Parangal para kay Kerima “Ka Akira,Kyla” Tariman
Read in: English
Mapulang Saludo ang nais ipaabot ng Tomas Pilapil Command sa kabayanihan ni Kasamang Kyla! Ganyundin, ipinararating namin ang aming lubos na pakikiramay sa kanyang pamilya’t mga kaibigan.
Tulad ninyo, hindi masukat ang galit na aming naramdaman sa pagkamatay ni Ka Kyla sa kamay ng mga berdugong militar sa Negros nitong Agosto 20. Ngunit ang kanyang pagkawala ay tiyak namang daragdag sa malaon nang pagngangalit ng libu-libo pang masang inaapi na nakadaupang palad, tinuruan, inorganisa at minulat ni Ka Kyla hindi lang sa Negros kundi maging dito sa Kabikulan kung saan siya namalagi mula 2008 hanggang 2010.
Sa aming larangan sa East Camarines Sur kumilos si Ka Kyla bilang mahusay na kasama. Mula sa Sorsogon kung saan siya unang kumilos, linipat si Ka Kyla sa Camarines Sur at lumahok sa gawaing masa sa mga bayan ng Calabanga,Tinambac, Goa, Lagonoy, Garchitorena, Presentacion at Caramoan.
Madali siyang napalapit sa puso ng masa. Namulat ang ‘di mabilang na masa sa mahusay niyang pagbibigay ng mga pag-aaral. Hindi rin matatawaran ang malaking tulong na kanyang ibinigay sa pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa.
Tinuklas niya ang buhay hukbo at Partidista sa tanglaw ng itinuturo ng MLM. Nariyan ang matapang na pagsagot sa mga bala ng kaaway sa dalawang kubkob na dinanas ng yunit na kanyang kinabilangan. Matapos ang isang engkwentro, nahiwalay siya sa kanyang yunit. Sa paglalakad ay may nasumpungan siyang masa. Dahil hindi alam ng masa na siya ay kasama at siya’y isang estranghero, hindi siya inasikaso nito. Bagamat ganoon ay nagpasalamat siya sa sandaling pagpapatuloy nito sa kanyang bahay at naglakad hanggang makaregroup sa yunit na nagpapahanap na rin sa kanya. Dito siya nakapag-ulat ng nangyari sa kanila.
Masipag, alerto at mapagbantay din si Ka Kyla. Sa mga hindi niya nauunawaang mga bagay, ginamit niya ang kapangyarihan ng kanyang mga kataga’t likha. Isinulat niya at isinadokumento para sa kolektibong pagsusuri ang kalagayan, mga napapansing kahinaan at pagpapaunlad sa ipinatutupad na rebolusyonaryong agraryo sa mga lugar na kanyang kinilusan. Malaki ang iniambag ng kanyang mga pagsasaliksik sa pag-abante ng mga rebolusyonaryong gawain ng prubinsya. Ang kanyang bukas at kritikal na pagsipat sa kalagayan ay nakapag-ambag sa pagpapaunlad ng praktika ng paggpapalakas ng kilusang masa. Bagay na patuloy na ginagawa at pinakikinabangan ng masang Bikolano magpasahanggang ngayon.
Hinding-hindi makakalimutan ng mga Bikolano ang malaking kontribusyong ibinigay ni Ka Kyla sa rehiyon ng Bikol. Isang Bikolanong, nagbahagi ng kanyang talino, talento at galing sa lupang kanyang tinubuan at iba pang bahagi ng bansa para sa pag-unlad ng pambansang rebolusyonaryong kilusan.
Asahan ni Ka Kyla na higit pang palalakasin ng mga Camarines Sureño ang kanilang hanay kasama ng iba pang mamamayan sa bansa upang hindi magwagi ang pasista at pahirap na rehimen na magupo ang rebolusyonaryong kilusan. Mananatili sa aming mga puso ang kanyang mga turo, tagubilin, pagmamahal at walang imbing paglilingkod. Ito ang aming ehemplo sa bawat araw na kami ay nag-aaral at nagsasapraktia ng MLM upang makamit ang pangarap nating lahat na tunay na kalayaan, kapayapaan at kaunlaran.