Pasismo sa Ilalim ng rehimeng Duterte
Ang rehimeng Duterte ay isang pasistang estado na may manipis na tabing. Tangan ang halos absolutong kapangyarihan, ginagamit ni Duterte ang kanyang militar at pulisya bilang kanyang mga armadong ahenteng tagapagpatupad ng kanyang mga dikta. Ginagamit niya ang antikomunismo at antiterorismo bilang kanyang pangunahing ideolohiya upang bigyang katwiran ang walang puknat na mga pang-aatake laban sa mga sibilyan, kanyang mga katunggali sa pulitika at lahat ng demokratikong pwersa.
Pinangunguluhan ni Duterte ang isang kunwa’y demokratikong gubyerno. Ipinahahayag niya na siya ay tapat sa batas ngunit lahat ng kanyang ginagawa ay hindi natatakdaan nito. Tinanggalan ng puwang, gulugod at kapangyarihan ng kanyang mga taktikang diktador ang lehislatibo at hudisyal na sangay ng gubyerno. Lahat ng demokratikong pwersa ay pinatatahimik, sinisindak, ninunyutralisa at nilulupig sa isang todo-gerang supresyon.
Kasalukuyan nang nakapailalim ang buong bansa sa hindi-deklaradong batas militar. Sa ngalan ng kontra-insurhensiya, pinakawalan niya ang mga pwersa ng militar at pulisya para manghimasok sa lahat ng sibil na aspeto ng lipunan.
Layunin ng pasismo ni Duterte na patindihin ang pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng kampanya ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagsikil sa kanilang mga demokratikong karapatan. Layon niyang wasakin ang kakayahan ng mamamayang ipagtanggol at isulong ang kanilang mga interes. Kinakailangang magkaisa ang sambayanang Pilipino, labanan ang paghahari ng pasistang teror ni Duterte at pigilan ang kanyang iskema para palawigin ang kanyang termino.
Mga sangkap ng pasismo ni Duterte
Ipinapataw ni Duterte ang kanyang paghahari ng pasistang teror gamit ang kumbinasyon ng mga sumusunod na sangkap:
a. Demagohika at pagpapalaganap ng kasinungalingan at pinakabulok na ideolohiya at kultura.
Isang pasistang demagogo si Duterte. Nilalaro niya ang sentimyento at hinaing ng malawak na masa, hustisyang panlipunan, pagkamakabayan, rebolusyonaryong tradisyon, at hangarin para sa mas maalwan na buhay para palitawin na kunwa’y kaisa siya ng mamamayan. Nais niyang kabigin ang suporta ng mamamayan, impluwensyahan ang masa, habang kasabay na nagpapataw ng mga patakarang pahirap at pabigat sa kanila.
Noong una ay nagpanggap siyang “sosyalista” kahit pa ang kanyang programa ay malayong-malayo sa sosyalismo at wala man lang bahid ng pagsusulong sa kagalingan ng mamamayan. Gayunpaman, Ang demagohika ni Duterte ay lubusang nilantad ng kanyang sariling mga kagagawan.
Bukambibig niya pa rin na siya raw ay “galit sa korapsyon” bagamat matalik niyang kaalyado at pinalaya mula sa pagkakabilango ang mga Marcos at Arroyo, pinanatili ang kinamumuhiang sistemang pork barrel, at nagbulsa ng bilyun-bilyong piso mula sa mga tagibang na mga pautang at pampublikong kontrata. Siya ay nagbabalat-kayong simple upang ikubli ang kanyang hilig sa paggamit ng pribadong mga jet sa kanyang personal na mga byahe at ang maluhong pamumuhay niya at ng kanyang pamilya. Paulit-ulit niyang binangga ang mga oligarko bagamat alam na alam ng publiko na pinapaboran niya ang ilang malalaking negosyante gaya nina Lucio Tan, Ramon Ang, ang mga Villar at Conjuangco, at iba pa. Umaasta siyang tagapamandila ng “repormang agraryo” para agawin ang suporta ng mga magsasaka mula sa BHB, gayong namamahagi lamang siya ng walang-halagang mga papel na nag-oobliga sa mga “benepisyaryo” na magbayad ng amortisasyon. Nangako siya sa mga manggagawang wawakasan ang “endo” o kontraktwalisasyon ngunit tumanggi namang pirmahan tungong batas ang isang panukalang tinutulan ng mga kapitalistang employer.
