Patatagin ang papel ng kabataan sa pambansa-demokratikong rebolusyon! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Nalalapit na ang ika-49 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar sa Pilipinas. Mula 1972 hanggang 1981, pumasok sa malubhang krisis ang sambayanang Pilipino dulot ng pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos at ng dayuhang amo nito sa Estados Unidos.
Naghari si Marcos bilang pangunahing ahente ng dayuhang imperyalismo sa Pilipinas mula 1965 hanggang sa pinatalsik siya ng pinagsanib na lakas ng mamamayan noong 1986. Sa loob ng dalawang dekada na ito, nawala ang tabing ng huwad na demokrasya at naging lantad ang pasistang pandarahas sa ilalim ng reaksyunaryong estado. Naging panahon ito ng malawakang korapsyon at pagnanakaw habang kinonsentra ni Marcos ang kapangyarihang pampulitika sa sarili niya sa kanyang mga kroning katulad ni Juan Ponce Enrile, Danding Cojuangco, at iba pa.
Ginamit ni Marcos ang pulis at militar upang panatiliin ang kaniyang hawak sa ekonomya at pulitika. Itinalaga niya ang mga katulad ni Panfilo Lacson, Fidel Ramos at Fabian Ver bilang mga asong ulol at berdugo ni Marcos. Sa ilalim ng diktadurya hindi bababa sa 6,500 ang mga biktima ng aresto, tortyur, at iligal na pagkakulong. Hindi bababa sa 800 ang mga desaparecidos; kabilang na rito ang Southern Tagalog 10 na dinukot at hindi na natagpuan muli. Hindi rin masukat ang bilang mga pinatay sa ilalim ng rehimen; kasama na ang mga estudyante, lider-unyon, pari, abugado, doktor, at iba pang mga progresibong pwersa mula sa iba’t ibang larangan.
Ngayong papalapit na ang ika-49 na anibersaryo ng Batas Militar, huwag natin kalimutan ang naging mapagpasyang papel ng kabataan sa paglaban sa rehimeng US-Marcos. Dekada ’60 nang muling sumibol ang demokratikong kilusang masa bunga ng papalalang krisis at sa kabila ng kabiguan ng lumang Partido na panghawakan ang saligang interes ng mamamayan. Taong 1964 nang naitatag ang Kabataang Makabayan, ang komprehensibong organisasyong masa ng kabataan-estudyante, at mula rito ay pinanday ang mga saligang prinsipyo ng pagsulong ng pambansang demokrasya.
Mula sa Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto, hanggang sa Sigwa ng Unang Kwarto 1970, at sa kabuuan ng panahon ng paglaban sa diktaduryang US-Marcos, naging mahalaga ang papel ng kabataan-estudyante sa pagsulong ng hindi lamang ang demokratikong interes ng mamamayan, kundi pati ang rebolusyonaryong hangarin ng masang anakpawis na ibagsak ang naghaharing reaksyunaryong estado at agawin ang kapangyarihang pampulitika para sa proletaryado.
Ang lakas ng kabataan, kapag pinapanday ito ng malawak na kilusang umuugat sa manggagawa at magsasaka, ay nagiging mapagpasyang salik ng pagsikad at pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Mahalagang salik ang lakas at sigla ng kabataan sa pagmulat, pag-organisa, at pagkilos sa kalunsuran at sa kanayunan. Nagagamit ng kabataan ang kaniyang kritikal na pag-iisip at dalisay na optimism upang unawain ang lipunang Pilipino, at pinakamahalaga, baguhin ito.
Sa kasalukuyang rehimen ni Rodrigo Duterte, napapanahon pa rin ang pagkilos ng kabataan laban sa katiwalian. Wasto pa rin ang rebolusyonaryong landas ng paglaya. Sa harap ng sunod-sunod na krisis sa ekonomya, karapatan, at pambansang soberanya, panahon na upang pag-alabin muli ang diwang makabayan ng kabataan!
Tungkulin ngayon ng kabataan na makiisa sa mga lehitimong panawagan ng mamamayan. Lumalala ang krisis pangkabuhayan ng mamamayan. Lalong napapatunayang inutil ang rehimen habang tumatagal ang pandemyang dulot ng COVID-19. Dumarami ang mga kaso ng mga may sakit habang nanatiling kulang ang ayuda, bakuna, at pondo para sa serbisyong medikal. Patuloy na tinatalikuran ng pamahalaan ang tungkulin nitong magbigay ng maayos na serbisyo.
Ninanakaw ni Duterte at ng mga alipures nito ang kaban ng bayan. Nakikipagsabwatan sina Bong Go at Dennis Uy sa mga dayuhang korporasyon at kriminal sa Tsina at Taiwan, habang nakakalusot ang mga katulad ni Ricardo Morales sa kanilang pagnanakaw ng bilyun-bilyon mula sa kaban ng bayan.
Patuloy na pinapalala ni Duterte ang krisis ang pasismo at militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran. Ginagamit ng rehimen ang kapulisan upang takutin ang mamamayan at ipamukhang terorismo ang paglahad ng lehitimong saloobin. Pinapasok ng militar ang mga pagawaan at komunidad ng magsasaka upang sikilin ang karapatan nilang mag-organisa at maglahad ng saloobin. Sa pinakamasahol, sapilitan silang pinapasuko bilang mga “kasapi” ng Bagong Hukbong Bayan, o kaya iligal na inaaresto at pinapatay.
Ang lahat ng ito ay mga lehitimong isyu na dapat ibaling ng bawat kasapi ng Kabataang Makabayan tungo sa militanteng pagkilos at pagsulong ng rebolusyon. Pukawin ang galit ng masang kabataan-estudyante at pandayin ang kanilang hangarin na kumilos tungo sa pagbabago. Palakasin ang mga balangay ng KM sa kanayunan at sa kalunsuran at pangunahan ang mga mapagpasyang pagkilos at kampanyang masa sa mga lokalidad.
Higit sa lahat, aktibo nating suportahan ang digmang bayan at ang armadong rebolusyon. Sa pagpapalala ng krisis sa buong bansa, tanging sa paghawak ng armas at paglunsad ng rebolusyon lamang natin makakamit ang tunay na kalayaan. Suportahan at yakapin ang mga Pulang mandirigma na nagsasakripisyo sa kanayunan. Pandayin ang ating kaalaman sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at ilapat ito sa ating pagkilos. Sa bawat bigwas ng BHB laban sa reaksyunaryong estado, lumalakas ang kapangyarihang pampulitika ng masang anakpawis at nababaling ang timbangan ng lakas tungo sa atin.
Marapat lamang na patatagin natin ang sarili natin sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan, at padagsang tahakin ang pulang landas tungong kalayaan!
Alalahanin natin ang papel ng kabataan sa digmang bayan! Isulong natin ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa kanayunan at sa kalunsuran, hanggang sa ganap na tagumpay!
Palakasin ang kilusan ng kabataan-estudyante!
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa tagumpay!