Patuloy na aarangkada ang BHB sa Hilagang Silangan!
May iniiwang pait sa NOLCOM at 5th ID ang pagwawakas ng taong 2021. Bigong muli ang kanilang deadline ng pagdurog sa Bagong Hukbong Bayan sa hilagang Luzon, partikular sa probinsya ng Cagayan. Kahit ang naganap na airstrike sa bayan ng Sta. Teresita noong ika-21 ng Setyembre ay hindi naging hadlang sa patuloy na pagpupunyagi at pagsulong ng BHB hanggang sa makamit ang katarungan para sa mga masang malaon nang inaapi at pinagsasamantalahan.
Gumamit ang pasistang kaaway sa nasabing airstrike ng dalawang FA50 fighter planes, isang Hermes 450 at iba pang mga drone at reconnaisance planes, at naghulog ng dalawang 250-librang bomba, at apat na magagaang bomba at rockets, na sinundan pa ng istraping ng kalibre-50 na bala ng masinggan mula sa ere. Sa loob ng 15 na minuto, milyon-milyong piso ang kagyatang linustay ng estado para sa mga bala at gamit-pandigma. Habang sa tinagal ng halos dalawang taon, barya-barya lang ang ipinanglimos ng gobyerno sa mga mamamayang Cagayano sa gitna ng pandemya.
Bago ang naganap na airstrike, matagumpay na narating ng yunit ng BHB ang mga sentro ng baryo at gilid ng haywey sa tungki ng ilong ng mga kaaway. Naglunsad ang mga kasama ng propaganda-edukasyon hinggil sa palpak na pagtugon sa pandemyang COVID-19 at pasismo ng rehimeng US-Duterte, naghatid ng serbisyong medikal sa masa, nagpatapos ng mga kurso ng Partido sa mga sangay sa lokalidad, at nagparusa ng mga ahente at galamay ng estado at militar na nagpapahirap sa malawak na mamamayan. Taliwas sa pambabaluktot ng kaaway na pagawaan diumano ng landmines ang nakapangyarihan ng airstrike, nagkonsentra rito ang yunit ng BHB upang tasahin at halawan ng mga aral ang mga nagdaang gawain, at pagkunutan ng noo ang susunod pang mga pagpapatupad sa mga rebolusyonaryong tungkulin. Ang bawat pagsulong ng BHB ay naghahatid ng matinding ligalig at banta sa naghahari subalit naghihingalong sistema. Kung kaya’t anong tindi rin ng desperasyon ng kaaway na hadlangan ang rebolusyonaryong armadong naglalayong pabagsakin at palitan ito.
Halo-halong emosyon ang nadarama ng mga mamamayan sa pagkamartir ng pitong mabubuting anak ng bayan sa nasabing insidente. Bagamat nagdadalamhati, higit ding nag-aalimpuyo sa galit imbes na manlumo ang mga mamamayan laban sa mga pumapaslang sa mga bayaning walang ibang hangad kundi palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala ng naghaharing uri. Kabaligtaran ito ng pagdiriwang ng masa sa tuwing nalalagasan ang mga berdugong militar. Tulad na lamang noong maghapon nilang binomba at inistraping ang kanilang sariling tropa sa Brgy. Aridowen noong ika-28 ng Setyembre na kinasawian ng hindi bababa sa 40 ayon sa mga nakasaksi. Marami din sakahan at alagang hayop ng mga magsasaka ang napinsala dahil sa inaccuracy ng kanilang smart bombs kuno.
Kahit anumang tangka ng kaaway na bombahin o bugbugin ng operasyon ang mga sona’t larangan, hindi nito kailanman mabubuwal ang malalim nang nakaugat na pagkakaisa ng masa Pulang hukbo. Lagi’t laging papakamahalin ng masang anakpawis ang hukbong tunay na nagsisilbi sa kanila. Mataba ang lupa para sa rebolusyon. Bunga ng krisis panlipunan, laksa-laksang masa ng magsasaka, kababaihan, at kabataan sa kanayunan ang hindi mag-aatubiling susunod sa yapak ng mga martir sa Sta. Teresita. Tangan ang rebolusyonaryong sigasig, optimismo, at tapang, patuloy na susulong ang BHB sa Cagayan at sa buong kapuluan hanggang sa tiyak na tagumpay.###