Patuloy ang digmang bayan para sa pambansang pagpapalaya
Read in: English
Sa nagdaang higit limandaang taon, militanteng nagbangon at nag-armas ang mamamayang Pilipino para ipagtanggol at ipaglaban ang kalayaan ng bayan laban sa mga dayuhang mapang-api. Ilanlibong labanan na ang sumiklab sa buong bansa sa pagitan ng mga patriyotikong pwersa ng bansa, sa isang panig, at mga hukbo ng dayuhang mananakop, sa kabilang panig. Ngunit habang mayroong mga Bonifacio, Sakay, Dagohoy at iba pang mga patriyotiko na nagsakripisyo para sa bayan at lumaban sa higit na makapangyarihang mga kalaban, mayroon ding mga Aguinaldo, Quezon, Marcos at iba pang mga taksil na nagtraydor sa kalayaan ng bayan, na nakipagsabwatan sa mga imperyalistang amo para pagsilbihan ang kanilang personal na interes at ang interes ng kanilang uri.
Ginugunita natin ngayong araw ang ika-123 taong anibersaryo ng deklarasyon ng huwad na kalayaan nang ideklara ng traydor na si Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa ilalim ng soberanyang kapangyarihan ng United States, pagkatapos mapagtagumpayan ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng Katipunan ang kanilang kalayaan mula sa kolonyalismong Espanyol sa pamamagitan ng armadong paglaban. Bibigyang-daan nito ang panahon ng brutal na digmang “pasipikasyon” ng America para supilin ang patriyotikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino kung saan higit isang milyong Pilipino ang namatay sa panahong ito.
Sa darating na Hulyo 4, mamarkahan natin ang ika-75 taon ng malakolonyalismo, nang ibigay ng imperyalistang United States ang huwad na kalayaan sa Pilipinas at itinayo ang papet na estado sa ilalim ng proteksyong militar nito. Sa loob ng 75 taon ngayon, nananatili ang Pilipinas sa ilalim ng neokolonyal na paghahari ng US sa pakikipagsabwatan sa malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.
Sa nagdaang pitong dekada, ang likas at pantaong kayamanan at rekursong ng bansa ay walang tigil na dinadambong at pinagsasamantalahan ng mga korporasyong multinasyunal sa pamumuno ng US na itinutulak ng kanilang walang-kabusugan pagkagahaman sa supertubo. Ikinulong ang bansa sa atrasadong sistema ng malapyudalismo. Nananatili itong kalakha’y agrikultural at tagapagluwas ng komersyal na prutas, hilaw na materyales, mga batong mineral at murang lakas-paggawa. Pinipigilan itong paunlarin ang sariling saligang industriya at ang kakayahang magmanupaktura ng batayang mga bilihin para makatindig sa sarili nitong mga paa kung kaya’t napipilitan itong mag-angkat ng paparaming mga kinakailangang produkto.
Sa paglubha ng pandaigdigang imperyalistang krisis at pagtindi ng tunggalian ng malalaking imperyalistang higante, napapailalim ang Pilipinas sa higit na mas malubhang pang-aapi sa pag-uunahan ng mga dayuhang multinasyunal na korporasyon, na pangunahing mula sa US, China at Japan, na pigain ang pinakamalalaking kita mula sa mga rekurso ng bansa sa ilalim ng patakarang neoliberal. Patuloy na sinusulsulan ng mga imperyalistang bangko at manedyer sa pinansya ang pagkasalalay ng bansa sa utang at dinidiktahan ang mga patakarang magpapahintulot sa dayuhang mga kapitalista na tumabo ng mas malaking kita.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, lumubha ang kawalan ng tunay na kalayaan ng bansa sa lantarang pamamanikluhod kapwa sa imperyalistang US at China, na kanyang maling ipinagmamalaki bilang “nagsasariling patakarang panlabas.” Sa isang banda, pinahintulutan niya ang China na magtayo ng mga pasilidad militar at panghimasukan ang mas paparaming erya na bahagi ng exclusive economic zone ng bansa at pigain ang mga rekursong isda at pandagat, kapalit ng mga kikbak at suhol sa mga pautang at ayuda, at ng bahagi sa ismagling ng droga. Sa kabilang banda, patuloy niyang pinahihintulutan ang militar ng US na gamitin ang bansa bilang baseng militar sa pagkakaroon ng mga pasilidad militar ng America sa loob ng mga kampong militar ng Pilipinas at pag-iimbak ng mga armas sa estratehikong mga lugar sa bansa, kapalit ng mas malaking ayudang militar para bumili ng mga bomba, artileri at mga bala para sa itayo ang kanyang tiraniya.
Saksi tayo sa tumitinding panghihimasok sa pagitan ng magkatunggaling imperyalista. Simula pa 2018, idineklara na ng China na hindi nito pahihintulutang mapalitan si Duterte. Sa kabilang banda, patuloy ang US sa paggigiit ng kontrol at pagpapakilos sa AFP sa West Philippine Sea. Ang papalapit na eleksyong 2022 ay malamang magpapamalas ng masidhing pampulitikang pakikialam mula sa parehong imperyalistang kapangyarihan para tiyakin ang kanilang estratehikong interes sa bansa.
Habang ipinapailalim ang Pilipinas sa mas malubhang anyo ng pambansang pang-aapi, ang pangangailangan para sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay higit na kinakailangan at kagyat. Ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay mahigpit na nakaugnay sa pampulitikang pakikibaka para ibagsak ang papet na estado na nagpapanatili sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Ang pagkamit sa pambansang paglaya ay batayang kundisyon para makapagsakatuparan ng demokratikong mga pagbabago.
Ang inilulunsad na digmang bayan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), sa esensya, ay isang digma para sa pambansang pagpapalaya. Bahagi ito ng makasaysayang pagpapatuloy ng armadong paglaban ng mamamayang Pilipino. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang digma para sa pambansang pagpapalaya ay walang-tigil na isusulong hanggang makamit ang ganap na kalayaan.