PdG : Hinggil sa pagdami ng may CoVid-19 sa bansa
Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang malubhang kapabayaan at makupad na tugon ng gubyernong Duterte sansalain at kontrolin ang mabilis na pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na CoVid-19 sa bansa.
Ang kapabayaang ito ay humantong ngayon sa biglang pagdami ng insidente ng nahawa ng CoVid-19 dahil sa pagbabantulot ng rehimeng na agarang magpatupad ng travel ban sa mainland China, Hongkong, Macau at Taiwan. Bahag ang buntot ng rehimeng Duterte na inalis sa listahan ng may travel ban ang Taiwan matapos magbanta ito na gagawa ng pagganti sa Pilipinas.
Dahil sa pag-uurong-sulong na ito, nadagdagan ang mga kaso ng may CoVid-19 sa bansa. Ang unang tatlong kaso sa Pilipinas na nadiskubreng may CoVid-19 ay mga turistang Chino na nagmula sa Wuhan. Sinundan ito ng tatlo pang turistang Hapon, South Korean at Chino na positibong nagkasakit ng CoVid-19 pagkagaling ng Pilipinas. Kasunod ang unang kaso ng lokal na transmisyon ng mag-asawang Chino na walang kasaysayang bumyahe sa labas ng bansa liban sa pagpunta sa Green Hills Shopping Center sa San Juan City. Naitala din ang unang lokal na transmisyon ng sakit na CoVid-19 sa Mindanao mula sa isang taga-Siliman na may travel history sa nasabing Green Hills Shopping Center.
Labis na minaliit at kampante ang rehimeng Duterte sa nahuling pagdeklara ng isang national health emergency sa Pilipinas sa harap ng tunay na banta na nakapasok at kumakalat ang CoVid-19 sa bansa. Ang naitalang dalawang (2) kaso ng lokal na transmisyon ng CoVid-19 ay palatandaan na may nauna nang nangyayaring proseso ng pagsasalin-salin at pagkakahawaan ng 2019 corona virus sa bansa nang di maagang natutuklasan ng DOH.
Dahil sa makupad na pagharap at kapabayaan ng gubyernong Duterte, nagsisimula nang humagupit at lumatay sa taumbayan ang mabilis na pagkalat ng CoVid-19 na maaaring humantong sa mas malawakang pagsasalin-salin ng sakit sa mas maraming bilang ng mga komunidad. Maaaring humantong ito sa kamatayan ng maraming Pilipino, magdulot ng pagkabalisa, panik at kaguluhan lalo na sa mahihirap nating kababayan na walang rekurso para proteksyunan ang sarili at pamilya laban sa nakamamatay na CoVid-19.
Sa huling tala ng Department of Health (DOH), sa pagharap nito sa media ng hapon ng Marso 11, 2020, umabot na sa 49 mula sa naunang naiulat na tatlo ang infected ng nakamamatay na virus.
Nalantad din ang kawalan ng paghahanda ng rehimen sa mismong pag-amin ng asosasyon ng mga pribadong ospital na wala silang kakayahan harapin ang pagdagsa ng dumaraming kaso ng CoVid-19 infection dahil dalawang isolation room lamang mayroon ang bawat pribadong ospital. Limitado din ang kakayahan ng mga pampublikong ospital na papasama ang kundisyon ng mga pasilidad dahil sa kulang na badyet, malaganap na korapsyon at pinaiiral na patakaran ng rehimeng isapribado ang mga pampublikong yutilidad. Ngayon pa lamang, malaki na ang pagkukulang ng mga CoVid-19 testing kit.
Panik at kaguluhan ang kauuwian ng bansa dahil sa kawalan ng sapat na paghahanda at kapabayaan ng rehimeng Duterte sa pagharap sa CoVid-19. Taumbayan din ang sasalo at tatamaan ng mga marahas at drastikong hakbang ng gubyerno sa paghahabol nitong maampat nang mabilis ang pagkalat sa bansa ng nakamamatay na CoVid-19. Bibigyang katwiran ang mga mararahas at drastikong hakbang ng gubyerno dahil ito daw ang kinakailangan at hinihingi ng kasalukuyang kalagayan.
Walang ibang dapat sisihin at papanagutin sa pangyayaring ito kundi ang pasistang rehimeng US-Duterte. Ito dapat ang managot sakaling marami ang mamamatay sa ating mga kababayan, umiral ang panik at magkaroon ng kaguluhan sa bansa dahil sa takot at pangamba ng taumbayan na mahawahan ng nakamamatay na CoVid-19. Sa kabilang banda, binababalaan ng NDFP-ST ang rehimeng US-Duterte sa paggamit ng mga drastikong hakbang at kamay-na-bakal ng pasistang estado dahil lamang sa pagkukumahog na ampatin ang mabilis na pagkalat ng nakahahawang virus. Ang mga kawawa at maliliit nating mga kababayan ang pangunahing tatamaan at maaapektuhan ng pabara-bara at drastikong hakbang ng gubyernong Duterte. Dapat itong tutulan at labanan ng taumbayan.
Kung tutuusin, maiiwasan sana ang mabilis na pagpasok at pagkalat ng CoVid-19 sa bansa kung maaga at naging mapagpasya ang mga hakbang ng rehimeng US-Duterte na ipagbawal o higpitan ang pagpasok ng mga turistang Chino at iba pang nasyunalidad na nagmula sa bansang China, lalo na ang mga nanggaling sa Wuhan o Hubei at mga bansa na may napaulat nang nagkaroon ng CoVid-19.
