Pasismo ng estado, dagdag-pahirap sa masang sinalanta ng bagyong Tisoy

 

Tiyak na magkukumahog na naman ang hanay ng AFP-PNP-CAFGU sa pagbabawal sa mga progresibo at makabayang organisasyon, taong-simbahan, kagawad ng midya at iba pang indibidwal na magbigay ng tulong at magsagawa ng kani-kanilang relief missions sa mga komunidad na sinalanta ng Bagyong Tisoy. Litaw na litaw ang pagiging utak-pulbura ng mersenaryong hukbo – wala nang ibang inisip kung hindi ang kanilang kontramamamayang gera. Sa harap ng mga kalamidad, nakukuha pa rin nilang unahin ang kanilang red-tagging at panunugis sa ilang mga organisasyon. Hindi na pagtatakhan kung muli silang magpahayag na ilang otorisadong organisasyon lamang ang maaaring magsagawa ng relief missions tulad ng ginawa nilang pagpigil sa mga nais tumulong sa nasalanta ng serye ng mga lindol nito lamang Oktubre 16-31 sa Mindanao. Gagamitin din ng militar at pulis ang pagkakataong ito upang makapanggalugad ng mga komunidad at higit pang maisagasa ang kanilang mga operasyong militar.

Sa labis-labis nilang takot sa rebolusyonaryong kilusan, maging ang pagkakawanggawa ay itinutumbas na sa komunismo. Kakarampot na nga ang tulong na kayang ibigay ng gubyerno, pagbabawalan pa ang mamamayan na tumulong sa kanilang kapwa. Ito ang delubyong higit pa sa anumang kalamidad na hatid ng pasistang rehimeng US-Duterte.

Hindi rin nakatitiyak ang mamamayan na makararating sa mga nasalanta ang kanilang tulong kung ang mga otorisadong ahensya lamang ng gubyerno ang mangangasiwa. Makailang ulit na ring yinanig ang bansa ng mga balita ng korupsyon sa mga relief packages na pinamahalaan ng gubyerno at paanong ang natipong donasyon mula sa mamamayan ay sinasarili at ginagamit ng mga pulitiko para sa kanilang mga pulitikal na adyenda.

Nananawagan ang Romulo Jallores Command BHB-Bikol sa lahat ng masang Pilipino na buong tatag na labanan ang pasismo ng rehimeng US-Duterte. Marapat lamang na hindi mapigilan ng anumang red-tagging, pamamaratang, pananakot at panunugis ang pagtulong sa kapwa masang inaapi at pinagsasamantalahan.
Gayundin, ipinapanawagan sa lahat ng yunit ng hukbo ang patuloy na pagtulong sa mga nasalanta ng Bagyong Tisoy sa kani-kanilang eryang saklaw. Wala mang maasahan ang masa mula sa inutil at pasistang rehimeng US-Duterte, tiyak na makababangon ang mga komunidad sa masiglang pagtutulungan ng masa at ng kanilang tunay na hukbo.

Pasismo ng estado, dagdag-pahirap sa masang sinalanta ng bagyong Tisoy