Patatagin ang pagkakaisa ng mamamayan, labanan ang pasismo at ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan
Sa araw na ito, ginugunita at ipinagdiriwang sa buong kapuluan ang mga hindi matatawarang pagsulong ng NDFP sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prenteng matatag na humaharap sa mga sagadsaring elemento ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa loob ng halos limang dekada, tuluy-tuloy na pinataas ng NDFP, sa gabay ng PKP, ang kakayahan nitong tipunin at bigkisin ang lakas ng mamamayan para sa pagtataguyod ng kanilang mga demokratikong interes at para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa Kabikulan at sa buong bansa, masiglang isinabuhay ng NDF ang batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka. Buong sikhay na inorganisa at pinakilos ang lahat ng mga progresibo at patriyotikong pwersa at tuluy-tuloy na inangat ang antas ng pakikibaka ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan at kalunsurang nangunguna sa pagkamit ng mga kongkretong tagumpay para sa masang inaapi at pinagsasamantalahan at direktang sumusuporta sa armadong pakikibaka. Sa pagtatayo ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, pambansang minorya, propesyunal, taong-simbahan at iba pang sektor, ihinahanda ng NDFP ang daan para itindig ang mga organo ng pampulitikang kapangyarihan at patatagin ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa iba’t ibang antas.
Higit na tumitingkad ang mga bunga ng pagsisikap na ito ngayong nananalasa ang krisis na dulot ng kainutilan ng rehimeng US-Duterte na harapin ang COVID-19. Sa kabila ng mapanupil at madugong paghahanda ni Duterte para sa Martial Law, ang bawat isa sa 18 alyadong organisasyon ng NDFP ay nagsama-sama upang pagbuklurin ang lahat ng pagsisikap tungo sa isang malapad na nagkakaisang prenteng titiyak sa kapakanan ng sambayanan sa gitna ng patuloy na pagkalat ng sakit.
Sa pagtutulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyong tulad ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) at Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), napagagana ang isang malapad na lambat ng mga kawaning medikal at mga propesyunal sa larangan ng syensya na umaagapay sa mga apektadong komunidad at tuluy-tuloy na tumutuklas ng mga pamamaraan upang igpawan ang COVID-19 sa gitna ng kabiguan ng reaksyunaryong gubyernong gawin ito. Tuluy-tuloy na tumutulong ang iba pang mga rebolusyonaryong organisasyon tulad ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) at Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa mga bulnerableng sektor na walang akses sa abot-kayang serbisyong medikal, walang maayos na panirahan at walang pagkukunan ng kabuhayan.
Sa kanayunan, ibinubuhos ng New People’s Army ang lahat ng rekurso nito sa pagtitiyak na makaaabot sa masa ang kinakailangang tulong at serbisyo. Katuwang ng mga ganap na samahang masa ng magsasaka, kababaihan at kabataan at mga komiteng rebolusyonaryo ang NPA sa pagpapagana at pagpapaunlad ng kolektibong produksyon ng masa sa porma ng mga grupong tulungan at mga kooperatiba na nakapag-aambag sa mga batayang pangangailangan ng mga komunidad.
Sa ika-47 taon nito, pinanghahawakan ng NDFP ang hamong pandayin ang ibayong pagkakaisa sa pagitan ng milyun-milyong mamamayan nang maitaas ang antas ng paglaban tungo sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa. Patuloy itong magpapakahusay sa pagsusulong ng mga kampanyang sang-ayon sa 12-puntong programa nito upang maitindig ang mga organo ng kapangyarihang pampulitikang binhi ng demokratikong gubyernong pamumunuan at magsisilbi sa masang inaapi at pinagsasamantalahan.
Ipagbunyi ang ika-47 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Talingkas sa pagkaoripon!