City na tahanan ng libu-libong Moro. Sa tabing ng anti-Muslim at anti-Moro na kampanyang “gera kontra-terorismo” ni Duterte, walang habas na binomba ang Marawi City ng rehimen. Winasak nila ang syudad, pinulbos nila ang mahigit 11,000 bahayan at sapilitang pinalayas ang mahigit 27,000 pamilya.
Sa Southern Tagalog, nagpapatuloy ang matinding paglabag ng rehimeng Duterte sa karapatan ng mga pambansang minorya. Sa Mindoro, ginawang lunsaran ng paparaming focused military operation at RCSPO ang mga komunidad ng mga Mangyan habang sa mga probinsya ng Rizal at Quezon, hindi na natigil ang panliligalig ng AFP-PNP sa komunidad ng mga Dumagat at Remontado. Hindi rin nalalayo dito ang nararanasan ng mga pambansang minorya sa Palawan. Paparami ang mga biktima ng pananakot, pananakit, sapilitang pagpapasuko, sapilitang pagpapalayas, iligal na pang-aaresto at pagdedetine at pamamaslang sa hanay ng mga pambansang minorya.
Sa balangkas ng ethnocentric approach ng kontra-rebolusyonaryong gera ni Duterte, binigyan ng higit na pokus ng rehimen ang mga pambansang minorya sa pamamagitan ng samu’t saring mga mapanlinlang na programa at proyektong pangkabuhayan, edukasyon at kalusugan habang papatindi naman ang panunupil sa kanila na tinutukoy ng reaksyunaryong gubyerno bilang mga pwersa ng armadong rebolusyon. Tinutukan din ng AFP ang pagrerekrut sa hanay ng mga pambansang minorya para maging mga regular na sundalo at mga ahente sa paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Malaon nang pinagsasamantalahan at inaapi ang mga pambansang minorya sa lipunang Pilipino. Patuloy silang inaagawan ng kanilang mga lupang sakahan at kinakamkam ang kanilang mga lupaing ninuno para bigyang-daan ang mga anti-mamamayan at makadayuhang proyekto gaya ng mga itatayong dambuhalang Kaliwa Dam sa Quezon at Wawa-Violago Dam sa Rizal. Kabilang din sa mga proyektong ito ang mapangwasak na pagmimina tulad ng nagpapatuloy na operasyon ng DMCI Holdings sa Mindoro, ang kapitalistang plantasyon ng palm tree sa Palawan, mga proyektong renewable energy, atbp. Kinakamkam ang mga lupain ng mga pambansang minorya at pinalalayas sila sa kanilang mga lupaing ninuno. Nito lamang Agosto, pilit na pinalalayas ang mga Dumagat na nasa Masungi Reserve sa Baras, Rizal dahil sa proyektong ekoturismo sa lugar. Patuloy rin silang nagiging biktima ng diskriminasyon na itinataguyod ng malakolonyal at malapyudal na lipunang kinakatawan ng rehimeng Duterte. Tuluyan na ring inabandona ng reaksyunaryong gubyerno ang mga pambansang minorya sa kawalan ng mga serbisyong panlipunan.
Nananatiling masaugid na ahente ng rehimeng Duterte ang National Commission on Indigenous People (NCIP) upang sistematikong supilin ang mga karapatan ng mga pambansang minorya at hatiin ang kanilang hanay. Kailanman, hindi tumutugon ang NCIP sa karaingan ng mga pambansang minorya para sa karapatan sa pagpapasya sa sarili at sa paggalang ng mga lupaing ninuno. Ito pa ang nagmistulang tagalako sa kultura ng mga pambansang minorya at mga lupaing ninuno sa mga kapitalista para sa ekoturismo at pangangamkam.
Marapat lamang na papanagutin ang rehimeng Duterte sa kanyang mga krimen at atrosidad laban sa mga pambansang minorya. Sa okasyon ng Buwan ng mga Pambansang Minorya ngayong Agosto, ibayong nananawagan ang NDFP-ST para sa pagbubuklod at pagkakaisa ng mga pambansang minorya at mamamayan upang ipaglaban ang karapatan sa pagpapasya sa sarili ng mga pambansang minorya. Matagal na itong ipinagkakait sa kanila kasama ang kanilang karapatan sa lupa at mga lupaing ninuno. Patuloy na nilalapastangan ang kanilang identidad at kultura bilang mga pambansang minorya.
Sa kasalukuyan, ang mga pambansang minorya at iba’t ibang etnolingwistikong grupo ang nagsusulong ng kanilang pakikibaka para sa lupaing ninuno at pagpapasya sa sarili sa balangkas ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kasama ang iba pang inaaping uri sa lipunang Pilipino, lumalahok sila sa digmang bayang inilulunsad ng CPP-NPA-NDFP. Itinayo nila ang kanilang mga pambansa-demokratikong organisasyon tulad ng MINDORO ng mga Mangyan, Kadumagetan ng mga Dumagat at Remontado at Supok ng mga pambansang minorya sa Palawan upang higit na pagkaisahin ang kanilang hanay sa diwa ng pagsusulong ng armadong rebolusyon at pagtatagumpay ng digmang bayan sa bansa.
Marami sa kanilang hanay ang sumasapi sa NPA, ang iba ay mga martir na ng rebolusyon habang ang kalakha’y nagpapatuloy sa landas ng armadong pakikibaka. Isinusulong nila hindi lamang ang pakikibaka ng grupo at tribu na kanilang pinagmulan kundi ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na demokrasya at ganap na kalayaan.###