PdG: Hinggil sa di-umano sa pag-eendorso ng mga lokal na ehekutibo sa ATA of 2020 — NDF-ST
Huwad, hungkag at produkto ng pambabraso at pananakot ang 784 na lokal na punong ehekutibo na diumano’y sumusuporta sa panukalang batas na Anti-Terrorism Act of 2020.
Mariing pinabubulaanan ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang ipinagmamalaki ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mayroong 96 na mga lokal na punong ehekutibo (local government executives) sa Region IV-A o CALABARZON at 58 naman mula sa Region IV-B o MIMAROPA ang “kusang loob o boluntaryong” nagpahayag ng kanilang suporta sa Anti-Terrorsim Act of 2020 Bill o ATA 2020 Bill na ngayon ay naghihintay na lamang ng pirma ni Duterte para maging ganap na itong batas.
Ang bilang na ito ay bahagi ng kabuuang 784 na lokal na punong ehekutibo sa buong bansa na di-umano’y sumusuporta sa Anti-Terrorism Bill alinsunod sa pahayag ng pasista at kriminal na pinuno ng DILG na si General Eduardo Año. Kabilang dito ang 43 mga gubernador, 68 city mayors at 673 municipal mayors.
Nais likhain ng mga pasista ang ilusyon na nagtatamasa ng “popular” na pagtangkilik ang mapanupil at malupit na anti-mamamayan at anti-demokratikong ATA 2020 Bill sa harap ng mariin at malawakang pagtuligsa dito ng mga mamamayan at malawak na hanay ng mga patriotiko at demokratikong pwersa sa loob at labas ng bansa.
Malinaw na isa na namang malaking kasinungalingan at panlilinlang ng DILG sa publiko, lalo na sa mamamayan ng Timog Katagalugan, para palitawin na ang 154 na pinagsamang bilang ng mga lokal na punong ehekutibo sa Region IV-A at IV-B ay kusang loob o boluntaryong nagpahayag ng kanilang suporta sa Anti-Terror Bill (ATB). Taliwas ito sa napabalitang pangyayari na nuong Hunyo 10, 2020, isang araw ang lumipas matapos ipadala ng rubber stamp na Kongreso sa Malacañang ang panukalang Anti-Terrorism Act of 2020, agad na naglabas ng Memorandum ang DILG na nag-aatas sa lahat ng lokal na pinunong ehekutibo na maglabas ng kani-kanilang pahayag bilang suporta sa ATA 2020 Bill sa pag-aakalang magagawa nitong lunurin at pasubalian ang napakalawak at dumadagundong na pagtutol at paglaban ng taumbayan sa panukalang batas na ATB.
Karugtong pa nito, napag-alaman din ng NDFP-ST ang impormasyon na mayroon nang ginawang Template na pahayag ang DILG na ang layunin ay gawing unipormado, iisa ang tono at laman ng pahayag. Sa ganito, ayon sa taong pinanggalingan ng impormasyon, pirma na lang ng mga lokal na punong ehekutibo ang kakailanganin at hindi na obligadong maglabas pa sila ng kanya kanyang mga pahayag. Napag-alaman din ng NDFP-ST na ang naging manera ng DILG sa pagpapapirma at pagkuha ng suporta mula sa lokal na mga opisyal para sa Anti Terror Bill ay nababalutan ng mga kontrobersya, pananakot at intimidasyon.
Ang DILG, na may basbas ng pasistang si Duterte, ang nasa likod at pangunahing may pakana sa kontrobersyal na pahayag ng diumanong pagsuporta sa ATA 2020 Bill ng mga lokal na punong ehekutibo sa bansa.
