Parangal Kay Ka Jovan
Ipinaaabot ng Komiteng Tagapagpaganap ng Rehiyong Bikol (KTKR-BK) sa kapamilya’t kaibigan ni Antonio “Ka Jovan” Abadeza ang pakikiisa sa pagdadalamhati at pinakamataas na pagpupugay ng buong rebolusyonaryong kilusan ng Bikol sa kanyang buhay at pakikibaka. Patunay ang pagpaslang sa kanya ng reaksyunaryong estado, ang marahas na pagpapatikom ng kanyang bibig, ng kawastuhan ng kanyang ipinaglalaban. Patunay ang pangangalit ng masang Albayano sa kanyang pagkamartir ng kanyang makatarungang mithiin para sa lipunang Pilipino.
Ipinanganak si Ka Jovan noong Pebrero 9, 1965. Namulat sa abang kalagayan ng isang pamilyang maralitang magsasaka, saksi si Ka Jovan sa pagkakait ng iba’t ibang rehimeng kanyang kinalakhan sa mga batayang karapatan sa buhay at kabuhayan ng kanyang kapwa magsasaka. Hindi nakapagtatakang sa ganitong kalagayan, naipunla sa kanilang pamilya ang rebolusyonaryong diwa. Aktibo si Ka Jovan sa pag-oorganisa sa kanilang lugar bilang timlider ng lihim na organisasyon ng Kabataang Makabayan. Hindi naglaon, dalawa silang magkapatid na nagpasyang sumampa sa hukbo. Ang kanyang kapatid na si Enrique ‘Ka Chad’ ay nag-alay din ng kanyang buhay para sa sambayanan. Siya ay nasawi sa isang labanan sa pagitan ng kanilang yunit at ng 42nd IBPA sa Libmanan, Camarines Sur noong 2004.
Hindi na nakatuntong ng hayskul si Ka Jovan. Ngunit hindi ito naging sagka sa kanyang pagsisikap na bigyang kalutasan ang mga suliranin ng masang anakpawis. Sa halip, naging hamon ito sa kanya para higit na pag-aralan ang lipunang Pilipino. Naging ganap siyang kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1989. Hitik sa batayang mga pag-aaral at kursong Pampartido ang kanyang pang-ideolohiyang pagpupundar. Isa si Ka Jovan sa mga naging estudyante ng ng Abanteng Kursong Pamapartido noong 2020. Noong 2016, isa naman siya sa mga nagsanay sa Abanteng Kursong Pang-upisyal. Nitong mga nagdaang taon, nang ilunsad sa rehiyon ang Abanteng Pagsasanay sa Paniktik, isa rin siya sa napiling delegado. Sa lente ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagsasapraktika nito sa kongkretong kalagayan ng kanyang eryang kinikilusan, mabilis na nagamay ni Ka Jovan ang pagpapakahusay sa mga gawain bilang isang komunista at Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa ilalim ng kolektibong pamumuno at paggabay sa iba’t ibang antas ng komite ng Partido–mula sa noo’y Komiteng Seksyon sa Platun (KSPN) hanggang sa maging kagawad ng Kalihiman ng larangang sumasaklaw sa 2nd District ng Albay–ginaod ng kanilang yunit ang balisbisan ng sentrong lunsod ng Legaspi City. Kasama ng buong yunit, isinapuso ni Ka Jovan ang kagalingan at kapakanan ng masa sa paglulunsad ng mga kampanya at repormang agraryo laban sa iba’t ibang mukha ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala.
Taong 2016 nang maihalal siya bilang kagawad ng Komiteng Rehiyon (KRBK). Bilang kagawad ng KRBK, buong sikap niyang tinugunan ang mga hamon sa pagpapalakas ng Partido at pagsasanay ng mga bagong kadre sa iba’t ibang linya ng gawain sa eryang kanyang kinatatalagahan.
Dahil sa mahusay na paggampan ng kanyang mga gawain bilang Pulang hukbo, naging bahagi si Ka Jovan ng istruktura ng kumand na nagplano at nagpatupad ng mga taktikal na opensibang nagkamit ng maniningning na tagumpay laban sa pasistang hukbo ng reaksyunaryong gubyerno. Ilan sa mga taktikal na opensib ang ito’y mahusay na naparusahan hindi lamang ang mga simpleng elementong mersenaryo kundi maging mga upisyal militar at utak ng pandarahas sa mamamayang Albayano. Naging komprehensibo ang kanyang karanasan sa iba’t ibang tipo ng gawaing militar tulad ng ambus, reyd at gawaing partisano. Bilang kagawad ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon (ROC), bahagi si Ka Jovan sa pagpapahusay ng taktikang gerilya ng lahat ng yunit ng hukbo sa rehiyon.
Dahil sa tangang karanasan at kasanayan sa pakikidigmang gerilya, likas na kalmado si Ka Jovan sa mga labanan. Ang mga aral–kapwa negatibo at positibo–ay masigla ngunit masinsin niyang naibabahagi sa pagtalakay ng mga taktikang militar ng kanilang yunit at iba pang pulang mandirigmang palagiang na
kahandang magsanay. Mapagkumbaba siya kaya madali niyang mahamig ang mga nakababatang kadre sa mga talakayan at huntahan. Sa katunayan, maging sa panahon ng BKO, kung saan magkakasamang nagsasanay ang mga beterano nang maituturing na mga kumander at mga nakababatang upisyal, makikita sa kanya ang kapursigehang pagyamanin pa ang kanyang kaalaman at matuto sa iba’t ibang karanasan ng mga kasama.
Tulad ng iba pang mga kasama, nagkaroon ng ilang kahinaan si Ka Jovan. Sa mga unang taon ng kanyang buhay bilang mandirigma ng BHB, may halos isang taon ding tumigil siya sa paggampan bilang pultaym na Pulang Hukbo. Ngunit sa kanyang pagbabalik, tuluy-tuloy na ang kanyang naging paggampan. Nitong mga nagdaang taon, nagkaroon siya ng pisikal na limitasyon dahil sa pag-atake ng kanyang hypertension hanggang nagresulta ito sa mild stroke. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin si Ka Jovan sa landas ng pakikibaka.
Inagaw man ng karahasan ng estado si Ka Jovan sa piling ng kanyang tatlong naiwanang anak at malawak na pinagsisilbihang mamamayang Albayano, mananalaytay sa mga kwento ng pagbangon at paghihimagsik ang kanyang pagkabayani. Makakaasa ang kanyang pamilya’t kaibigan na ipagpapatuloy ng ilang henerasyon ng komunista’t Pulang hukbong sinanay ni Ka Jovan ang kanyang pangarap na makatarungang bukas para sa lipunang Pilipino.