Pekeng engkwentro sa Ligao City, kagagawan ng AFP-PNP
Florante Orobia | Spokesperson | NPA-Albay (Santos Binamera Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
October 04, 2019
Mariing pinabubulaanan ng Bagong Hukbong Bayan – Santos Binamera Command (BHB-SBC) na may naganap na engkwentro sa Sitio Cadlom, Brgy. Pandan sa Ligao, noong Oktubre 1. Walang yunit ng BHB sa nasabing lugar. Pakana lamang ito ng AFP-PNP para bigyang tuntungan ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Albay sa ilalim ng EO 70 na nagpapatindi ng terorismo ng estado.
Dakong alas-10 ng umaga nang marinig ang sunud-sunod na putok na naging dahilan para matakot at magsibabaan ang mga magsasakang nagtatanim sa Sitio Cadlom. Ayon sa balita, naganap diumano ang engkwentro sa pagitan ng limang miyembro ng BHB at mga elemento ng AFP. Dagdag pa sa kasinungalingan ng AFP na may nasamsam na isang M16 rifle mula sa hanay ng BHB.
Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang 10 kaso ng pekeng engkwentro sa Kabikolan. Bahagi ito ng kampanyang saywar ng buong makinarya ng sibilyang junta. Katambal ito ng mga deklarasyong persona non grata, localized peace talks at pekeng surrenderees. Kasabay din nito ang malawakang red-tagging sa mga progresibo at makabayang puwersang tumutuligsa sa terorismo ng estado.
Nananawagan ang BHB-SBC sa mamamayang Bikolano na isiwalat ang katotohanan. Panawagan din sa mga kagawad ng midya na maging mapanuri sa mga impormasyong nakakalap at bigyang puwang ang boses ng mamamayan. Marapat lamang na magkaisa ang taumbayan upang mapagpasyang harapin ang papatinding panunupil ng estado sa ilalim ng EO 70.
Pekeng engkwentro sa Ligao City, kagagawan ng AFP-PNP