Isinusulong ni Duterte ang pinakabulok na mga ideolohiya at kultura na repleksyon ng kabulukan ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Gamit ang kanyang plataporma, hinahawahan niya ang mamamayan ng kanyang bulok na mga ideya na kontaminado ng paglapastangan sa karapatang tao, pang-aabuso sa kababaihan, panghahamak sa maralita, pambabastos sa relihiyon at anti-komunistang panatisismo. Isinuka ni Duterte ang pinakanakaririmarim na pagkundena sa mga biktimang lulong sa droga bilang “hindi makatao,” para lamang pagtakpan ang proteksyon ng iligal na bentahan ng droga na higit pang nagpasidhi sa kawalang pag-asa ng malawak na masang walang trabaho.
Nagsagawa siya ng buktot na mga pambabaluktot sa kasaysayan na nagtatanghal kay Marcos bilang isang bayani at dumadakila sa kanyang awtoritaryanismo upang bigyang katwiran ang kanyang tiraniya at tangkang magtatag ng isang diktadura. Para bigyang katwiran ang maramihang pagtatalaga niya ng mga dating upisyal ng AFP, ibinibida niya ang militar at ang mga upisyal nito bilang disiplinado at mapagkakatiwalaan, na nagpapalagnaw sa mahabang kasaysayan nito ng paglabag sa mga karapatan, pagkasangkot sa mga sindikatong kriminal at korapsyon.
Inilulunsad sa ilalim ng pasismo ni Duterte ang isang walang puknat na gera sa impormasyon na nagpapalaganap ng mga huwad na balita, tahasang mga kasinungalingan at pekeng mga pampublikong sarbey. Bilang masugid na mga propagandista ng Malacañang, araw-araw na nagpapakalat ang militar, mga ahensya sa ekonomya at iba pa ng lantarang mga kasinungalingang nagpipinta ng isang larawan ng “pagbabago” na nagkukubli kung paanong sumidhi ang kalagayan sa ilalim ni Duterte. Ang indipendyente at kritikal na mga mamamahayag at organisasyon sa midya ay inaatake, sinisindak at tinatakot para itulak silang i-censor ang sarili at umayon sa kagustuhan ng gubyerno.
b. Walang-pakundangang mga pamamaslang, pang-aabuso sa karapatan at taktikang diktador
Ipinwesto ni Duterte ang kanyang sarili bilang diktador sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang kampanya ng malawakang pagpaslang, pangunahin sa tabing ng “gera kontra droga” kung saan upisyal na inako ng pulis ang pagpaslang sa mahigit 6,000 suspek, at kung saan mahigit 25,000 pang pamamaslang ang “isinasailalim sa imbestigasyon.” Isinunod niya ito sa digmang pangwawasak sa Marawi na kumitil sa buhay ng libu-libo at sumira sa buhay at kabuhayan ng daan-daang libo pa.
Lantaran man o hindi, malinaw na ipinakita ni Duterte na siya ang utak ng malawakang pamamaslang para ipakita kung hanggang saan niya kayang gamitin ang kanyang pusisyon para sa ligal at iligal na mga gawain. Kasabay ng mga pagpaslang, berbal niyang inatake ang mga huwes, lokal na pulitiko, upisyal ng simbahan at mga kasapi ng midya. Ginagamit niya ang kanyang “narcolist” bilang sandata para paluhurin at ipailalim ang lahat sa kanyang paghahari.
Idinirehe ni Duterte ang kanyang kampanyang pamamaslang laban sa mga aktibista, lalo na sa masang mga magsasaka na mahigit 100 na ang pinaslang. Ang ala-Tokhang na mga pamamaslang ay isinagawa sa Negros sa ilalim ng “Oplan Sauron” ng PNP at AFP.
Hayagang itinulak at pinalakas ni Duterte ang loob ng militar at pulisya na magsagawa ng ekstrahudisyal na mga pamamaslang at panggagahasa. Inudyukan niya ang mga pwersang panseguridad ng estado na lapastanganin ang mga karapatang tao, at ang mga sundalo na barilin sa ari ang mga babaeng rebelde. Bruskong siyang nagsalita laban sa United Nations Human Rights Commission, kinatawan ng UN at internasyunal na mga tagapagtanggol ng mga karapatang tao.
c. Pagsupil sa demokratikong mga organisasyon para magpataw ng pasistang-tipo ng mga grupo sa masa.