Subalit inuna pa ng gubyerno at mga alipures nito sa Senado at Kongreso ang pagpapasa ng higit pang mga mapanupil at anti-mamamayang batas, pag-amyenda sa saligang batas para ilusot ang mga maka-dayuhan at anti-mamamayang mga patakakaran sa larangang ekonomiya ng bansa at ng pag-aagawan sa pakinabang sa pondo ng bayan. Kampante at minaliit ng rehimeng Duterte ang bagsik na dala ng CoVid-19.
Maiuugat ang kapabayaan at pagbabantulot ng gubyernong Dutete na hadlangan o maiwasang makapasok ang CoVid-19 sa bansa dahil sa umiiral na “ispesyal na relasyon” ng kanyang gubyerno sa gubyernong China. Mas inuna pa niyang bigyan ng proteksyon at pangalagaan ang mga bilateral na kasunduan na pinasok niya sa gubyernong China kaysa ang bigyan ng proteksyon ang bansa sa posibleng pagpasok ng CoVid-19. Ayaw ni Duterte na magpatupad ng mga hakbang na makasisira sa “magandang” relasyon nila ni Xi Jinping na Presidente ng China.
Samantala, lubhang nahuli na ang pagdedeklara ng gubyerno ng State of Public Health Emergency. Kalat na sa bansa ang CoVid-19 at mahihirapan nang maisagawa ang contact tracing ng Department of Health (DOH). Maaaring humantong ito sa buo-buong komunidad, bayan o probinsya ang isailalim sa lockdown para kontrolin ang lalo pang pagkalat ng nakamamatay na CoVid-19.
Ngayon lang din naaprubahan sa kongreso ang P 1.6 Bilyon bilang suplemental budget para gamitin sa sa pagtugon at pagpigil sa lalong pagkalat ng nakamamatay na virus.
Mas inunang pagtuunan ng pansin ng Senado ang pag-amyenda sa Human Security Act of 2007 (HSA 2007) nang ipinasá nito ang Senate Bill 1083 o Anti-Terrorismo Law of 2020 na gagamiting sandata ng estado para patahimikin, supilin at sugpuin ang lehitimong pagtutol ng mamamayan sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Ipinasá naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 78 para amyendahan ang Public Safety Act na magbibigay pahintulot na 100% ariin ng dayuhan ang operasyon ng mga pampublikong serbisyo sa sektor ng enerhiya at kuryente, telekomuniskasyon at transportasyon.
Dagdag pa, kapos ang gubyernong Duterte sa pagpapalaganap ng mga impormasyon at hakbangin para ipabatid at turuan ang taumbayan sa wastong pag-iingat para maiwasang kumalat at mahawaan ng nakakamatay na CoVid-19. Sa halip na tumulong ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pagpapalaganap ng impormasyon kaugnay sa CoVid-19, patuloy pa rin ang kanyang tuon sa paghahatid ng impormasyon sa publiko nang mga walang katuturang aktibidad ni Duterte sa Malacañang at iba pang lugar sa bansa.
Naging abala din ang PCOO sa paglilibot sa mga bansa ng Europa sa bigong layuning pabanguhin sa mata ng internasyunal na komunidad ang nabubulok at nangangamoy na pasistang rehimeng US-Duterte. Pangunahing pinagtuunan ng pansin ng PCOO ang pagsalag at pagtatanggol sa imahe ni Duterte mula sa mga batikos ng taumbayan at maging ng mamamayan sa ibayong dagat dahil sa talamak na paglabag sa karapatang pantao, paglobo ng biktima ng extra judicial killings, madugong kampanya kontra-droga at patuloy na panggigipit ng rehimen sa mga human rights workers and defenders sa bansa.
Walang kahihiyang nilustay ng PCOO ang pondo ng taong bayan sa paglabas-labas ng bansa para lamang siraan, maghasik ng kasinungalingan at akusahan ang mga lehitimong organisasyon at institusyon na nagsusulong at nagtatanggol ng karapatang pantao bilang mga “communist front organizations”.
Hanggang sa ngayon ay walang malinaw na tindig ang gubyerno kung sino ang sasagot sa mga gastusin sa ospital ng mga tatamaan ng sakit na CoVid-19. Sino ang sasagot sa gastos sa doktor ng mga may sintomas at palatandaan ng CoVid-19? Sinong sasagot sa pangangailangan ng pamilya sakaling breadwinner ang makakwarantina at magkakasakit? Anong tulong ang naghihintay sa mga manggagawa sa mga pabrika, malalaking tindahan at kainan, malls, department stores at iba pang business establishments na magsasara dahil sa virus? Ano ang alternatibong hanapbuhay na maaaring ipagkaloob sa kanila ng gubyerno? Ano ang tulong na maibibigay ng gubyerno sa mahihirap nating kababayan na magbibigay sa kanila ng proteksyon laban sa sakit na dulot ng CoVid-19? Sila ang higit na bulnerableng tamaan ng sakit dahil sa pagkakaroon ng mahinang resistensya ng katawan dulot ng kakulangan sa pagkain at kahirapan.
Karapatan ng taumbayan na singilin at papanagutin ang rehimeng Duterte sa pinsalang idudulot sa kanila ng CoVid-19. Labanan ang gagawing marahas na hakbang ng estado na kontrolin ang malayang paggalaw at pagkilos ng taumbayan para sa paghahanap ng kanilang ikabubuhay at kakainin sa araw-araw. Dapat igiit at ipaglaban ng taumbayan ang tulong mula gubyerno dahil ang gubyerno mismo ang dahilan ng pagkakaroon ng ligalig at nakapanlulumong sitwasyon ng mamamayan. #