Pasiglahin ang kilusang paggawa at ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Nagpupugay ang Communist Party of the Philippines (CPP)-ST at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa uring manggagawa at masang anakpawis sa buong mundo ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Nilantad at pinabilis ng pandemyang COVID-19 ang kabangkarotehan ng neoliberal na patakaran ng imperyalismo na sumasalanta sa buhay ng mga manggagawa. Sa gitna ng pandemya, dumaraming manggagawa ang nawalan ng trabaho na umabot sa 144 milyon sa buong daigdig. Nagsara ang maraming mga pabrika habang ang iba nama’y maramihang nagtanggal ng mga manggagawa. Bahagi ito ng pagsisikap ng mga kapitalista para patuloy na makapagkamal ng tubo at magkonsentra ng kapital sa kamay ng iilan. Sa ganito kailangang ibayong palakasin ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka at ipaglaban ang kanilang karapatan sa paggawa.
Sa Pilipinas, ang mga manggagawa ang isa sa mga pinakaapektado ng pandemyang COVID-19. Isinugal ni Duterte ang kanilang buhay sa pagluluwag ng lockdown nang hindi tiniyak ang kanilang pagbabakuna at kaligtasan sa pook-trabaho. Sapilitan silang pinatatrabaho nang walang sapat na proteksyon sa kalusugan at napakasamang kundisyon ng sanitasyon sa kanilang pook-trabaho. Kasabay pa nito ang pagbibingi-bingihan ng rehimen na ipagkaloob ang dagdag na sahod, hazard pay, kaseguruhan sa paggawa at sapat na suportang medikal.
Hindi na maabot ng mga manggagawa at malawak na mamamayan ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Pinapasan pa nila ang mataas na singil sa buwis bunsod nang walang pakundangang tasasyon at pagsasapribado ng rehimen sa serbisyong panlipunan at pampublikong utilidad. Wala ipinagkakaloob si Duterte na umento sa sahod sa mga manggagawa mula pa noong Nobyembre 2018.
Sa kabilang panig, patuloy na nagpapasasa sa yamang likha ng produktibong paggawa ang mga dayuhang kapitalista at kroni ni Duterte habang lalong pinahihirapan ang mga manggagawa. Labis-labis na pabor ang pinagkaloob ni Duterte sa malalaking negosyo. Binaba niya ang buwis sa mga korporasyon at nagbibigay pa ng insentibo sa mga dayuhang kapitalistang inaasahang mamumuhunan sa bansa. Binukas niya ang bansa sa mga dayuhang korporasyon ng mina para malayang dambungin ang likas na yaman nito. Tiniyak niya rin ang pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura na magsisilbi sa negosyo ng mga imperyalistang bansa laluna ang China.
Ginamit ng rehimen ang COVID-19 upang maipataw ang kanyang pasistang diktadura. Isinabatas niya ang Anti-Terror Law para supilin ang lahat ng lumalaban at nagpoprotesta. Target din ang mga manggagawa sa anti-komunistang gerang inilulunsad ng NTF-ELCAC. Tinatakot, hinaharas at ni-re-red tag ng rehimen ang mga militanteng unyon ng mga manggagawa. Pinapaslang ang lider-manggagawa at kasapi ng mga militanteng unyon. Sa Timog Katagalugan, pinatay ng estado ang siyam na aktibista, kabilang ang lider-manggagawa na si Emmanuel Asuncion sa Bloody Sunday noong Marso 7, at si Dandy Miguel noong Marso 28. Noong nakaraang taon, tinipon ng AFP-PNP ang mga manggagawa ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna at ipinarada bilang mga “sumukong NPA”.
Sa harap nito, nararapat na tumindig ang mga manggagawa at makibaka para sa karapatan sa disenteng trabaho at kabuhayan, nakabubuhay na sahod, proteksyon sa pook-trabaho at demokratikong karapatan. Marapat nilang ipaglaban at igiit ang karapatan sa pag-uunyon, umento sa sahod, regularisasyon at ligtas na kondisyon sa paggawa. Dapat silang makipagkaisa sa malawak na mamamayan upang igiit ang kagyat at sapat na ayuda sa harap ng pandemya at abot-kayang serbisyong panlipunan. Kailangan nilang makipagkapit-bisig sa mga magsasaka, kababaihan, kabataan, propesyunal at iba pang api’t pinagsasamantalahang uri at sektor sa lipunan upang panagutin at ibagsak ang inutil, traydor at teroristang rehimeng Duterte.
Sa harap ng walang katulad na krisis panlipunan, kailangang patibayin at palakasin ang hanay ng uring manggagawa at pumalaot sa unahan ng pakikibaka ng bayan para sa kalayaan at demokrasya. Palawakin ang kilusang unyon at palawakin ang kilusang welga para isulong ang mga pakikibakang pang-ekonomiya ng masang manggagawa.
Makatarungan ang kahilingan ng mga manggagawa na P100 dagdag sahod sa harap ng sumisirit na implasyon. Samantala, sa mga pagawaang nagsara at nagpatupad ng mass layoffs, mahalaga ang kanilang pagbubuklod upang igiit sa mga kapitalista ang nararapat na kompensasyon. Dapat pangunahan ng mga manggagawa ang mga protesta sa kalunsuran para singilin si Duterte at ang mga amo nitong imperyalistang US at China.
Palawakin ang kasapian ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU). Pataasin ang pampulitikang kamulatan ng mga manggagawa at ipalaganap ang sosyalistang edukasyon. Ipaunawa sa kanilang hanay ang kahalagahan ng paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon bilang natatanging solusyon sa lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Buuin at palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa. Ang PKP ang partido ng proletaryong Pilipino na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Wastong pinamumunuan nito ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Maramihang tumungo sa kanayunan upang pamunuan at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at tiyakin ang pagtatag ng sosyalistang estado.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!