Layon ni Duterte at ng kanyang mga upisyal na ipagkait sa mamamayan ang kanilang karapatan na magbuo ng mga demokratikong organisasyon, at magpataw ng pasistang-tipo ng ng mga grupo sa masa. Nais ni Duterte na magkaroon ng wangis ng suportang masa para sa kanyang kinamumuhiang rehimen at gamitin ang mga “pro-Duterte” na mga organisasyon para pulitikal at pisikal na atakehin ang mga kasapi ng iba’t ibang demokratikong mga organisasyong masa.
Lantaran at walang pakundangang iniuugnay ni Duterte at ng susing mga upisyal ng militar at pulisya ang mga patriyotiko at demokratikong organisasyon sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga organisasyong ito ay malisyosong inaakusahang mga prente para sa pagrerekluta ng BHB. Nais nilang gawing bulnerable ang mga organisasyong ito sa malawakang crackdown sa pamamagitan man ng muling pagpapatibay sa Anti-Subversion Law; pagtulak sa kasong proskripsyon laban sa PKP at BHB bilang mga teroristang organisasyon sa ilalim ng Human Security Act; o ng simpleng dikta ni Duterte.
Ginamit din ng mga pasista ang red-tagging (iskemang pagbansag na komunista) sa buo-buong mga komunidad ng maagsasaka. Tinipon ang mga residente at ipinarada bilang mga “surenderee.” Pinilit ng AFP ang mga konseho sa antas-rehiyon, prubinsya at barangay na mag-isyu ng mga deklarasyong “persona non grata” laban sa BHB at mga iniuugnay ditong ligal na mga organisasyong magsasaka.
Pinakalayunin ng pasistang iskema na ito na wasakin ang mga militanteng unyon at organisasyon ng mga manggagawa, grupo ng patriyotikong mga mag-aaral, asosasyon ng mga magsasaka na nananawagan ng reporma sa lupa at iba pang mga demokratikong organisasyon. Ang mga organisasyong ito ay isinasailalim sa paniniktik at panggigipit. Ang pasistang mga Duterte ay imbing nagbubuhos ng dagdag na pagsisikap para durugin ang mga organisasyon ng kabataan at estudyante.
d. Batas militar, deklarado at hindi-deklarado
Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng hindi-deklaradong batas militar ni Duterte. Ipinaialim niya ang buong isla ng Mindanao sa batas militar mula pa noong Mayo 2017. Sa pamamagitan ng Memorandum Order 32, ipinailalim niya ang rehiyon ng Bicol at mga isla ng Negros at Samar sa paghaharing militar. Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim naman ng isang hindi-deklaradong batas militar kung saan ipinapataw ng militar ng awtoridad nito sa ngalan ng kontrainsurhensya.
Udyok ng lantarang pasistang pangaral ni Duterte, walang pakundangang inaabuso ng mga sundalo at pulis ang kanilang kapangyarihan sa pagsasagawa ng kanilang gerang panunupil. Patuloy na dumarami ang naitatalang mga kaso ng pagpaslang, tortyur, iligal na pag-aresto, pagdukot at iba pang mga pang-aabuso ng militar at pulisya. Ang mga pwersang militar ay umookupa ng mga komunidad, nagtatayo ng mga detatsment sa mga baryo, nagpapataw ng blokeyo sa pagkain at ekonomya, sumisikil sa kalayaan ng mga residente na gumalaw, at nagpapanatili ng kanilang presensya para takutin at patahimikin ang masa.
Nag-aambisyon pa rin si Duterte na magpataw ng isang hayag na pasistang diktadura ala-Marcos o sa pamamagitan ng charter change na magsesentralisa ng kapangyarihan sa ilalim ng isang kuwa’y pederal na kaayusan. Layon niyang palawigin ang kanyang taksil at korap na paghahari at ang kanyang burukrata-kapitalistang dinstiya. Laging nangangatog ang kanyang tuhod na mawakasan ang kanyang termino sa 2022 at harapin ang panawagan ng mamamayan na siya ay panagutin sa malawakang pamamaslang, pagbebenta ng soberanong karapatan at napakarami pang kaso.
e. Antikomunismo at kontra-insurhensiya bilang tabing sa panghihimasok ng militar sa sibil na mga aspeto ng lipunan o “whole-of-nation” approach.
