Para sa mga Doktor, Nars at manggagawang pangkalusugan ng Quezon
Maalab na pagbati! Ipinaabot ng buong rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ang pinakamataas na pagpupugay sa mga doktor, nars at mga manggagawang pangkalusugan na walang sawang iniaalay ang kanilang panahon, kasanayan at buhay sa kabila ng nararanasan nating hirap at sakripisyo sa panahon ng pandemya.
Sa muling pagdami ng bilang at kaso ng COVID-19 sa bansa at lalawigan naniniwala at kabahagi ninyo kami sa inyong laban upang wakasan ang pandemya at isulong ang makatwirang mga reporma sa sistema ng serbisyong pangkalusugan sa bansa at lalawigan.
Batid namin na dagdag ding pasakit at hirap ang isang pabaya at diktador na pangulo na si Digong Duterte na mas inuuna pang paramihin ang mga kagamitang militar ng AFP-PNP-CAFGU kaysa paramihin ang bilang ng doktor at nars sa bansa at itaas ang kasiguruhan sa isang ligtas at makabubuhay na sahod at benepisyo ng mga medical frontliners sa bansa.
Ang pagdami ng bilang ng COVID-19 sa lalawigan, kasabay ng pagsasara ng Vaccination Center sa Quezon National Highschool at Ob-gyne department sa Quezon Medical Center bunsod ng pagkakasakit ng 30 mga medical frontliners nitong nakaraang mga araw ay isa lamang sa ilang na mga indikasyon na hindi pa sapat ang pagtugon at lakas-tauhan ng lalawigan sa pagharap sa pandemya dulot ng kawalang prayoridad ng gobyerno na ilaan sa serbisyong pangkalusugan ang pinakamalaking pondo para rito.
Hindi rin mapapasubalian na ang kalagayang nagtulak sa kapos na lakas-tauhan sa mga pagamutan ay ang nakamamatay na sitwasyon sa paggawa at kulang na pasilidad at kagamitang medikal para sa mga doktor at nars. Kaalinsabay ng pagtitiyak na nasa maayos na kondisyon at kumpleto ang kagamitang benepisyong medikal nito.
Sa halip na pagtuunan ito ng pansin, tila kinukutya at inietsa-puwera kayo sa bawat pagkibit-balikat ng Departmenet of Health sa naantala at mabagal na pamamahagi ng Special Risk Allowance, mababang pasahod, na lalong pinalalala ng praktikang kontraktwalisasyon sa sektor ng kalusugan.
Gayunpaman, hinihikayat namin kayo na manindigan at igiit sa gubyernong Duterte ang inyong mga panawagan. Isa itong hamon sa inyong sektor na may nakapakahalagang papel sa ating lipunan.
Huwag tayong pumayag na manatiling atrasado at pangkal ang serbisyong pangkalusugan na inihahatid sa mamamayan dahil sa kapalpakan ng gubyernong Duterte. Dumugin dapat ng protesta ang DOH at singilin si Duterte sa kanyang kapabayaan at mga krimen. Ang kawalang pananagutan ng rehimen sa bawat napipinsala, nagkakasakit at namamatay na mga medical frontliners ay makatwirang dahilan natin para ipanawagan ang pagpapabagsak kay Duterte at hindi na masundan pa ang kriminal na kapabayaan ng rehimen sa mga bayani ng pandemya.
Muli, makakaasa kayo na kaagapay ninyo ang buong rebolusyunaryong mamamayan at ang NPA sa lalawigan ng Quezon sa pagsisikap na masugpo ang nakamamatay na sakit na COVID-19.