Paunang paglilinaw sa kamatayan ni Ka Oris
Gaga-gawa o “trumped up” lamang ang pinalalabas ni Gen. Romeo Brawner ng 4th ID na diumano’y engkwentro na ikinasawi ni Ka Oris (Jorge R. Madlos) at kanyang medik. Totoong pinatay ng mga pwersa ng AFP si Ka Oris noong Oktubre 29, 2021 sa bayan ng Impasug-ong, Bukidnon at hawak ang kanyang bangkay.
Bandang alas-8 ng gabi noong Oktubre 29, 2021, si Ka Oris at kasamang medik na babae ay sakay ng motorsiklo mula sa poblacion ng Impasug-ong at patungo sa national hiway, kung saan pinaniniwalaang sila’y tinambangan at pinatay. Hindi na sila nakaabot sa hiway.
Ayon sa mga ulat, walang naganap na palitan ng putok, walang airstrike sa mabundok na bahagi ng Impasug-ong, at laluna, walang labanan sa pamprubinsyang hiway noong mga oras na iyon.
Subalit noong umaga ng Oktubre 31, 2021, inianunsyo ni Brawner sa radyo/midya na nakuha nila ang bangkay ni Ka Oris matapos ang malaking engkwentro o labanan na diumano’y sinuportahan ng pang-ereng pambobomba ng airforce. Malinaw na nahihiya si Brawner na aminin na naghintay lang ang military sa pamprubinsyang hiway at inatake si Ka Oris at kasamang medik na babaw habang sakay ng isang motorsiklo. Walang palitan ng putok dahil hindi armado si Ka Oris na lumabas sa erya para sa kanyang regular na tsekap at pagpapagamot.
Hinahamon namin si Brig. Gen. Brawner na ilahad sa midya at publiko ang tunay na nangyari, at huwang maging malaking sinungaling, dahil sa ganoon lamang niya tunay na maipagmamalaki ang nakamit niyang tagumpay ng pagpatay kay Ka Oris. Totoong may iba’t ibang sining sa gera para mapuksa ang isang kalaban, laluna sa proyekto ng berdugong rehimeng US-Duterte/AFP/PNP/NTF-ELCAC na makuha si Ka Oris at ibang rebolusyonaryong kadre. Bahagi ng mga paraan ng kontra-rebolusyonaryong rehimeng US-Duterte/AFP/PNP na magsinungaling upang palabasin na mas mahusay sila sa kombat o mga labanan. Habang totoo na nakaisa sila sa intelligence kaugnay sa pagbiyahe ni Ka Oris, wala siya noon sa katayuan na lumaban, pero siya’y pinatay pa rin nila, bagay na hindi dapat ginawa ng AFP/PNP na nagsasabing sumusunod sa “rules of engagement” o mga batas ng digma bilang mga regular na pwersa ng umiiral na gubyerno.
Sa lahat ng tagamidya at maraming iba pa na nakakilala kay Ka Oris, ito’y panimulang ulat pa lamang sa mga sirkunstansya ng kanyang pagkamatay.
Hangad namin na sana’y hindi pigilan ng gubyernong Duterte/AFP/PNP ang pagbuburol kay Ka Oris upang sa huling pagkakataon ay mabisita siya ng lahat ng may kakilala sa kanya.