Patuloy na igiit at ipaglaban ang pambansang soberanya sa WPS sa ilalim ng rehimeng Marcos II!
Nananawagan ang NDFP-ST sa malawak na sambayanang Pilipino na patuloy na igiit at ipaglaban ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Walang maaasahan ang mamamayan sa kasalukuyang tuta at taksil na rehimeng US-Marcos II. Tulad ng kanyang ama at sinundang rehimeng Duterte, asahang ibebenta rin ni Marcos Jr. ang soberanya ng bansa sa mga imperyalistang kapangyarihan.
Pinawawalang-saysay ng reaksyunaryong estado ang tagumpay ng mamamayan sa naipanalong international tribunal ruling ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa patuloy na pakikipagmabutihan nito sa imperyalistang China. Naipagwagi ang soberanong karapatan sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa saklaw nitong West Philippine Sea (WPS) noong 2016 sa gitna ng panghihimasok at pang-aagaw dito ng China. Sa ilalim ng bentador na si Duterte, isinubasta niya sa China ang patrimonyang yaman sa EEZ ng Pilipinas at ibinasura ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration ng UNCLOS sa The Hague, Netherlands.
Sinalaula ni Marcos Jr. ang ika-anim na anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitrasyon. Kamakailan lamang, naganap ang pulong ni Foreign Minister Wang Yi at ilehitimong presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pagtutuloy ng ugnayan at “tulungan” ng dalawang bansa. Hindi ibinukas ni Marcos Jr. ang detalye ng usapan subalit nakatitiyak na hindi niya iginiit ang karapatan ng Pilipinas sa WPS.
Hindi maloloko ni Marcos Jr. ang mamamayang Pilipino gaanuman karami ang bitiwan niyang pangako na ipagtatanggol ang soberanya ng bansa. Hayagan niyang sinasabi na sa kabila ng suliranin ng Pilipinas sa China ay kailangan pa ring paunlarin ang pakikipag-ugnayan dito. Matatandaang sa gitna ng patuloy na iringan ng Pilipinas at China sa WPS, naghahangad pa ang huli na mailusot ang inaalok nitong joint oil exploration sa inaagaw na teritoryo.
Ang pataksil na pagbebenta ng reaksyunaryong estado sa soberanya ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan ay ibinunga ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan. Sunud-sunuran ang mga reaksyunaryong pangulo sa dikta ng imperyalismo na nakikinabang sa dugo at pawis ng mga Pilipino. Patuloy na nakikipagkutsabahan ang lokal na naghaharing uri sa mga imperyalista kapalit ng kanilang pamamayani sa ekonomya at pulitika. Sinasaid nila ang rekurso ng bayan at winawasak ang kapaligiran sa kapinsalaan ng mamamayan.
Katulad ni Duterte, kasalukuyang namamangka si Marcos Jr. sa dalawang imperyalistang kapangyarihang US at China. Habang nakikipagmabutihan sa China, patuloy na ipinapailalim ni Marcos Jr. ang bansa sa kontrol ng US sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga kasunduang militar. Nitong huli, nakipag-usap si Marcos Jr. sa US para palakasin ang Visiting Forces Agreement.
Sa harap ng proxy war ng US sa Ukraine, nagbibigay prayoridad din ang US sa rehiyong Asya-Pasipiko. Nakikipag-agawan ito sa China para sa mga bansa sa Pacific Islands ng Oceania na kapwa may estratehikong heograpikal na kahalagahan sa dalawang imperyalistang kapangyarihan. Asahan ang lalupang paglala ng ribalan ng US at China na lubhang makakaapekto sa mga bansang neokolonyal sa Asya kagaya ng Pilipinas.
Nararapat na tumindig ang buong sambayanan sa kanilang sarili nang hindi umaasa sa anumang dayuhang kapangyarihan. Ang tunay na kasarinlan ay iginigiit at ipinaglalaban ng buong bayan. Tanging ang pambansa demokratikong rebolusyon ang maghahatid ng tunay na kalayaan at demokrasya ng mamamayan. Sa pagwawagi ng rebolusyon, tiyak na makalalaya ang Pilipinas sa kuko ng imperyalismo.###