Ang pasismo sa ilalim ng rehimen Duterte ay pinatitibay at pinasasaklaw sa pamamagitan ng panghihimasok ng militar sa lahat ng sibil na aspeto ng lipunan sa ngalan ng “whole-of-nation” approach hanggang sa antikomunismo at kontra-insurhensiya.
Sa ilalim ng NTF-ELCAC, ang buong sibilyang burukrasyon ay ipinapailalim sa operasyunal na kontrol ng AFP. Bawat pambansa at lokal na ahensya ay minamandohan na ngayon ng AFP at NTF na gumampan ng papel sa kontra-insurhensiya. Nais ng AFP na ipailalim ang mga unibersidad at kampus sa impluwensiya nito.
Sa pamamagitan ng NTF-ECLAC, ang bansa ay kasalukuyang nasa ilalim ng tila isang huntang sibil-militar.
Mayroon pa ring mga palamuti ng burgis-demokratikong mga proseso gaya ng sa parlyamento at mga korte. Gayunpaman, sa aktwal ay nakapailalim pa rin ang mga ito sa kamay ni Duterte. Ang mababang kapulungan at senado ay kontrolado ng mga tauhan ni Duterte. Ang mga upisyal ng lokal na gubyerno ay matagal nang ginigipit. Ang mga elementong hindi sumusunod sa kanyang dikta ay patuloy na pinupwersang umayon sa kontrainsurhensya ng PNP sa takot na bansagan silang “simpatisador ng mga rebelde.” Pinahihintulutan pa rin ang demokratikong mga organisasyon subalit labis naman na dinudurog ang ligal na mga batayan ng pag-iral ng mga ito at pinagbabantaang gawing iligal.
Ang antikomunismo at kontra-insurhensiya ay naging sentrong tungkulin ng rehimeng Duterte gamit ang AFP at PNP bilang prinsipal nitong mga ahente. Naglaan si Duterte ng mas malaking badyet sa AFP at para sa kanyang pansariling mga operasyong “paniktik.” Itinalaga niya ang kanyang paborito at pinakapinagkakatiwalaang mga upisyal ng militar at pulisya para pamunuan ang pangunahing mga ahensya at susing mga pusisyon sa gubyerno. Maliban sa pamumuno sa mga ahensyang ito para gampanan ang kanilang papel sa kontra-insurhensiya, tinitiyak nila na sentralisado sa ilalim ni Duterte ang korapsyon kabilang ang ismagling.
Ang makauring katangian at batayang sosyal ng pasismo ni Duterte
Ang pasismo ni Duterte ay ang walang pakundangang paghahari ng teror ng pinakareaksyunaryong mga elemento ng naghaharing mga uring burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista sa bansa. Kinakatawan ngayon ni Duterte ang pinakanakasusuklam at pinakabrutal na pangkatin ng naghaharing mga reaksyunaryo. Hindi siya nahihiwalay sa mga Marcos at Arroyo at iba pang patron ng korapsyon at pang-aapi sa Pilipinas. Uhaw at hayok siya sa kapangyarihan. Nasa tuktok na siya ngayon sa hanay ng mga burukrata kapitalista at gumamit ng pasismo para lipulin ang lahat ng humahamon at kumakalaban sa kanya.
Ang pag-usbong ng pasismo ni Duterte ay malalim na nakaugat sa batayang mga problemang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa Pilipinas. Kabuuang layunin ng pasismo ni Duterte na isalba ang naghaharing sistema sa harap ng patuloy na pagbagsak ng ekonomya at banta ng pagbulusok nito sa gitna ng nagpapatuloy na depresyon ng pandaigdigang kapitalistang sistema.
Layon ng pasismo ni Duterte na wasakin ang demokratikong kilusang masa, ligal na mga progresibong partido, at armadong paglaban ng masang inaapi upang tapusin ang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema. Layon nitong durugin ang PKP at BHB na binubuo ng pinakaabante, pinakamatatag at pinakadisiplinadong seksyon ng malawak na hanay ng masang Pilipino na naninindigan para sa pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan.
Partikular na layunin ng pasismo ni Duterte na kopohin para sa kanyang sarili at pangkatin ang papaliit nang halaga ng burukrata kapitalistang dambong sa porma ng mga kikbak mula sa mga dayuhang pautang, pampublikong kontrata, pork barrel, discrimanatory funds at iba pa.
