Pasismo at panlilinlang sa mamamayan, tampok sa eleksyon 2019 Palaparin ang nagkakaisang prente upang ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Todo-larga na ang makinarya ng reaksyunaryong estado upang tiyakin na magsisilbi ang eleksyon 2019 sa pagkonsolida sa kapangyarihan ng rehimeng US-Duterte sa gitna ng lumalakas na kilusan ng mamamayan para patalsikin ito sa kapangyarihan. Mula sa garapalang pag-eendorso ng mga kandidato ng pangkating Duterte, paninira sa mga katunggali sa pulitika, at panggigipit sa mga progresibo, lantad na lantad ang reaksyunaryong eleksyon bilang instrumento ng naghaharing-uri upang palawigin ang kanilang paghawak sa kapangyarihan sa pulitika.
Sa harap nito’y hinahamon ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na maksimisahin ang eleksyon 2019 sa paglalantad at paghihiwalay sa rehimen, pagsusulong ng mga pakikibakang masa at pagpapalawak ng anti-Duterteng nagkakaisang-prente. Panahon rin ito ng pag-abot at
pagbubuo ng iba’t ibang anyo ng ugnayan at pakikipagtulungan sa lahat ng progresibo at positibong pwersa upang mapalakas ang rebolusyonaryong inisyatiba at mapahina ang pangunahing kaaway ng mamamayan, ang rehimeng US-Duterte.
Pursigido ang rehimen na iluklok sa kapangyarihan ang lahat ng tagasunod ni Duterte ngayong eleksyon. Walang kahihiyan si Duterte at ang anak niyang si Sara sa pangangampanya para sa mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago at PDP-Laban kahit na ipinagbabawal ito ng reaksyunaryong batas. Tumatayo na silang mga campaign managers na inuuna pa ang pangangampanya sa halip na tugunan ang hinaing ng mamamayang sinasalanta ng iba’t kalamidad tulad ng tagtuyot at lindol sa gitna ng lumulubhang krisis pang-ekonomya.
Garapalang binabantaan ni Duterte ang mamamayan at masang botante na mananagot sa kanya kapag natalo ang mga kandidato ng Hugpong tulad ng ginawa nyang pagbabanta sa kampanya nng Hugpong sa Biñan, Laguna. Sa Mindanao, sinusuhulan ni Sara Duterte ng malaking pabuya ang mga kapitan del baryo kapag ma-zero ang boto ng mga progresibong POPL at kandidato ng Makabayan-bloc.
Nagpapakana ang rehimen at mga operador sa say-ops ng AFP na siraan ang mga progresibong kandidato at oposisyon sa pamamagitan ng red-tagging at kampanyang demonisasyon. Ginigipit at binabantaan ng AFP at PNP ang mga lider at miyembro ng mga progresibong partylist at mga tagasuportang organisasyon ng ligal na demokratikong kilusan. Matingkad ang pagsupil ng rehimeng US-Duterte sa kalayaan sa pamamahayag na nararanasan ng mga taong media para pagtakpan ang mga tunay na pangyayari sa bansa. Inilalagay din ang maraming bayan sa
election hotlist at pinapakatan ng dagdag na tropa ng AFP at PNP sa layuning manipulahin ang resulta ng eleksyon.
Maling inaakala ng rehimen na magagamit ang ni Duterte popularidad na naging puhunan sa eleksyong presidensyal noong 2016. Matapos ang halos tatlong taon sa kapangyarihan, ganap nang nahubaran si Duterte bilang tuta na naninikluhod sa imperyalistang US at China, sagadsaring pasista, korap at inutil para paunlarin ang buhay ng mamamayan. Ang mga kandidatong nakadikit kay Duterte ay may mahabang rekord ng pandarambong sa kabangyaman ng bayan at nakaririmarim na rekord sa paglabag sa karapatang pantao. Kapag nahalal, buong pagkatutang isusulong nila ang mga anti-demokratikong pakana na palawigin pa
ang Martial Law sa Mindanao at ipataw ang batas militar sa buong bansa sa pamamagitan ng charter change at pederalismo. Pasasahulin pa ang pagpapatupad ng mga anti-mamamayang batas tulad ng TRAIN, Rice Tarrification at iba pang neoliberalistang iskema na pahirap sa mamamayang Pilipino.
Handang-handa na ang mga kaalyado ng pangkating Duterte na gawin ang lahat ng pandaraya at maniobra sa eleksyon. Bumabaha na ang limpak-limpak na salaping pambili ng boto. Kasama sa mga pangunahing makikinabang dito ang mga kurakot na opisyal ng AFP-PNP-CAFGU na
instrumento ng mga pulitiko sa pananakot at pandarahas sa kanilang mga kalaban at sa mamamayan.
Malinaw sa itinatakbo ng kampanyahan sa eleksyon 2019 na diktadura, hindi demokrasya, ang tunguhin ng midterm elections. Inilalatag na ni Duterte at AFP ang kundisyon para muling ipataw ang batas militar sa buong bansa. Malinaw ang kamay ng militar sa mga nagaganap na
sunod-sunod na teroristang pagpapasabog ng bomba sa Mindanao na pinalalabas na gawa ng ISIS. Dapat ilantad at hubaran ang maitim na pakanang ito sa pagpapaliwanag sa mamamayan at gawing tuntungan sa pakikipag-alyansa sa mga panggitnang pwersa at mga reaksyunaryong
kontra-Duterte. Sa gayon ay ganap na maihihiwalay si Duterte at ang kanyang mga kakampi mula sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan at mapabibilis ang pagpapabagsak sa kanyang rehimen.
Kasabay ng pagpapalapad ng prenteng anti-pasista at kontra-Duterte ang pagpapaigting ng mga pakikibakang masa hinggil sa mga batayang kahilingan ng mamamayan at pagpaparami ng mga saligang organisasyong masa sa kanayunan at kalunsuran. Ang solidong organisasyon ng mamamayan at masiglang pakikibakang masa ang magpapakita ng lakas ng rebolusyon na susi sa paghamig sa mga panggitna at alyadong pwersa. Titiyakin nitong mangingibabaw ang interes ng mamamayan at ang pambansa-demokratikong adhikain sa sambayanan sa mga mabubuong alyansa.
Walang kabutihang idudulot sa mamamayan ang walang saysay na paligsahan ng mga pulitiko at binaluktot na demokrasyang pangako ng eleksyon. Rebolusyon ang tanging maaasahan ng mamamayan para kamtin ng tunay na kalayaan at demokrasya–at tiyak ang tagumpay nito,
anuman ang kahinatnan ng eleksyon 2019. ###