Parada ng 9 na pekeng Rebel Returnees, kinukundena ng NPA Palawan
Katakawan sa kasikatan at salapi! Ito ang tunay na dahilan kung bakit sa gitna ng krisis sa CoVid19 ay nasisikmura ng lokal na pamahalaan ni Jose Chavez Alvarez (JCA) na magparada ng mga pekeng surrenderees. Walang kahihiyang ipiniresenta ng WesCom at PPTF-ELCAC ang 9 na sibilyang di umano ay ‘nagbalik loob’ sa pamahalaan, gaya rin ito ng ginawa nila noong nakaraang Pebrero kung saan dalawang katutubong Palaw’an ang ipiniresentang NPA na ‘pagod’ na di umano sa armadong pakikibaka. Sa ilalim ng ECLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) at LSIP (Local Social Integration Program), binigyan ng tig-Ph65 libong piso ang 7 sa mga ito habang ang 2 naman ay tumanggap ng tig-Ph25 libong piso. Ang perang ito ay nagmula sa kaban ng masang Palawenyo na ngayon ay nagtitiis sa gutom at kahirapan ng buhay dulot ng pandemyang CoVid-19 at militaristang lockdown.
Bilang bagong pasistang amo sa WesCom, pagpapalapad ng papel at pagpapabango ng pangalan ang nais matamo ni Lt. General Erickson Gloria nang ipresenta nila noong ika-4 ng Hunyo sa Puerto Princesa City ang mga fake surrenderee. Hayagan nilang niloloko ang kanilang mga sarili na nakakapuntos ang JTF-Peacock laban sa rebolusyunaryong kilusan, kahit pa pauli-ulit nilang ini-extend ang di umano ay pagpulbos sa rebolusyunaryong kilusan sa Palawan. Alam na alam ni Gloria at ni JCA kung anong katangian ng mga sibilyang kanilang pinagpanggap na mga rebel returnee. Sa halip na iayuda sa mga Palawenyong–LSI (Locally Stranded Individuals) at halos pulubi na ang katayuan sa ka-Maynilaan at ibang panig ng bansa ay mas pinili ni JCA na bigyan ng ‘tulong’ ang mga tinagurian nilang ‘kalaban ng gobyerno’.
Naninindigan ang Bienvenido Vallever Command (BVC) na ang 9 na sibilyang ipineresenta ng WesCom ay hindi mga kasapi ng NPA bagkus ay mga sibilyang walang kaugnayan sa rebolusyunaryong kilusan. Hindi na magtataka ang BVC kung ginamitan sila ng pananakot at presyur upang mapapayag na magpanggap bilang mga rebel returnee. Oportunistang linta ang WesCom at PPTF-ELCAC na sinasamantala ang kawalang hanapbuhay at paghihikahos ng mga Palawenyo upang makasipsip ng pondo sa kaban ng mamamayan. Magkano kaya sa diumanong tinanggap na pondo ng mga pekeng surrenderee ang napunta sa bulsa ng mga upisyal ng WesCom, PTF-Peacock at PPTF-ELCAC?
Nanawagan ang BVC sa masang Palawenyo na huwag magpagamit sa mga buktot na intensyon ng PPTF – ELCAC, itindig ang kanilang dangal bilang tao upang hindi maging gatasang baka ng mga korap na opisyal ng AFP-WesCom/JTF-Peacock at ng PPTF-ELCAC. Dapat ng itigil ni JCA ang kanyang kahibangang PPTF-ELCAC at ituon na lamang ang pansin sa pagsasaayos ng kabuhayan ng masang Palawenyo na matagal nang umaalma laban sa mga dayuhang minahan at plantasyon, sa malabis na kagutuman at matinding kahirapan na pinapasan na higit na pinag-ibayo pa ng pandemyang Covid-19.
Mabuhay ang Sambayanang Lumalalaban!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Rebolusyon!