Ang imperyalismong US ang pangunahing tagasul-sol ng pasistang rehimeng Duterte. Binubuhusan ng gubyerno ng US ng pondo at labis na mga kagamitang militar ang AFP sa tabing ng “gera kontra terorismo” at Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P) nito. Ang AFP ang pangunahing haligi ng imperyalistang paghahari ng US sa bansa at nagsisilbing prinsipal na ahente ng pasistang paghahari ni Duterte. Sinusuportahan ng imperyalismong US ang AFP sa pasistang panghihimasok nito sa lipunang sibil habang kinakatuwang ang US sa pagpapalawak nito ng impluwensya at kontrol sa bansa, sa harap ng tumitinding kontradiksyon nito sa China.
Sa pamamagitan ng pagsuporta sa rehimeng Duterte gamit ang pautang at pampublikong mga kontrata kapalit ang walang taning na akses sa mga rekurso at teritoryo ng Pilipinas, pinalalakas din ng China ang pasistang rehimen ni Duterte. Sa katunayan, mas pabor sa China na palawigin pa ng sunud-sunurang rehimeng Duterte ang paghahari nito gamit ang pasistang mga hakbangin sapagkat makatutulong ito sa pagsusulong at pagtitiyak ng ekonomiko at pulitiko-diplomatikong mga interes ng China sa bansa.
Ang pag-usbong ng pasismo sa Pilipinas ay nagpapahiwatig ng tumitinding kawalan ng kakayahan ng naghaharing uri na maghari gamit ang luma nilang pamamaraan. Noong 1972, nagdeklara si Marcos ng batas militar, pinawi ang naghaharing sistemang pampulitika sa isang kumpas, at nagtatag ng kanyang diktadura. Ang burgis-demokratiko at liberal na mga palamuti ng naghaharing sistemang pampulitika ay muling ibinalik sa ilalim ng Konstitusyong 1987 na ipinatupad pagkatapos ng rehimeng Marcos. Gayunpaman, ang mga ito ay mabilis na nilulusaw ng pasistang kaayusan na itinatatag ni Duterte
Ang kawalan ng kakayahan na maghari sa dating paraan ay resulta ng malalim at mapangwasak na mga bitak sa pagitan ng naghaharing uri, at ng tumitinding paghamon sa makauring paghahari sa pamamagitan ng organisadong paglaban ng inaapi at pinagsasamantalahang mga uri.
Lubhang pinaliit ng krisis sa ekonomya at pagtumal ng produksyon ang burukratikong dambong para mapayapang paghatian ng mga ganid na burukrata kapitalista. Sa nalalabing tatlong taon niya sa poder, nagkukumahog si Duterte at desperadong tiyakin ang kanyang mga kikbak mula sa mga dayuhang pautang at kontrata sa China. Labis ang kanyang pagsisikap na matiyak ang kontrata sa China para dambungin ang rekursong langis sa West Philippine Sea. Ang kanyang paulit-ulit na bantang magtatatag ng “rebolusyonaryong gubyerno” at magpapakawala ng kanyang buong pasistang galit sa sinumang magtatangkang kwestyunin ang mga kasunduang ito ay nagpapawalang-bisa sa “checks and balances” (sistema para pigilan ang konsentrasyon ng kapangyarihan) ng pampulitikang sistema.
Ang naghaharing estado ay kasalukuyang hawak ng isang pasistang pangkatin na hindi nagpaparaya sa demokratikong mga pwersa ng masang api na humahamon sa mapagsamantala at mapang-aping sistema. Nangangamba ito na laksa-laksang mapukaw ang malawak na hanay ng masang magsasaka, manggagawa, mala-proletaryado at petiburgesya dahil sa ekonomikong krisis na kinakatangian ng mas mataas na buwis, pagsirit ng presyo, mababang sahod, kawalan ng hanapbuhay, pang-aagaw ng mga lupain sa kanayunan, pagbabawas sa pondo para sa panlipunang mga serbisyo at iba pa. Ang pagpapataw ng pasistang teror ay naglalayong pigilan ang masa na tumindig laban sa malawakang demokratikong kaguluhan. Ang ligal na batayan sa pag-iral ng kanilang mga organisasyon sa ilalim ng reaksyunaryong konstitusyon ay labis na dinudurog.