Mabilis na nakarating sa kaalaman ng NDFP-ST ang mga paglilinaw ng ilang mga lokal na punong ehekutibo, sa pamamagitan ng kanilang mga opisyal na sugo sa rebolusyonaryong kilusan. Kanilang pinarating ang kanilang panig at kung ano ang naging sirkumstansya at bakit napabilang ang kanilang mga pangalan sa di umanong listahan ng mga lokal na opisyal na sumusuporta sa ATA 2020 Bill. Pinaliwanag nilang wala silang magawa kundi sumang-ayon sa kagustuhan ng DILG dahil sila’y pinipilit, tinatakot at binabantaan ng mga kinatawan nito na kakasuhan bilang taga suporta ng CPP-NPA-NDFP, sakaling hindi sila pipirma at magpapahayag ng kanilang suporta sa ATA 2020 Bill. Wala din daw itong pinagkaiba sa nakaraan nilang karanasan na pambabraso, pananakot at panggigipit ng DILG para maglabas sila ng pahayag na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata.
Ganunpaman, kanila ding pinarating na maraming lokal na opisyal ng gubyerno ang tutol sa panukalang batas dahil sa naniniwala silang nilalabag ng Anti-Terror Bill ang mga pundamental na karapatang pantao at karapatang demokratiko ng taumbayan. Nangangamba din sila sa posibleng bwelta ng kanilang mga nasasakupan dahil sa nagawa nilang pagkakamali.
Batay dito, pinatunayan lamang na totoo at walang bahid ng duda ang naunang nakuhang impormasyon ng rebolusyonaryong kilusan na ang DILG ang nasa likod at pangunahing may pakana sa kontrobersyal na pahayag ng diumanong pagsuporta ng 784 na mga lokal na punong ehekutibo sa bansa sa ATA 2020 Bill. Ang panibagong hakbang na ito ng DILG ay patunay na hindi kusang loob o boluntaryo ang pahayag ng suporta sa ATA 2020 Bill ng mga lokal na pinunong ehekutibo kundi resulta ng pambabraso, pananakot at pagbababala na kakasuhan ang sinumang lokal na ehekutibo na hindi susuporta sa nasabing panukalang batas.
Nalantad din ang labis na desperasyon na pasistang rehimeng US-Duterte na sukdulang gumamit ng mga pananakot at panggigipit sa mga lokal na opisyal para lamang may maipakitang grupong sumusuporta sa kinamumuhiang ATA 2020 Bill. Buong akala ng Malacañang at DILG na kapag ang mga lokal na opisyal ay tumindig pabor sa panukalang batas ay otomatikong kinakatawan nila ang tindig at boses ng kanilang mga nasasakupan. Pilit na nagbubulag-bulagan ang DILG sa katotohanang malaking mayorya sa mga lokal na opisyal ay tutol sa ATA 2020 Bill dangan lamang na hindi sila hayagang makapagpahayag ng kanilang pagtutol hindi katulad sa tapang na pinamalas ng bumubuo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa Cebu City na hayagang tumindig laban sa Terror Bill.
Pinapayuhan ng NDFP-ST ang mga lokal na punong ehekutibo na dapat sa kanilang nasasakupan sila magpaliwanag dahil ang mamamayan ang nagluklok sa kanila sa kapangyarihan. Kung kakayanin, nang hindi kinakailangang ilantad ang sarili, gumawa ng mga hakbang na magpapasubali sa pinangangalandakan ng DILG na kusang-loob at boluntaryo ang inyong pagsuporta sa ATA 2020 Bill. Ang mahalaga ay maipadama ninyo sa inyong mga nasasakupan na tulad nila kayo’y tahasang tumututol sa higit na mapanupil na batas dangan nga lamang na hindi ninyo kayang ilantad ang sarili dahil sa takot sa maaaring maging bwelta sa inyo ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Samantala, ipinaparating ng NDFP-ST sa iba pang mga lokal na punong ehekutibo na laging bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa pakikipaglinawan at diyalogo. Anumang oras na pinahihintulot ng sitwasyon ay handa naming tanggapin ang inyong mga sugo o opisyal na kinatawan para sila’y kausapin at pakinggan ang inyong nais ipaabot na paliwanag at iba pang nais iparating sa rebolusyonaryong kilusan. Sa mga sagadsaring kontra-rebolusyonaryo, may panahon pa upang magsisi, magbago ng inyong gawi at manindigan para sa mamamayan. ###