Papanagutin si Gen. Parlade, AFP at NTF-ELCAC para sa paglalabas ng mga fake news at mga malisyosong pahayag
Nakikiisa ang Melito Glor Command sa panawagan ng mamamayan na dapat na papanagutin si SOLCOM Chief at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Spokesperson Gen. Antonio Parlade at ang AFP para sa pagpapakalat ng disimpormasyon, fake news at malisyosong listahan ng mga pinaparatangang mga dating sumuko at nahuling NPA na walang iba kundi mga indibidwal na walang ni anumang kinalaman sa CPP-NPA.
Desperado ang rehimeng Duterte na supilin ang rebolusyonaryong kilusan gamit ang mga panibagong kasinungalingan ni Parlade. Ang tila walang katapusang pagpapalaganap ng fake news ni Parlade ay bahagi na ng buong makinarya sa black propaganda at disimpormasyon ng AFP-PNP. Matagal na itong nakahulma sa sistema ng pasistang paghahari ng reaksyunaryong gubyerno at nainstitusyunalisa na ito sa layuning maprotektahan at mapreserba ang malakolonyal at malapyudal na lipunang kumakanlong sa kanila. Kaya kung tutuusi’y pinalubha lamang ito ng rehimeng US-Duterte sa paglala ng red-tagging sa mga indibidwal na walang anumang kinalaman sa rebolusyunaryong kilusan, pinalobong bilang ng mga pekeng suko at walang katapusang paninira sa CPP-NPA at sa nakikibakang mamamayan.
Sagad sa butó ang pagiging sinungaling ni Parlade sa mga inilalabas na malisyoso, gawa-gawa at walang-batayang pahayag. Matatandaang lansakang siniraan niya ang mga celebrity na sina Catriona Gray, Liza Soberano at Angel Locsin dahil sa pagtataguyod nila sa karapatan ng mga kababaihan at bata na itinataguyod ng GABRIELA, isang progresibong organisasyong ng kababaihan. Malisyosong binabalaan pa nya ang aktres na si Soberano at maging si Miss Universe 2018 Catriona Grey na isang kritiko ng Anti-Terrorism Law na baka marekrut sila ng NPA at matulad sa nangyari sa ibang kababaihang NPA na walang-awang pinaslang ng berdugong AFP. Upang higit na pagtakpan ang kanyang mga kabulaanan, idinawit at pilit na iniuugnay ni Parlade sa rebolusyonaryong kilusan sina Angel Locsin, kapatid na Angela Colmenares at pamangking dating kongresistang si Neri Colmenares na pinararatangan mga kasapi ng Partido at rekruter ng NPA—isang matagal nang kalakaran ng red-tagging upang maging target ng pasistang estado at mga mersenaryong ahente nito.
Pilipit na ang dila ni Parlade sa pagtatakip at pagtatagni-tagni ng kanyang mga pantastikong kwento, fake news at gawa-gawang pahayag. Ilan lamang ang mga ito sa mahabang listahan ng kanyang mga kasinungalingan sa ngalan ng kanyang desperadong krusada na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Pero kung sa usapin ng karaingan at karapatan ng mamamayan, siya at ang iba pang katulad nyang tagapagpalaganap ng mga pekeng balita ay hindi man lamang makatugon at magarantiyahan ang mga panawagan ng mamamayan para sa lupang mabubungkal, nakabubuhay na sahod, mababang presyo ng mga bilihin at abot-kayang serbisyong sosyal. Sa huli, pakitang-tao lamang at pagpapabango sa rehimeng nabubulok at sa mga batas, proyekto at programang kanilang itinataguyod na pumipinsala lamang sa buhay at kabuhayan ng mamamayan tulad ng Anti-Terrorism Law, Rice Liberalization Law at E-CLIP.
Kamakailan lamang, nalantad ang kasinungalingan ni Parlade at ng NTF-ELCAC sa pagpapakalat ng listahan ng mga napaslang sa labanan at nahuling NPA na nag-aral sa UP para suhayan ang ginagawang red-tagging at pasistang pag-aatake sa mga unibersidad. Kabilang sa nasa listahan ang tatlong buhay na buhay na prominenteng mga abogado at mga personaheng naging matagumpay sa kanilang linya ng propesyon bilang journalist, nanungkulang upisyal ng gobyerno, guro at entertainment personality. Dahil sa naging malawakan pagkundena mula sa publiko, napilitan ang AFP na tanggalin sa kanilang facebook post ang nasabing listahan. Naghugas naman ng kamay si Lorenzana sa pagsibak kay Gen Alex Luna, AFP deputy chief of staff for intelligence upang ilibre si Parlade sa pananagutan. Mistulang ginawang ‘fall guy’ si Gen. Luna para isalba si Parlade. Napuwersa ding magbakasyon at humingi ng tawad sa publiko si Gen. Benedict Arevalo dahil sa nasabing kasinungalingan.
Kahit anumang dami ng fake news at black propaganda ang ipakalat ni Parlade, ng NTF-ELCAC at ng rehimeng US-Duterte, malinaw sa mamamayan ang mga pambansa at pangmasang adhikain ng CPP-NPA kaya tinatamasa nito ang pagmamahal ng mamamayan.
Buhay na patunay ang pagmamahal ng mamamayan sa Partido at kanilang Pulang hukbo ang ibinibigay nilang hindi napapatid na suporta sa CPP-NPA bunga ng tinatamasa nilang benepisyo at tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at mga pakikibaka para sa kanilang kagalingan at karapatan. Ipinagbubunyi ng mamamayan ang bawat matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA laban sa AFP-PNP upang bigyan ng hustisya ang kanilang kaapihan. Sa mga Pulang purok, tinatamasa nila ang bunga ng pagtatatag ng mga Pulang kapangyarihang pampulitika na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang hawakan ang kanilang kapalaran. Kilala ng mamamayan ang kanilang tunay na hukbo, ang NPA, at malugod nilang tinatanggap ang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa paglaban sa sinungaling at mersenaryong AFP-PNP. ###