Dagdag pa, ang naghaharing mga uri at pwersang panseguridad ng estado ay bigong durugin ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka sa kabila ng pagpapatupad ng magkakasunod na oplan at todong opensibang militar sa nagdaang ilang dekada. Ang paggamit ng todong pasismo ay isang walang-katuturang tangka na pataasin ang kakayahan ng AFP na maglunsad ng gera upang gapiin ang BHB. Sa ilalim ni Marcos, lubhang pinarami ang mga tauhan ng AFP mula puo-puong libo tungong daan-daang libo. Katulad nito, pinalakas ni Duterte ang rekrutment para sa dagdag na tropang pangkombat upang makapagtayo ng mga bagong mga dibisyon at batalyon ng militar.
Labanan at wakasan ang pasistang rehimen ni Duterte
Halos limang dekada na ang nagdaan nang ipinailalim ni Marcos ang buong bansa sa batas militar na nagpatupad ng kanyang brutal na diktadurang paghahari. Sa loob ng 14 taon, mtapang na lumaban ang mamamayang Pilipino sa lahat ng larangan ng pakikibaka. Bilang pinakamatatag na gulugod ng antipasistang paglaban, naglunsad ang Partido at Bagong Hukbong Bayan ng lihim na armadong pakikibaka at armadong paglaban na umimpluwensya at pumukaw sa mamamayang Pilipino na magkaisa at makibaka para sa demokrasya. Rumurok ang mahabang panahon ng antipasistang paglaban sa pagtindig ng milyun-milyong mamamayang Pilipino noong 1986 na nagpabagsak sa diktadurang US-Marcos.
Ang mamamayang Pilipino ay kasalukuyang binibiktima ng katulad na pasistang mga brutalidad at kalupitan sa ilalim ni Duterte habang sumisidhi ang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Ang mga atake laban sa mamamayan ay malayong mas mabagsik at malaganap, partikular sa mga pagpaslang na isinagawa ng mga pwersa ng estado.
Ang paggamit ng pasismo ng naghaharing pangkating Duterte ay nagpapakita ng pangkabuuang krisis ng naghaharing sistema at kawalan nito ng kakayahang magpalawig nang hindi gumagamit ng lantarang terorismo ng estado. Higit nitong pinahihina ang naghaharing estado sapagkat pinatitindi nito ang mga kontradiksyon hindi lamang sa pagitan ng aping masa at naghaharing estado, kundi pati na rin ang sa pagitan ng nagriribalang mga paksyon ng naghaharing mga uri.
Dapat ay mahigpit na labanan at wakasan ng mamamayang Pilipino ang paghahari ng pasistang teror ni Duterte. Dapat nilang ipaglaban ang kanilang demokratikong mga karapatan. Dapat ay buong sikhay silang makibaka upang pigilan si Duterte na palawigin pa ang kanyang paghahari, panagutin siya sa lahat ng krimeng isinagawa ng mga pwersa ng estado sa ilalim ng kanyang rehimen.
Dapat na ilantad at batikusan ang pasistang demagohika at mga kasinungalingan ni Duterte. Dapat na hayagan at malawakang kundenahin ang lahat ng kanyang krimen. Ang panawagan para sa hustisya ay dapat na dumagundong sa buong bansa. Ang paggamit ni Duterte ng absolutong kapangyarihan, pagtataksil at korapsyon ay dapat na tuligsain. Ang pagkubabaw ng militar sa sibilyang mga aspeto ng lipunan ay dapat na tutulan. Dapat na palakasin ang loob ng mamamayan sa harap ng mahirap na laban sa pasistang tiraniya ni Duterte.
Ang lahat ng demokratikong pwersa ay dapat na magkaisa sa isang malawak na antipasistang hanay laban sa rehimeng Duterte. Dapat nitong pagkaisahin ang lahat ng api at pinagsasamantalahang mga uri, ang mga intelektwal at propesyunal, akademiko, taong simbahan, kasapi ng midya, kababaihan, kabataan at ang pulitikal na oposisyong anti-Duterte. Dapat nitong mapagkaisa ang milyun-milyong mamamayan sa iba’t ibang proma at larangan ng paglaban
Ang PKP at BHB ay nananatiling pinakakonsolidadong moog ng antipasistang paglaban ng mamamayang Pilipino. Dapat na patatagin ng mga kadre at kasapi ng PKP at mga Pulang mandirigma ng BHB ang kanilang mga sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang maging taliba at ubod ng pakikibaka ng mamamayan laban sa pasistang rehimeng Duterte.