Parusahan ang mga magnanakaw at mandarambong sa pondo ng bayan! Ibagsak ang pangunahing korap at mandarambong na si Duterte!
Sukdulan na ang pagkagahaman sa salapi at yaman ni Duterte. Hindi pa siya nasapatan sa kanyang mga nakukurakot na limpak-limpak na salapi sa pondo ng bayan at mula sa suhol at kikbak sa mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng kanyang Build,build,build projects. Ang bilyun-bilyong pondong nakalaan naman sa paglaban sa pandemyang Covid-19 ang pinuntirya ng pandarambong ni Duterte at ng kanyang mga alipures. Ginawa nila ito sa isang planado at orkestradong paraan ng pandarambong sa pondong nakalaan sa DOH para sa pambili ng mga medical supplies and equipments at iba pang pangangailangan sa programa ng DOH para sa pagsugpo at paglaban sa Covid-19.
Ang salaping nakukurakot ni Duterte, lalo na sa pondong nakalaan sa paglaban sa pandemya, ay gagamitin sa darating na halalan sa Mayo 22 para mailuklok sa kapangyarihan ang kanyang binasbasang mga kandidato sa eleksyong presidensyal sa Mayo 2022. Nag-iilusyon si Duterte na kapag nanalo siya sa pagka-Bise Presidente ay hindi siya maaaring makasuhan habang naninilbihan. Kumpyansa si Duterte na mauulit ang “otso-diretsong” pagkatalo ng oposisyon sa nakaraang eleksyon dahil hawak nito ang sistematikong makinarya sa pandaraya at manipulasyon ng resulta ng botohan.
Sinusuportahan ng NDFP-ST ang lumalakas na panawagan ng bayan na panagutin si Duterte at mga kasabwat sa malawakang korapsyon sa gubyerno. Si Duterte ang utak at nasa likod ng planado at orkestradong pandarambong sa bilyon-bilyong pondo ng bayan lalo na sa pondong inilaan sa paglaban sa Covid-19. Marapat lamang na imbestigahan, usigin at papanagutin ang lahat ng mga opisyal na sangkot sa mga isinawalat ng Commission on Audit (COA) na mga kaso ng maanomalyang paggastos at paglabag sa mga patakaran sa paggamit ng pondo ng bayan. Pangunahin sa mga dapat parusahan si Duterte at kanyang mga alipures na pasimuno ng burukratikong korapsyon at tagapagtanggol ng mga tiwali. Ang kanilang kasakiman ang dahilan ng pagkakait ng ayudang pang-kagipitan at karapatan sa serbisyong panlipunan sa milyun-milyong pamilyang Pilipino.
Labas kay Duterte, malaki ang pananagutan ng mga administrador ng mga ahensyang tinukoy ng COA na hindi nagmaksimisa ng pondo tulad ng Department of Health (P67.3B) at Department of Agriculture (P9.8B). Nagresulta ito sa pagkakait sa mga health workers ng kanilang benepisyo at kawalan ng ayuda para sa mga maralitang magsasaka. Kailangan ding panagutan ng DepEd ang mga deficiency sa paggamit sa P8.14 bilyong pondo ng Basic Education Learning Continuity Plan sa harap ng mga reklamo sa pagpapatupad ng blended learning.
Lalong dapat busisiin ang pinaggastusan ng P5 bilyong pisong pondong inilipat ng Technical Education and Skills Development Authority sa 15 pang-rehiyong opisina nito at P41 bilyong ibinigay ng DOH sa Procurement Service-Department of Budget and Management (DBM) para sa pagbili ng mga suplay sa pagtugon sa COVID-19. Dapat ding imbestigahan ang mga hindi naipamahaging pondo sa ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration, Land Transportation and Franchise Regulatory Board at Department of Labor and Employment.
Malinaw sa datos ng COA ang mga maanomalyang ulat pampinansya ng mga ahensya ng gubyerno sa paggamit sa badyet. Nakakainsulto sa publiko ang lantarang panloloko. Sa likwidasyon ng pondo, lumabas na namili ang mga ahensya ng mga gamit medikal at pati mga computer sa mga hardware store, ibinibigay ang alawans ng mga health workers sa mga taong hindi nagtatrabaho at malaking kabulastugan ang nagpapa-catering ng pagkain para sa mga virtual na pulong. Nabisto rin ang iregular na sistema ng pasahod sa tatlong malalaking ospital, kabilang ang Ospital ng Palawan, at Culion Sanitarium and General Hospital ng MIMAROPA.
Umaalingasaw ang kabulukan at pagkaganid sa pera ng mga pinuno ng NTF-ELCAC na nakulangan pa sa pondo ng ahensya na P19.1B at nangingialam sa paggamit ng pondo ng mga ahensyang TESDA, DSWD at National Commission on Indigenous Peoples. Itinatago sa mga walang kwentang aktibidad na workshop, pekeng livelihood grant at pabuya sa “pagsuko” ang ibinubulsang pera ng mga berdugong heneral na utak ng anti-komunistang task force.
