Pati ba naman mga bata?
Ayaw lubayan ng mga tropa ng 22nd IBPA ang walang kalaban-labang mga sibilyan sa Bulan. Pati mga batang walang muwang ay hindi pinapatawad ng mga pasista.
Kagabi, dinukot ng mga sundalo sa Barangay Bulawan ang magsasakang si Alvin Mapula, 39, at mga pamangkin niyang sina Althea Mapula, 2 anyos, at Janrex Mapula, 13. Hinanap at natunton ng mga kaanak ang tatlo at ngayo’y ayaw nang pakawalan ng mga pasista ang buong pamilya—sina Editha Mapula, 43; Allan Mapula, 42; Mary Ann Mapula, 29; Angel Mapula, 12; Rey Mapula, 4; RJ Mapula, 7; Renz Guelas, 13; Sunny Preconcillo, 48; Emy Preconcillo, 39; at Dante Bandola, 50.
Kahapon din, dinakip ng mga sundalo at ngayo’y pinalalabas na mandirigma ng NPA si Laurente Gestole, 23, residente ng Barangay Cadandanan. Nakabilanggo siya ngayon sa Bulan Municipal Police Station. Ilang araw nang pinipilit ng mga sundalo ang mga upisyal ng barangay na isuko si Gestole. Pinanindigan ng mga upisyal na sibilyan si Gestole at walang dahilan para siya ay pasukuin.
Tinatakot naman ng mga sundalo at binabantaang aarestuhin sa hindi malinaw na batayan sina Regine Graida, 28, at Geraldine Gestole, 38, mga ginang na taga-Barangay Calpi.
May kinukumpirma pa kaming mga ulat hinggil sa iba pang abusong ginagawa ng mga tropa ng 22nd IB na nag-ooperasyon ngayon sa mga barangay ng Bulan.
Kinukundena namin ang garapalang mga paglabag na ito sa karapatan ng mga sibilyan, laluna ng mga bata. Ang ganitong mga kahayupan ay walang lugar sa makatarungang kondukta ng gyera.
Umaasa ang mga biktima na ipagtatanggol sila ng mga halal na upisyal ng Bulan at ng probinsya. Pagkakataon ito para patunayan ni Mayor Romeo Gordola at iba pang lokal na upisyal ang malasakit nila sa kanilang nasasakupan. Pagkakataon ito para patunayang hindi sila kasabwat sa mga pang-aabusong ginagawa ng militar.