Walang pagsidlan ang galit ng taumbayan sa kawalanghiyaan ng rehimen na kurakutin ang pondo sa gitna ng pandemya at kasalatan ng mayorya.
Matindi ang kahingian na itulak ang imbestigasyon at pag-uusig sa mga kaso ng korapsyon kahit sa balangkas ng reaksyunaryong batas. Gumugulong na sa Senado at Kamara ang mga pagdinig at imbestigasyon sa maanomalyang paggamit ng bilyun-bilyong pondo ng DOH sa paglaban sa pandemya. Sa Senado, nalantad ang partisipasyon ng sindikatong Davao Boys tulad ni dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao na dating pinuno ng Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS) sa pagbili ng overpriced na face mask at face shields sa isang bagong katatayong kumpanya noong 2019 na Pharmally Pharmaceuticals na may starting capital lamang na 625,000 pero nakakopo ng 8.68 Bilyong proyekto mula sa gubyerno sa pamamagitan ng DBM-PS. Nabunyag din sa Senado na ang Chairman of the Board ng Pharmally Pharmaceutical Company na si Huang Tzu Yen ay kilalang may kaugnayan kay Michael Yang na dating Economic Adviser ni Duterte. May mga larawan at footage na ipinakita sa Senado na magkakasama sina Duterte, Go, Yang at may-ari ng Pharmally na si Mr. Huang.
Ayon naman sa bagong ibinunyag ni Senador Hontiveros, si Huang Tzu Yen at ang kanyang tatay na si Huang Wen Lieh na may-ari naman ng Pharmally International Holding Company Limited ay mga wanted sa Taiwan sa mga kasong securities fraud, stock manipulation at embezzlement. Ang nakababatang Huang ay may ari din ng Pharmally Biological na kabilang sa mga incorporators ay sina Rose Lin at Gerald Cruz. Ang dalawa, ayon sa ulat, ay mga incorporators din ng Philippine Full Win Group of Companies na ang chairman ay si Michael Yang.
Samantala si Zheng Bingqiang, Chairman ng Xiamen Based Full Win Group of Companies at malapit na kasosyo ni Michael Yang ay wanted din sa Taiwan sa katulad na kaso ng mga Huang, dagdag ni Senador Hontiveros. Binanggit din ng Senadora na noong 2015, si Yang at Zheng ay inikot pa si Duterte (noon ay Mayor pa ng Davao City) sa opisina ng Full Win Group of Companies sa Xiamen, China.
Lumilinaw sa imbestigasyon sa Senado na may kinalaman si Duterte at Senador Go sa maanomalyang pagbili ng mga medical supplies sa Pharmally Pharmaceuticals kung saan ang mga may-ari ay malalapit sa kanilang dalawa.
Subalit hindi maaaring magkampante ang bayan. Ang kasalukuyang pagbabantulot ni Ombsudsman Samuel Martires na patawan kahit man lang ng pansamantalang suspensyon ang nuknukan nang sinungaling na si DOH Sec. Francisco Duque III ay tanda ng absolutong proteksyon ng rehimen sa kanyang mga tauhan. Higit pa rito, tigas-mukhang ipinagtatanggol ni Duterte si Duque habang sinisindak ang COA na gumagawa lang ng trabaho nito. Pangitang natatakot ang naghaharing pangkatin na ang pagpapanagot sa isa ay maaaring humantong sa pagpapanagot sa lahat, kabilang ang punong kurakot na si Duterte.
Upang matiyak na magbabayad ang mga gahaman, kailangang ipamalas ng taumbayan ang kanilang matinding pagnanais para sa hustisya. Hindi dapat tantanan ang panawagan para sa pagpapatalsik kina Duterte, Duque at kanilang mga kasapakat. Abutin ang lahat ng pwersang panlipunan na galit sa mga kurakot at maging mapanlikha sa pagpapakilos sa malawak na kilusang kontra-korapsyon sa mga lansangan, social media, korte at iba pang larangan. Huwag magpakupot sa mga ligal na balakid at tandaang sa kasaysayan, mamamayan ang naghatol na guilty sa mga notoryus na magnanakaw tulad ng pamilyang Marcos, Gloria Arroyo at si Joseph Estrada.
Umiigting ang panlipunang ligalig sa mga nalalabing buwan ni Duterte bunsod ng pagkakalantad ng kahindik-hindik na kurapsyon sa gitna ng pandemya at malaganap ng kahirapan ng bayan. Lumalawak ang kilusang masa para sa pagpapanagot at pagpapatalsik kay Duterte. Higit na nahihiwalay ang kinamumuhiang paksyong Duterte kaya’t desperado itong nangangapit-tuko sa kapangyarihan. Marapat na kumilos ang lahat ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa upang buklurin ang buong bayan at tipunin ang lakas na magbabagsak sa numero unong kaaway ng sambayanang Pilipino—ang mandarambong na rehimeng Duterte.###